Malapit nang lumubog ang araw at nagsisimula nang kainin ng dilim ang buong paligid.
"Mag-iingat kayo," ani Miracle sa mga kasamang handa nang pumasok sa gubat.
"Sigurado ka bang hindi ka na sasama sa amin. Miracle?" tanong ni Sarah. Nako-konsesya kasi siyang iwanan ito kasama ang mga tao sa lugar na iyon. Ngunit sa pagkakakilala niya kay Miracle, sa oras na makapag-desisyon ito ay hindi na iyon basta-basta magbabago.
Nakangiti namang umiling si Miracle. "I'll be fine here Sarah. Basta, mag-iingat kayo. Ipagdarasal ko na makita ninyo na si Bernice para makaakyat kaagad kayo sa bundok."
Isang mahigpit na yakap pa ang ibinigay niya kay Miracle bago hinarap si Manang Abeng.
"Ito ang tatandaan ninyong lahat, makikinig kayong mabuti kayna Lucio at Temyong. H'wag na h'wag kayong hihiwalay sa kanila o sa inyong mga kasama. Kung nais ninyo talagang mabuhay at makabalik sa inyong mundo, matuto kayong gumalang, rumespeto at sumunod." Napakaseryoso ng mukha ni Manang Abeng habang isa-isang tinitingnan ang mga dayo na palabas na ng sitio.
"Whatever!" Joyce rolled her eyes. "Hindi pa ba tayo aalis?"
"Oo nga, padilim na oh!" gatong pa ni Armand.
"Nangangati na rin ako dito eh," si Donna naman ang nagsalita.
"Pwede ba guys, saglit na lang. Tumahimik muna kayo!" saway ni Vic. Kanina pa ito nagpipigil sa nakakainis na inaasal ng mga kasama.
"Sarah..." Muling humarap si Sarah sa matandang babae na nasa sa kanya na rin ang tingin. "Maaaring makita mo ang kapatid mo... Pero tandaan mo, may mga bagay na kailangan mong tanggapin kahit alam mong hindi mo kakayanin. Ano pa man ang matuklasan mo sa tuktok ng bundok ng Kalubay... Kailangang magpakatatag ka."
Kaagad na namuo ang mga luha sa gilid ng kanyang mga mata kasunod ang mabilis na paglandas ng mga iyon sa magkabila niyang pisngi. Para kasing hindi niya nagugustuhan ang ibig sabihin ng matanda sa mga salitang binibitawan nito ngayon. Pero hindi, magpapakatatag siya. Alam niyang buhay ang kapatid niya at magkasama sila ni Bernice na makakalabas sa misteryosong lugar na ito. Pinunasan na niya ang mga luha. "Salamat po Manang Abeng."
"Sarah..."
Naramdaman ni Sarah ang mainit na palad ni Samuel sa kamay niya.
"I think we have to go," ani Samuel.
Muling niyakap ni Miracle sina Sarah bago bumaling sa mga kasama ng mga ito. "Mag-iingat kayong lahat..."
"Let's go Sarah." Inagaw naman ni Vic ang kamay ni Sarah mula kay Samuel.
Isang ngiti ang iniwanan ni Sarah kay Miracle bago tumalima kay Vic. Labing apat silang lahat na patungo sa may paanan ng bundok upang hanapin si Bernice. Kasama nila ang dalawa sa pinakamatanda sa sitio na sina Kakang Lucio at Kakang Temyong at tatlong lalaking may kaedaran na rin na sina Rigor, Emil at Oseng. At bago siya nagpatuloy muli sa paglalakad ay saglit siyang tumigil bago tumingala sa tatlong mapupulang buwan na nasa madilim na kalangitan. "Hahanapin kita Bernice... Kahit anong mangyari, hahanapin kita."
BINABASA MO ANG
Miedo de Luna (Published under PSICOM)
HorrorSa isang lugar na puno ng halimaw at kababalaghan, lugar na wala kang ibang tao na pwedeng pagkatiwalaan, walang araw na magbibigay ng liwanag at walang D'yos na maaaring dasalan... Paano ka mabubuhay? Halina't pasukin natin ang isang misteryo...