Kabanata XXIII

2.5K 165 18
                                    

Nagising si Sarah sa malakas na kulog at kidlat mula sa may bintana ng kwarto niya. Malakas ang hangin at ulan na tila na ang salamin ng bintana.

"Papa... Mama..."

Inilibot niya ang paningin sa apat na sulok ng kwarto ng marinig ang pamilyar na boses. "Bernice!" Kaagad niyang mabilis na inalis ang makapal na kumot mula sa katawan sa kabila ng lamig na nararamdaman. Hindi na siya nag-atubili pang magsuot ng tsinelas at tinungo ang kwarto ng nakababatang kapatid. Dalawang buwan pa lang ang nakalilipas pagkatapos ilibing ng kanilang mga magulang at batid niyang sa kanilang magkapatid, si Bernice ang mas nahihirapang maka-move on sa nangyari.

"Papa... Mama..."

Hindi nga siya nagkamali ng maabutang umiiyak ang kapatid niya sa sarili nitong kwarto. Nakasiksik sa sulok ng kama.

"A-ate, nasaan sina Papa at Mama? Nakauwi na ba sila?" hagulhol ni Bernice.

"Bernice," kaagad niyang niyakap si Bernice. Sigurado siyang nanaginip na naman ito. Napaginipan nitong umuwi na ang mga magulang nila. Napaginipan nitong buhay ang Papa at Mama nila.

"Ate, nasaan na sina Papa at Mama? Nasaan na sila? Nasaan na sina Papa at Mama, tumawag na ba sila? Pauwi na raw ba sila? Ate, natatakot ako sa kulog at kidlat."

Niyakap niya nang mahigpit si Bernice habang lihim na pinupunasan ang sariling mga luha. "Bernice, I'm here. H'wag ka ng matakot. Nandito na si ate, hinding-hindi kita iiwan."

Naramdaman niya na unti-unti nang kumakalma si Bernice habang nakayakap sa kanya. Tuluyan na niyang hindi napigilan ang mga luha na muling lumandas sa magkabila niyang pisngi.

"Ate... Ate, h'wag mo akong iiwan please... Natatakot ako... Natatakot akong mag-isa."

Marahan niyang hinagod-hagod ang likuran ng kapatid. Mula ng mailibing ang kanilang mga magulang ay nangako siya na hindi niya ito pababayaan. Hindi niya ito iiwanan at gagawin niya ang lahat upang ma-protektahan ito. Tatayo siya hindi lang bilang ate ni Bernice, kung hindi bilang magulang na rin ng nag-iisa niyang kapatid. At kahit anong mangyari ay hinding-hindi siya papayag na magkahiwalay ang mga landas nilang magkapatid. "Promise Bernice... Hindi kita iiwan. Kahit kailan, hinding-hindi kita iiwanan."

Muling gumuhit ang kislap ng kidlat sa labas ng bintana kasunod ang malakas na kulog bago niya naramdaman ang mahigpit na yakap ni Bernice. "Ate, h'wag mo akong iiwanan. Natatakot ako. Natatakot akong mag-isa."

*****

"Bernice!" Habol ang hiningang napabangon si Sarah sa pagkakahiga mula sa batuhan na sinapinan ng mga balabal na dala nila. Inilibot niya ang tingin sa paligid, ilang saglit pa bago niya napagtanto kung nasaan siya ngayon. Nasa loob pa rin sila ng kwebang dilim.

"Sarah..."

Namilog ang mga mata niya. "Vic!" Kaagad niyang niyakap ang binata bago tuluyang naiyak. Naramdaman niya ang kamay nitong humahagod sa may likuran niya na unti-unting nagpakalma sa kanya. Isang napakalalim na buntong hininga ang binitawan niya bago pinunasan ang mga luha at inilayo ang katawan mula sa binata. "S-sorry... Napaginipan ko kasi si Bernice. Paano kayo nakapunta dito? Paano ninyo kami nahanap? Nasaan ang mga kasama mo?"

"Nagkataon lang na nakita namin ang kwebang ito habang papalayo kami sa ilog kung nasaan ang mga magindara."

"M-magindara?" Alam niyang maraming kababalaghan ang nangyayari sa lugar na kinaroroonan nila na napakahirap paniwalaan. Mahirap pero wala silang ibang pagpipilian kung hindi ang maniwala dahil unti-unti ay aktwal na nilang nakikita ang lahat.

Miedo de Luna (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon