"Sarah, okay ka lang?" tanong ni Vic bago tumabi kay Sarah.
"Uhm-uhm," tugon ni Sarah. Sa wakas ay muli silang huminto sa pagtakbo nang marating ang isang medyo patag na lugar. Saglit silang pinagpahinga nina Kakang Lucio nang tuluyan nang makalayo sa mga amaranhig. Nais daw sana ng matanda na makita muna ang kanilang dadaanan kasama si Paolo bago sila muling magpatuloy.
"Ako raw muna ang bahala sa iyo sabi ni Sam- I mean ni Chris."
Pilit siyang ngumiti sa sinabing iyon ni Vic. Gusto niya sanang ipakita dito na wala naman siyang kahit na anong dinaramdam ngayon. Pero mukhang hindi niya na maitatago pa kay Vic ang totoo. Na hindi talaga siya okay. Mas lalong hindi okay ang nararamdaman niya ngayon.
"May problema ba kayong dalawa? Napansin ko kasi na halos hindi na kayo nagkikibuan. May nangyari ba?"
"I think wala naman, Vic. Bumalik lang 'yong alaala niya, siguro kasabay no'n, bumalik na rin 'yong totoong siya. Saka..." tumingin siya kay Vic. "Wala rin naman kami dapat na maging problema. Kasi walang kami."
"Pero gusto mong magkaroon ng kayo..."
Alam ni Sarah na hindi iyon isang tanong ni Vic kaya saglit siyang natahimik.
"Alam ko naman Sarah... Sa tinagal-tagal nating magkaibigan, ngayon lang kita nakitang mag-alala at ngumiti ng gano'n... Kapag kasama mo lang si Chris," sa mga labi naman ni Vic gumuhit ang mapait na ngiti. Nasasaktan siya oo, dahil kung ano man ang ginawa ni Chris ay walang-wala pa sa effort na ginawa niya para kay Sarah sa loob ng ilang taon. Pero hindi niya kamumuhian si Sarah. Dahil hindi niya kayang kamuhian ang nag-iisang babaeng nagpatibok ng puso niya. "Hindi ko alam kung anong mayroon si Chris o kung pa man ang nagawa niya na hindi ko pa nagagawa noon, para hindi mo magawang ngumiti sa akin ng kagaya ng mga ngiti mo kapag siya ang kasama mo. Pero gusto kong malaman mo na hindi pa rin ako sumusuko. Isang dekada nga nahintay ko para lang payagan mo ako na manligaw sa iyo, ano ba naman 'yong makabalik tayo sa mundo natin para sabayan siya sa panliligaw sa iyo hindi ba? But again don't worry, ano pa man ang maging desisyon mo sa huli, masasaktan siguro ako, oo. Pero..." Bumuntong hininga si Vic bago inilayo ang mga tingin. "Pero tatanggapin ko lahat basta alam ko na masaya ka. Hinding-hindi ko ipapakita sa iyo na nasasaktan ako para hindi ka ma-guilty. Gusto ko masaya ka lang. Alam ko namang alam mo 'yon. At kahit ano o sino pa man ang makakapagpasaya sa iyo, 'yun lang din ang makakapagpasaya sa akin. At kung... Kung mangyari man na hindi na talaga ako makalabas mula sa sitio na ito kagaya ng sinasabi nina Kakang Mido, hinding-hindi ako magsisisi dahil ikaw ang nakasama ko sa mga huling sandali ko dito."
Humapdi ang lalamunan ni Sarah nang subukan niyang pigilan ang mga luha pero bigo rin siya. Nag-uunahang lumandas ang mga iyon sa magkabilang pisngi niya. Hindi niya lubos maisip kung paanong hindi niya nagawang mahalin ang isang katulad ni Vic. Kung bakit may mga taong sadyang tila napakahirap mahalin kahit nasa kanila na ang lahat ng dahilan. Bakit nga ba hindi niya nagawang mahalin si Vic ng higit pa sa isang kaibigan? "Thank you."
Pinunasan ni Vic ang pisngi ni Sarah na basa ng luha bago hinawakan ang mga kamay nito. "No, Sarah. Thank you. Thank you kasi kahit... Kahit never nagkaroon ng tayo, hinayaan mo akong maging part ng buhay mo. Ng buhay ninyo ni Bernice. At para sa akin, isang napakalaking bagay na iyon. Ang maging parte ng buhay ninyo ni Bernice. Basta, kung magkatotoo man ang sinasabi ni Kakang Mido na hanggang dito na alng ang buhay ko. Lagi mong tatandaan na walang hanggang naman ang pagmamahal ko para sa iyo. Makakasama mo pa rin ang presensya ko sa pagbalik mo sa mundo natin."
"Shhh, h'wag mo ngang sabihin 'yan!" Pinagdikit ni Sarah ang mga ngipin habang nagsasalita upang mas mapigilan kahit paano ang mga luha. Hindi man siya kahit kailan nagkaroon ng espesyal na nararamdaman para kay Vic, ay naging isa ito sa pinaka-espesyal niyang kaibigan. 'Yong kaibigan na alam niyang lagi niyang makakausap, matatakbuhan at makakasama sa oras na nasasaktan niya. Sinamahan siya ni Vic ng halos isang dekada, at kung sakali mang makabalik na sila sa kanilang mundo ng hindi ito kasama, hindi niya na alam kung muli pa siyang makakatagpo ng isang kaibigan na kagaya nito. "Mabubuhay ka, Vic. Makakalabas tayong lahat mula sa lugar na ito. Makakabalik tayo sa mundo natin."
Muling napabuntong-hininga si Vic bago sinagot ang mga yakap ni Sarah. "Pipilitin ko Sarah, pipilitin kong maka-survive at mabuhay para sa iyo," tugon niya bago lihim na pinunasan ang mga luhang nagbabanta nang lumandas sa pisngi niya. Hangga't maaari kasi sana ay ayaw niyang magpakita ng kahit na anong kahinaan kay Sarah. Hindi pwede dahil alam niyang isa siya sa kinukuhanan nito ng lakas ng loob.
***
"Chris, pwede ba tayong mag-usap?" tanong ni Vic sa nilapitang si Chris na naghahasa ng hawak nitong itak.
Umayos naman ng upo si Chris upang mabigyan ng espasyo si Vic sa tabi niya. "Sige lang, Vic. Tungkol saan ba?" sagot at tanong ni Chris kahit alam niyang isa lang naman ang pwedeng maging paksa ng usapan nilang dalawa.
"Tungkol kay Sarah."
Napalunok si Chris nang marinig ang pangalang inaasahan niya nang isasagot ng kausap.
"Siguro naman, narinig mo na 'yong sinabi ni Kakang Mido tungkol sa maaaring maging kapalaran ko sa lugar na ito."
"Vic, naniniwala ako na hawak pa rin natin ang kapalaran natin. Gagawin natin ang lahat para sabay-sabay tayong makaalis sa lugar na ito," sagot ni Chris na humarap na sa binata.
Ngumiti si Vic. Mapait na ngiti bago tumingin sa pulang buwan na ngayon ay unti-unti nang nangangalahati. "Tanggap ko na naman. Tanggap ko nang hindi na talaga ako makakabalik sa mundo natin, ang pinakamhairap lang tanggapin... 'Yong fact na hindi na talaga ako ang pipiliin ni Sarah sa ating dalawa."
"Vic, hindi pa naman tayo nakakasigurado na wala na talaga ang katawang lupa mo kagaya ng sinabi ni Kakang Mido."
"Pero ako, sigurado na akong ikaw ang pipiliin ni Sarah sa ating dalawa," kaagad na dugtong ni Vic.
Natahimik na bigla si Chris. Wala kasi siyang makapang salita na isasagot sa kausap. Kahit siguro ilang beses niyang ibahin ang paksa ng pag-uusap nilang iyon ay ibabalik lang din ni Vic ang lahat kay Sarah.
"Chris, hindi ko alam kung anong parte ng nakaraan mo ang naalala mo para iwasan mo si Sarah, at alam kong masyado ng personal kung aalamin ko pa. Pero Chris, pwede ba bago man lang ako..." Isang malalim na buntong hininga ang binitawan ni Vic. Hindi pala talaga ganoon kadaling tanggapin sa sarili niya na mamamatay na siya kahit alam niyang patay na siya. Nakakatawa na nakakatakot. Nakakatawa kasi kung tutuusin pwedeng naniniwala siya sa isang bagay na wala naman talagang katotohanan. Nakakatakot kasi 'yong iisipin niyang mamamatay na naman siya sa ikalawang pagkakataon. "Pwede bang mangako ka sa akin na gagawin mo ang lahat para makalabas kayo ng buhay ni Sarah mula sa lugar na ito. Nararamdaman ko kasi na kapag dumating ang pagkakataon na manganib ang buhay ko, baka mas piliin niyang manatili sa tabi ko kahit hindi ako ang mahal niya. Kilala ko kasi si Sarah, lahat kaya niyang gawin at isakripisyo para sa mga taong mahalaga sa buhay niya. Kahit pa maging buhay niya ang kapalit."
Si Chris naman ang napabuntong hininga. Unti-unti ay inuusig siya ng kanyang konsensya sa ginagawa niyang pag-iwas kay Sarah. Hindi niya naman talaga gusto ang ginagawang niya pero wala siyang ibang pagpipilian dahil hangga't maaga, kailangang tuluyan nang maputol kung ano naman ang nararamdaman nila para sa isa't-isa. Kahit parang napakahirap gawin ng bagay na iyon lalo na ngayon... Sa lugar na ito. Na sa bawat minuto na lumilipas ay hindi niya nais na nawawala sa paningin niya si Sarah. At mukhang mas lalong mawawalan siya ng rason na iwasan ang dalaga at kalimutan kung ano man ang nararamdaman niya para dito.
"Isang pabor lang, Chris. Isang pabor lang bago ako mamatay. Gawin mo ang lahat para mailigtas ang buhay ni Sarah mula sa panganib... Kahit maging buhay ko pa ang kapalit."
BINABASA MO ANG
Miedo de Luna (Published under PSICOM)
TerrorSa isang lugar na puno ng halimaw at kababalaghan, lugar na wala kang ibang tao na pwedeng pagkatiwalaan, walang araw na magbibigay ng liwanag at walang D'yos na maaaring dasalan... Paano ka mabubuhay? Halina't pasukin natin ang isang misteryo...