Kabanata XXXVII

2.6K 126 4
                                    

"Prepare the defibrillator and i-intubate na siya."

"Monitor her pulser!"

"We can't let her go!"

"We can't let her go!"

"Start the chest compression!"

"One... Two... Three!"

"One... Two... Three!"

Magulo. Maingay. At napakabigat ng pakiramdam ko na halos hindi ko na maimulat ang aking mga mata. Naririnig ko ang mga sigawan sa paligid pero wala ako halos maintidihan. Gusto kong bumangon. Gusto kong imulat ang mga mata ko pero nagsisimula na akong mahirapang huminga. Pakiramdam ko ay may mabigat na bagay na nakadagan sa aking dibdib na dahilan upang mas lalo akong kapusin ng hangin. Bumibigat hindi lang ang pakiramdam sa dibdib ko kung hindi pati na rin ang ulo at buong katawan ko. Nasaan ba ako? Ano bang nangyayari? Ano ba itong mabigat sa dibdib ko? Bakit parang ang sikip sa lugar kung nasaan ako? Bakit ang hirap huminga dito? Ganito ba talaga kabigat ang pakiramdam kapag mamamatay na?

"Doc, we're losing her!"

"Don't give up!"

"Perform another heart compression!"

"One... Two... Three!"

"One... Two... Three!"

"One... Two... Three!"

Pakiramdam ko anumang oras ay sasabog na ang dibdib ko. Mali. Pakiramdam ko ay sasabog na ang ulo at buong katawan ko sa kung ano man ang ginagawa sa akin ng mga tao sa paligid ko. Mukhang tama nga ako. Mamamatay na nga yata ako ako.

'Ate, kailangan mong mabuhay para sa mga pangarap natin. Para sa akin.'

Bernice? Si Bernice ba 'yon? Oo, boses ni Bernice 'yon. Hindi ako pwedeng magkamali, boses iyon ng kapatid ko! Pero nasaan siya? Bakit hindi ko siya kasama? Bakit puro dilim lang ang nakikita ko? Nasaan ang kapatid ko?

'Maghihintay ako sa iyo, Sarah.'

Kaninong boses 'yon? Si Vic ba 'yon? Si Armand? Si Kevin? Si Mark? Isa ba sa mga kaibigan ko? Hindi! Hindi 'yon boses ng sinoman sa barkada namin. Naalala ko na... Naaalala ko na ang lahat. Naalala ko na kung sino siya. Naalala ko na kung anong nangyari. Naalala ko na ang lahat!

"Bernice!"

Humihingal na napabangon ako mula sa kinahihigaan ko na kung ano. Nakasisilaw na liwanag ang sumalubong sa mga mata ko habang pinalilibutan ako ng napakaraming tao na puro nakaputi. Lahat sila ay nakatulala sa akin na tila gulat na gulat. Parang ako nga ang dapat na mas magulat dahil hindi ko sila kilala lahat.

"D-Doc, a-all vitals are getting stable," nauutal na sabi ng isang babaeng nakaputi rin na nakahawak sa pulsuhan ko. Namimilog ang kanyang mga mata habang titig na titig sa akin.

"Transfer her to recovery room."

******

Naramdaman ni Sarah ang mahigpit na yakap ng kanyang Tita Mely habang ang mga tingin niya ay hindi inaalis sa kabaong na ibinababa sa hukay. Ang kabaong kung nasaan ang katawan ng kanyang kapatid na si Bernice.

Nangangatal ang kanyang mga kamay na binitawan niya ang hawak na puting rosas sa hukay habang walang tigil ang paglandas ng mga luha sa magkabilang pisngi. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang wala na si Bernice at wala ni isa sa barkada niya maliban sa kanya ang nakaligtas mula sa aksidente habang pabalik sila ng Maynila. Ni wala siyang maalala na kahit anong tungkol sa aksidente. Ang huling natatandaan niya ay nang makipagpalit si Miracle ng upuan sa kanya na alam niyang si Bernice ang may pakana. "Bernice..." Lalo siyang naiyak. Kahit sinoman ang makakakita sa hitsura ng sasakyan nila ay masasabing isa talagang himala na nakaligtas siya at nabuhay. Pero kung hindi lang siya pumayag na makipagpalit ng upuan kay Miracle marahil ay hindi rin siya nakaligtas sa pagsundo ni Kamatayan sa kanila. Siguro ay magkasama na sila ngayon ni Bernice. Hindi niya tuloy maiwasan na sisihin ang kanyang sarili sa lahat ng nangyari. Kasalanan niya ito. Kasalanan niya kung bakit nawala si Bernice.

"Sarah, halika na sa sasakyan."

Saglit niyang pinunasan ang mga luha bago nilingon si Tita Mely. "Sige po tita, susunod na po ako."

Isa-isa nang nag-alisan ang mga tao sa paligid niya. Unti-unti naman niyang naramdaman ang pag-iisa. Unti-unting nanumbalik ang lahat ng sakit.

"Bakit kasi hindi ninyo na lang ako sinama. Bakit iniwan ninyo ako lahat? Bakit kailangan ako pa ang mabuhay."

Nanlalambot ang mga tuhod na napaluhod na si Sarah sa damuhan.

"Bernice... Bernice bakit pati ikaw nawala sa akin. Paano na ako ngayon? Paano na ako mabubuhay nang wala ka sa tabi ko. Paano na ako?"

At kasunod ng pagyakap niya sa picture frame ni Bernice ay ang biglang pagbuhos ng ulan na kahit paano ay ipinagpapasalamat niya. Dahil sa mga butil ng ulan ay hindi niya na masyadong nararamdaman ang mga luha sa magkabilang pisngi. Pero kahit gaano pa kalakas ang ulan, hindi pa rin noon mapapawi ang sakit na nararamdaman niya ngayon. At alam niiya sa sarili niyang walang kahit na ano man ang makakapawi noon. Wala kahit ano o sino pa man.

Miedo de Luna (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon