Epilogue

5.4K 212 68
                                    

Malamig na hangin ang kaagad na sumalubong sa pagtapak ko sa makintab na sahig ng simabahan ng San Gregoryo. May ilang buwan na ko nagsasaliksik tungkol sa misteryosong sitio na napuntahan ko... Namin ng mga kaibigan ko. Ang Sitio Aglibol. Pero bukod sa pangalan ng sitio na pangalan daw ng isang D'yos ng Buwan ay wala akong kahit na anong makita na maaaring makapagdala sa akin pabalik sa misteryosong lugar na iyon. Wala akong mahanap na impormasyon na magpapatotoo na hindi isang panaginip lamang ang lugar na napuntahan ko. Na hindi lamang ako binabangungot habang nag-aagaw buhay. Walang kahit na anong impormasyon sa libro o internet ang makakapagpatunay na totoo ang misteryosong sitio na iyon. Pero alam kong may isa pa akong dapat na mahanap na maaaring makapagpatunay na hindi iyon isang panaginip lamang. At hindi iyon impormasyon kung hindi isang tao. Siya lamang ang makakapagpatunay na hindi panaginip o kathang isip ang lahat. Ang taong nakasama ko sa loob at apaglabas sa misteryosong lugar ng Sitio Aglibol.

Kaya sinubukan kong mag-tanong tanong kung may iba pa bang naaksidente sa lugar kung saan kami naaksidente ng mga kaibigan ko. Pero nanghina ako nang malaman kong wala niya. Paano ko hahanapin ang tao na ang tanging alam ko lang tungkol sa kanya ay ang first name niya? Paano kung sa ibang lugar at puno siya naaksidente? Paano kung hindi niya rin ako maalala?

Kaya isang mabigat na desisyon ang ginawa ko kagabi. Ang ibaon sa limot ang mga alaalang malapit nang magpabaliw sa akin. At naisipan kong ipatago na ang mga gamit kong na-recover sa aksidente. Pero sa huling sandali nang pagtitig ko sa kwintas na binigay ni Chris sa akin...

Isang pangalan ng simabahan ang nakita kong nakaukit sa may likod ng pendant na krus. Ang simbahan kung nasaan ako ngayon.

Saglit kong inilibot ang paningin ko sa loob ng malaking simabahan na halos wala pa sa lima ang nagdarasal. May tatlong oras din ang ibinyahe ko mula sa Maynilaa upang marating ang simabahan na ito. Ang simbahang pinaniniwalaan kong magbibigay ng kasagutan sa lahat ng aking mga tanong.

'Magdasal ka lang sa Kanya at naniniwala akong muli Niyang pagtatagpuin ang ating mga landas.'

Lumuhod na ako upang magsimulang magdasal sa Kanya kagaya ng sinabi sa akin noon ni Chris. Baka sakali kasi na marinig Niya ako at mapagbigyan ang aking hiling bago pa ako tuluyang mabaliw.

"Oh D'yos ko, bigyan ninyo po sana ng linaw at liwanag ang aking isipan. Kagaya ng liwanag na binigay Ninyo noon mula sa madilim na lugar na naging daan ko pabalik sa mundong ito. Ipakita Ninyo po sana sa akin ang liwanag na totoo ang lahat. Totoo ang lahat ng nangyari sa lugar na iyon. Malaman ko lang po na hindi ako binangungot ng mga araw at oras na iyon ay matatahimik na ako. Hindi na ko maghahananap ng ano pa mang kasagutan sa napakadami kong katanungan. Isasarado ko na ang anumang bagay na tungkol sa sitio na iyon. Ilalagay ko na po sa katahimikan ang aking kalooban."

Pinunasan ko na ang luha sa aking mga pisngi. Wala akong ibang mapagkwentuhan ng tungkol sa misteryosong lugar dahil alam kong iisipin lamang ng iba na nababaliw na ako. Sino bang maniniwala kapag sinabi ko na nanggagaling ako sa isang lugar na nasa pagitan daw ng patay at buhay. Ang lugar na may tatlong gabi at araw na walang araw pero may tatlong pulang buwan sa kalangutan. Ang lugar na puno ng mga halimaw at nilalang na nakikita ko lamang dati sa libro at napapanood sa mga telebisyon. 

Totoong nakabababliw kumausap ng isang kagaya ko. Pero mas mababaliw yata ako sa sa tuwing iisipin na hinahanap ko ang isang taong napakaimposible kong makita. Isang tao na hindi ako sigurado kung nag-eexist ba talaga sa mundong ito.

"Hindi ko na po alam kung saan ko pa hahanapin ang mga kasagutan sa lahat ng mga katanungan ko. Kung saan ko pa po mahahanap ang taong maaaring makasagot sa mga panaginip ko. Ang taong makakapagpatunay na totoo ang lahat ng nangyari. Na hindi ako nababaliw. D'yos ko... Ibinibigay ko na po sa Inyong mga palad ang aking kapalaran sa paghahanap ko na ito. Kung sadyang hindi totoo ang lahat. Kung sadyang binangunot lamang talaga ako. At kung sadyang kathang isip ko lamang ang mga nangyari, tatanggpin ko po... Upang mailagay na sa katahimikan ang aking kalooban. Ito na po... Ito na po ang huling beses na hahanapin ko siya. Ito na ang huling beses na iisipin kong totoo ang Sitio Aglibol. Ito na ang huling beses na iisipin kong totoong may isang lalaki akong nakasama pabalik sa mundong ito. Ibabaon ko na po sa limot ang lahat ng tungkol sa lugar na iyon. Ibabaon ko na rin po sa limot maging si Chris. At iisipin kong..." 

Muling kong naramdaman ang mainit na luha sa magkabila kong pisngi. "Iisipin kong bangungot lamang ang lahat ng mga nangyari sa lugar na iyon."

Ilang saglit pa akong nanalangin bago muling pinunasan ang luha sa aking mga pisngi. Mukhang oras na nga upang sumuko na ako. Oras na upang ipagpalagay kong bangunot at kathang isip ko lamang ang lahat. Walang mga halimaw. Walang Sitio Aglibol. Walang Samuel o Chris na nag-eexist sa buhay ko at sa mundong ito. Wala lahat.

Isang malalim na buntong hininga pa ang binitawan ko bago ako tumayo at nagsimulang maglakad palabas ng simabahan. Ito na ang huling beses na magdarasal ako na sana ay bigyan ng liwanag ang kaisipan ko tungkol sa misteryosong lugar na iyon. Ito na ang huling beses na hahanapin ko ang Sitio Aglibol. At ito na rin ang huling beses na hahanapin ko si Chris.

"Hindi ka binangungot ng mga araw at gabi na iyon, Sarah. Hindi kathang isip ang mga nangyari at mas lalong hindi ka nababaliw. Lahat ng nangyari sa atin ng mga gabing iyon ay totoong nangyari. Totoong napunta at nakalabas tayo mula sa misteryosong Sitio Aglibol."

Napahinto ako sa paglalakad palabas ng simbahan dahil sa pamilyar na boses. Hindi ako maaaring magkamali. Boses iyon ng lalaking minahal ko sa napakaikling panahon. Ang lalaking isa sa makakapagbigay ng liwanag sa isipan ko tungkol sa misteryosong lugar na tila napakaimposible ko nang makita at mabalikan. Dahan-dahan akong lumingon at hindi ako nabigo sa taong nakita kong nakatayo sa aking harapan. Isang lalaking tila nagliliwanag dahil sa kulay puti niyang kausotan.

Tama ako. Hindi panaginip ang lahat. Hindi ako nababaliw. Totoo ang Sitio Aglibol. Totoo si Chris. "Chris?"

Nakangiting umiling ang lalaking may mahabang puting kasuotan at may nakasabit na istola sa magkabilang balikat. "It's Father Christopher, Sarah."

*WAKAS*                                                       

Miedo de Luna (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon