Pawis ang noo at sapo ang dibdib na malakas ang kabog nang bumangon si Sarah mula sa higaan. Lalo siyang kinabahan nang hindi matagpuan si Bernice sa tabi niya.
"Good morning ate!"
Napapitlag siya sa biglang pagbukas ng pinto at pagpasok ni Bernice. Medyo nakahinga na siya ng maluwag nang makita ang kapatid na walang bakas ng dugo sa mukha at katawan. "G-good morning Bernice..."
"Ate dinalhan kita ng fresh buko juice," lumapit si Bernice at inabot sa kanya ang hawak na buko na may straw.
"Thank you..." nakangiting tugon niya habang tuluyan nang napawi ang kaba sa dibdib niya. Siguro ay dala lamang ng mga sinabi ni Miracle kagabi ang naging bangungot niya.
"Ate, pakisuot naman sa akin itong bracelet ko."
Inabot ni Sarah ang bracelet na niregalo niya dito bago pinwesto ni Bernice sa may harapan niya ang kamay.
"Thank you ate," anito bago siya niyakap ng mahigpit. "I love you!"
●●●●●
"Narinig ko ang kwento tungkol sa nightmare mo," sabi ni Miracle nang tumabi kay Sarah na na nakaupo sa may pampang ng dagat.
"Lahat ng panaginip may kahulugan Sarah... Ang sabi ni Lola Elma, madalas ang mga panaginip daw ay nagdadala ng Señales de muerte."
Hindi naintindihan masyado ni Sarah ang huling tatlong salitang binitawan ni Miracle pero napalunok siya ng laway bago nabaling ang mga tingin sa katabi na bakas ang kaseryosohan sa mukha. "Anong Señales de muerte.?"
"Mga signos Sarah. Mga signos ng kamatayan." Napailing si Miracle bago bumuntong hininga. "Hindi kita tinatakot Sarah. Hindi ko tinatakot ang sinoman sa mga kasama natin. Pero siguro nga tama sila, dapat hindi na lang ako sumama sa outing na ito. Pero hindi kakayanin ng konsensya ko na mamatay kayo ng hindi ako kasama. Lalo na kung... Kung nakita ko na ang signos ng kamatayan ninyong lahat. Alam mo bang hindi normal na matanda ang muntik na nating masagasaan noong isang araw?"
Lalong naguluhan si Sarah. Mga litrato nilang wala raw ulo. Panaginip niya na signos daw ng kamatayan. Ngayon naman, pati ang matandang naka-engkwentro nila kahapon ay lalagyan ng kababalaghan ni Miracle.
"Miyembro siya ng kulto Sarah. At pwedeng 'yung panaginip mo ay may kinalaman sa gustong mangyari ng mga kulto kay Bernice. Napansin mo naman 'di ba? Iba ang tingin ng matanda kay Bernice. Iba ang ngiti niya nang makita niya ang kapatid mo."
"Miracle, stop. Hindi ko na naiintindihan ang mga sinasabi mo. Wala na akong maintindihan. Binangungot lang ako. Walang ibang ibig sabihin ang bangungot na 'yon..." pagpupumilit ni Sarah. Bakit ba niya kasi nai-kwento pa kay Liezl ang tungkol sa bangungot niya.
"Meron Sarah... Meron. At ang ibig sabihin noon ay dapat hindi na tayo pumunta sa lugar na ito. Dapat ay hindi na tayo tumuloy. Dapat hindi natin sinalubong si Kamatayan."
"Hey?"
Napalingon siya kay Vic na umupo sa kabilang tabi niya.
"Parang ang seryoso ng girls talk ninyo. Baka pwede akong maki-join?"
"H-hindi naman. Si Miracle kasi..." nalingunan niya si Mriacle na bigla nang tumayo at naglakad palayo sa kanila. "Sabi ko nga, si Mriacle kasi nag-walk out.""
"Wine?"
Umiling siya. "You know that I'm allergic."
"How about juice?"
Hindi na niya napigilan ang mapapngiti nang abutin ang isa pang basong nasa kabilang kamay ni Vic. "Thanks," aniya bago ibinalik ang tingin kay Bernice na naliligo sa dagat kasama ang ilang barkada.
"Last night na natin dito pero parang hindi ko nakita na nag-enjoy ka kahit konti. 'Yong nightmare mo pa rin ba?" tanong ni Vic.
Hindi kaagad siya tumugon bago uminom ng juice. Si Vic at Liezl lang ang pinagkwentuhan niya tungkol sa bangungot niya, ayaw na kasi sana niyang makarating pa sa barkada lalo na kay Bernice. Gusto niya lang may mapagkwentuhan upang kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya pero hanggang ngayon ay matamlay pa rin siya. Idagdag pa ang kung anu-anong sinasabi ni Miracle sa kanya at sa barkada.
"H'wag mo na kasing masyadong isipin 'yon. Tingnan mo na lang si Bernice. She's totally fine. Actually, lahat kami ay okay. Kaya h'wag ka nang masyadong paranoid," ani Vic pagkatapos uminom ng wine mula sa hawak nitong kopita.
"Pero ang sabi kasi sa akin ni Miracle lahat ng panaginip ay may meaning." Hindi pa rin maiwasan ni Sarah ang kabahan. Kapatid na kasi niyang si Bernice ang topic dito.
"Ano ka ba? H'wag mo ngang pinapakingan ang sinasabi ng weird na 'yon? Kung bakit kasi napasama-sama pa 'yon sa atin. Ayan tuloy nagkakaroon ng bad vibes ang barkada lalo ka na," natatawang tugon naaman ni Vic.
"Don't be mean with Miracle. Mabait naman siya saka alam mo naman na wala siyang mas'yadong friends..." pagtatanggol ni Sarah kay Miracle. Hindi naman masyadong inaasar ni Vic si Miracle hindi kagaya ng ginagawa nina Armand siguro dahil ayaw na lang din nitong mainis siya.
"Kasi nga weird siya. Minsan nga napapaisip kami nina Armand kung best friend niya ba si Kamatayan."
"Bakit ninyo naman naisip 'yan?" kunot noong tanong niya.
"Kasi 'di ba remember, na-predict niya noon na patay na 'yung nawawalang pusa ni Liezl, saka 'yung pagkamatay noong isang teacher natin noong highschool dahil sa heart attack. Ang pinaka-creepy ay 'yung nahulaan niya kung anong nangyari sa isang classmate nating noong high school. Si... Si Tina ba 'yun?" Uminom pa saglit si Vic ng wine bago muling nagpatuloy sa pagku-kwento. "Akala pa nating lahat noon ay aksidente lang na nahulog siya sa tulay pero sinasabi ni Miracle na napapaginipan niya si Tina na humihingi ng tulong. Kesyo may tumulak raw kay Tina kaya nahulog at namatay sa ilalim ng tulay. And after two weeks nga, nalaman nating lahat na may bumully kay Tina at sinadya siyang i-hulog do'n. Ang creepy 'di ba? Kaya madalas, kapag tahimik 'yang si Miracle iniisip namin baka kausap niya si Kamatayan at nakikipagkwentuhan kung sino ang susunod na mamamatay," natatawang kwento pa ni Vic pero napahinto rin nang mapansin na lalong tumahimik ang kausap. "Uy Sarah, joke lang 'yun. Ano ka ba, h'wag mo masyadong seryosohin ang mga sinasabi ko. Gusto ko lang alisin ang paranoia na pinapasok ni Miracle sa isip mo."
"Alam ko naman 'yun, don't worry," nakangiti nang tugon ni Sarah.
"Vic, gawa na tayo ng bonfire."
Napalingon sila kay Kevin na may hawak na mga kahoy.
"Sige Sarah, gawa lang kami ng bonfire. Basta h'wag mo nang masyadong isipin ang mga kapraningan ni Miracle para hindi ka na madamay. Sunod ka sa amin ah."
Nakangiti naman siyang tumango bago ibinalik ang tingin sa may parte ng dagat kung nasaan masayang naglalangoy sine Bernice. Sa lahat ng mga sinabi ni Vic, hindi na niya ngayon maiwasan lalo ang ma-paranoid. Paano nga kung nakakausap ni Miracle si Kamatayan? Paano kung nakita at na-predict na nito ang magiging kamatayan nila? Paano nga kung totoo ang sinasabi nitong mamamatay na silang lahat?

BINABASA MO ANG
Miedo de Luna (Published under PSICOM)
TerrorSa isang lugar na puno ng halimaw at kababalaghan, lugar na wala kang ibang tao na pwedeng pagkatiwalaan, walang araw na magbibigay ng liwanag at walang D'yos na maaaring dasalan... Paano ka mabubuhay? Halina't pasukin natin ang isang misteryo...