Kabanata VI

4K 232 58
                                    

 "Akala ko ba malapit na tayo?" takang tanong ni Donna nang mahigit isang oras na silang nakasakay sa van mula nang makapalagpas sa matinding traffic kung saan may aksidente.

"Hindi ko nga maintindihan ito si waze eh. Kung saan-saan ako pinapaliko," nagisismula na ring mainis na sagot ni Mark. Hindi naman kasi sila nahirapan noon ng mga ka-opisina niya na hanapin ang resort.

Pasulyap-sulyap naman si Miracle sa cellphone na nasa pagitan nila ni Mark. Kahit siya ay nagtataka na rin dahil alam niya sinundan lang ni Mark ang lahat ng direksyon na binibigay ng kaharap nilang cellphone.

"Baka ibang resort ang na-pin mo, Mark?" sabi ni Armand na naiinip na. Kanina pa kasi niya pinipigilan ang maihi dahil sabi ni Mark ay malapit na sila sa resort.

"Hindi, sigurado ako na tama ang nasa pin point ko," giit naman ni Mark habang nakatingin sa cellphone dahil wala namang masyadong nadaang sasakyan sa kalsada. Nag-restart na rin siya ng cellphone kanina dahil biglang tumigil ang Waze application doon kahit may signal naman. Matandain din siya sa mga lugar at daan pero parang sa ibang daan sila dinadala ng waze ngayon.

"Mark, may babae!!!" halos sabay-sabay na sigaw ng mga tao sa loob ng van.

Naging maagap si Mark at hindi pa man nababaling ang tingin sa harapan ay kaagad niyang inapakan ang preno. Nanlaki ang mga mata niya nang makita nga ang babae sa harapan. Wala siyang naramdamang bumangga sa harapan ng van na sinasakyan nila pero nakita niyang natumba ang babae.

Kaagad na nagsibabaan ang mga sakay ng van. Umalalay si Bernice at Liezl sa babaeng natumba.

Saglit namang natulala si Miracle. Pakiramdam niya ay biglang lumakas ang aircon sa loob ng sasakyan na nagpapanginig sa laman niya. Ang babaeng nasa harapan ng van nila na muntik na nilang mabangga ay nakasuot ng sutanang pula. Pinilit niya ang nanlalambot na mga binting bumaba ng sasakyan pero nanatili lamang siyang nakatayo sa gilid nito at kapit na kapit sa pinto habang nakatingin sa babae.

"Lola, okay lang po ba kayo?" nag-aalalang tanong ni Bernice nang mapagtantong matandang babae ang muntik na nilang masagasaan. Ang mahaba nitong pulang belo ay nakakalat na sa tabi nito.

Hindi naman sumagot ang matandang babae na kulay abo na halos ang mga mata. At nang makita ang mukha ni Bernice ay dahan-dahang gumuhit ang kakaibang ngiti sa maputla nitong mga labi, kung saan lumabas ang mga ngipin nitong karamihan ay dilaw at itim na. Itinaas nito ang kulubot na kamay at akmang ilalapit sa pisngi ni Bernice.

Samantalang natulala naman si Bernice habang titig na titig sa mga mata ng matanda. May munting kilabot na dulot sa kanya ang ngiti nito, lalo na nang makita niya ang pagkilos ng kulubot nitong kamay palapit sa mukha niya. Gusto niyang umiwas pero parang hindi siya makakilos.

"Bernice!" Kaagad namang hinila ni Sarah palayo ang kapatid niya nang mapansin ang kakaibang ikinikilos ng matanda. Saglit pa siyang nagtaka nang matulala si Bernice dito. Napalunok siya nang biglang magbago ang hitsura ng mukha ng matanda at nanlisik ang mga matang tumingin sa kanya.

"Mierda! Carajo! Puta!" biglang sigaw ng matanda.

Napaatras na rin si Liezl mula sa matandang balak niya sanang alalayang tumayo.

Ngumisi ang matandang babae. Nakakakilabot na ngisi habang nanlilisik pa rin ang mga mata. "Todos ustedes... Todos ustedes..." Inilibot niya ang mga tingin sa bawat isang nakapaligid sa kanya habang tinuturo-turo ang mga ito gamit ang nanginginig niyang hintuturo. "Todos ustedes moriréis."

Miedo de Luna (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon