"Thank you sa paglalagay ng sunblock sa akin ate," ani Bernice.
"You're always welcome. Hindi rin naman kasi maganda sa balat ang sobra-sobrang sunblock," tugon ni Sarah bago ibinalik sa may katabing maliit na lamesa ang hawak na bote ng sunblock.
"Okay na ba itong swimsuit ko, ate?" tanong ni Bernice na umikot-ikot pa sa harap ng nakatatandang kapatid.
"Oo Bernice, you look sexy with that swimsuit," hindi niya binobola ang kapatid sa sinabing iyon. Naka-two piece lang kasi ito ng kulay navy blue at bumagay iyon sa maputing kulay ng kutis nito.
"Uhmm, ate," ani Bernice habang nakaharap sa malaking salamin na halos kasing taas na nito at hugis oblong. "Napansin mo ba 'yung tingin nu'ng matanda kanina? Ang creepy 'no?" Ayaw na sana nitong buksan pa ang paksa na iyon pero hindi rin nito mapigilan. Muli tuloy itong kinikilabutan nang maalala ang ngiti ng matandang muntik na nilang masagasaan kanina.
Ngumiti naman si Sarah bago tumayo sa may likuran ni Bernice at hinawakan ito sa magkabilang balikat habang nakatingin sa repleksyon nito. Pagkatapos nilang maka-engkwentro ang matanda kanina ay nakita na rin kaagad nilang narating ang resort. Kung bago sila umalis sa bahay, si Miracle lang ang tahimik. Sinabayan na iyon ni Bernice mula nang makababa sila ng van. Ngayon lang ito ulit naging masigla nang makita ang puting buhangin at asul na kulay ng dagat. "Sabi ko naman sa iyo, h'wag mo nang isipin 'yon 'di ba? Masisira lang ang mood mo. Saka halata namang baliw lang ang matanda na 'yon."
"Pero ate, iba kasi ang tingin niya sa akin eh. Lalo na 'yung ngiti niya. Para bang ang tagal niya akong hinanap. Parang –"
"Shhhh." Pinahinto na niya sa sinasabi si Bernice bago ito iniharap sa kanya. Inayos-ayos niya ang mahabang bangs nito at inilagay sa may gilid ng tainga. "Tama na 'yan, mapaparanoid ka lang eh."
Bumuntong hininga naman si Bernice. "Si Miracle kasi ate eh... Pampadagdag bad vibes, lalo na 'yung sinabi niya kanina."
"Ano ba 'yung sinabi niya kanina?" kuno't noong tanong niya.
"Na mamamatay daw tayong lahat sabi nung matanda kanina."
Napalunok si Sarah. Bakit ba tinanong niya pa iyon? Iyon nga pala ang nagpatahimik sa kanila kanina sa loob ng van. Muli niyang pinilit na ngumiti. "Alam mo Bernice, tama na ito. Pina-paranoid mo lang ang sarili mo eh." Pinangiti niya ang mga labi ni Bernice gamit ang dalawang hinlalaki. "Mag-swimming ka na para makapag-ayos na ako dito, kasi ang dami mong kalat."
Natawa naman si Bernice na saglit na sumulyap sa kama kung saan nakakalat ang sariling mga gamit. Itinaas niya ang isang kamay at nag-peache sign. "Sige ate. Lalabas na ako para makapag-ayos ka na. Excited na rin akong mag-swimming eh."
"Very good! Basta susunod na lang ako pagkatapos kong mag-ayos ng mga gamit natin dito."
"I love you ate," yumakap pa ng mahigpit si Bernice sa kanya bago tuluyang lumabas ng kwarto.
Napangiti na lang siyang pinagmasdan ang kapatid na excited na lumabas ng kwarto nila. Mabuti na lang talaga at hindi nagkakalayo ang edad nilang dalawa dahil kaagad niyang nasasakyan ang mga trip nito. Idagdag pa na malapit din ito sa mga kaibigan niya kaya madalas na magkasama sila sa mga lakad kagaya ngayon. Sa totoo lang ay hindi kasi talaga siya nakakampante kapag matagal na nawawala sa paningin niya si Bernice.
'Ang sabi niya mamamatay daw tayong lahat.'
Napailing na lang siya nang biglang maalala ang sinabing iyon ni Miracle na para bang narinig pa niya ang boses nito. Gusto niya tuloy isipin minsan na tama ang mga kaibigan niya na sana ay hindi na lang niya pinilit na sumama si Miracle. Pero sa tuwing maaalala niya na minsan din namang naging parte ng barkada nila ang dalaga noong highschool ay nako-konsensya siya. Lalo na sa tuwing magkakasama sila sa isang group project na ito na halos ang gumagawa at ang ending, ang grupo nila ang palaging may pinakamataas na grade.
BINABASA MO ANG
Miedo de Luna (Published under PSICOM)
HorrorSa isang lugar na puno ng halimaw at kababalaghan, lugar na wala kang ibang tao na pwedeng pagkatiwalaan, walang araw na magbibigay ng liwanag at walang D'yos na maaaring dasalan... Paano ka mabubuhay? Halina't pasukin natin ang isang misteryo...