"Bernice!"
Lumaglag ang mga dahon sa sahig na kanina lang ay nakadikit sa katawan ni Sarah sa ginawa niyang pagbangon mula sa matigas na higaan. Habol ang hiningang inilibot niya ang paningin sa hindi pamilyar na lugar habang inaalala kung anong nangyari at kung nasaan siya ngayon. Gawa sa kawayan ang sahig at dingding ng kwarto, may maliit na lamesa sa tabi niya kung saan may plato ng pagkain at baso ng tubig sa ibabaw. Naamoy niya rin ang sarili na para bang pinaliguan siya at kinuskusan ng mga dahon ng kung ano ay hindi na siya sigurado. May dahong pang nakadikit sa mga braso niyang may sugat na tinanggal na rin niya. Ipinilig niya ang masakit na ulo habang nagsisimulang mag-isip. "T-there was an accident... Tama... We had an accident..." Biglang namilog ang mga mata niya nang sa wakas ay maalala ang lahat.
"Miss?"
Napapitlag siya sa kinalalagyang kama. Saglit siyang muling naglibot ng paningin bago inabot ang tinidor na nasa ibabaw ng platong malapit sa kanya. Sumiksik siya sa sulok bago itinutok sa estrangherong lalaki ang hawak na tinidor. "Sino ka? Nasaan ako? Nasaan ang kapatid ko!?"
"Miss, relax ka lang."
"Kung gusto mong mag-relax ako, ilabas mo ang kapatid ko!" matigas pero naiiyak niyang sabi.
"Sarah!"
"Vic!" Tuluyan na niyang nabitawan ang hawak na tinidor nang makita si Vic na pumasok sa loob ng kwarto kasunod ang ilan sa barkada niya. Umiiyak siyang saglit na napayakap dito bago muling naalala ang kapatid na hindi kasama ng mga mga kaibigan. "A-anong nangyari!? Nasaan tayo?"
"Naaksidente tayo Sarah. Bumangga ang sinasakyan nating van sa malaking puno na nadaanan natin papuntang resort," si Donna ang sumagot. May tatlong pimple sa may kanang pisngi nito ang tila kapuputok lang.
"Ang mga tao dito sa Sitio Aglibol ang tumulong sa atin. Dalawang araw ka ng walang malay," dugtong ni Joyce. Nakasuot lang ito ng sando kaya kita sa malalaki nitong braso ang mga galos at tuyo ng sugat.
"Sitio Aglibol? Nasa Zamabales pa rin ba tayo? Tumawag na ba kayo ng tulong?" sunud-sunod na tanong pa ni Sarah. Nagsisimula nang muling sumakit ang ulo niya pero ayaw niya pa ring huminto sa pagsasalita.
"Technically dapat nasa Zambales pa rin tayo pero wala sa mapa ang lugar na 'to. Wala ring signal kahit saang lupalop kaya hanggang ngayon ay hindi ay wala pa rin kaming natatawagan kahit na sino sa Manila," ani Armand na may benda sa ulo. Hindi niya alam kung paano sila naaksidente. Wala siyang kahit na anong maalala na pwedeng maging dahilan upang bumangga at halos mawasak ang harapan ng van nila sa malaking puno ng Balete. "Wala silang kuryente dito kaya walang kahit na anong line of communication kaming magamit."
"Hindi ko maintindihan, nasaang lupalop ba tayo ng Pilipinas!?" malinaw niyang naririnig ang sinasabi ng mga kasama pero parang nahihirapang ang utak niya na intindihan ang mga 'yun. "Teka, bakit hindi ninyo kasama sina Kevin, Mark, Liezl at Bernice?"
"Si Kevin, nasa labas at kausap si Manang Abeng. Wala na sina Mark at Liezl. Hindi sila nakaligtas sa aksidente, Sarah," naiiyak na sagot ni Miracle.
"N-no. Ano bang nangyari? Bakit tayo naaksidente!?" muli siyang naiyak sa narinig. "S-si Bernice? Nasaan siya? Tulog pa rin ba siya? Pupuntahan ko siya."
Saglit na tumahimik ang lahat ng mga kasama siya sa loob ng maliit na kwarto. Tila naghihintayan ang bawat isa kung sino ang sasagot sa huling tanong tanong niya.
"B-bakit hindi kayo sumasagot? Nasaan si Bernice? Tulog pa rin ba siya? Sabihin ninyo sa akin kung nasaan ang kapatid ko at pupuntahan ko siya." Hindi niya nagugustuhan ang mga tinginan ng mga kasama niya. "Ano ba!? Bakit walang sumasagot sa inyo!? Miracle? Vic?"
BINABASA MO ANG
Miedo de Luna (Published under PSICOM)
HorrorSa isang lugar na puno ng halimaw at kababalaghan, lugar na wala kang ibang tao na pwedeng pagkatiwalaan, walang araw na magbibigay ng liwanag at walang D'yos na maaaring dasalan... Paano ka mabubuhay? Halina't pasukin natin ang isang misteryo...