"L-ligtas na tayo," hinihingal na sabi ni Rigor nang sa wakas ay huminto sila sa pagtakbo.
"H-hindi tayo ligtas kahit saang parte ng lugar na ito. Mamamatay din tayo anumang oras mula ngayon. Mamamatay tayo kagaya ng nangyari kay Armand," iyak ni Joyce.
"Pwede ba Joyce, kung gugustuhin mong mabuhay, mabubuhay ka. Pero kung gusto mo na talagang mamatay, h'wag mo na kaming idamay kagaya ng ginawa mo kay Armand!" hindi na napigilang sigaw ni Vic habang pinipigilan naman ang maiyak dahil isa na naman sa barkada nila ang nawala.
"Vic, tama na... Walang may kasalanan kung bakit nawala si Armand. Wala namang may gusto sa atin na mamatay siya," naiiyak na ring sabi ni Sarah. Kahit gaano niya kagusto na sisihin si Joyce sa pagkamatay ni Armand, hindi rin naman na maibabalik pa ang buhay nito. Ang pinakamahalaga ngayon ay ang magtulungan sila upang mabuhay at makalabas sa sitio na ito.
"Parte ng buhay ang kamatayan. Hangga't nabubuhay ka ay kailangan mong sumulong at tanggapin na hindi lahat ng tao ay habambuhay na mananatili sa tabi mo," seryosong sabi ni Kakang Lucio.
Bumaling ang tingin ng lahat sa matanda na nakaupo na sa putikan at malayo ang tingin.
"Nakikiramay po ako sa pagkawala ng kapatid ninyo," sabi ni Samuel. Sa ilang linggo na pamamalagi niya kasama ang mga ito ay nasaksihan niya kung gaano kalapit si Kakang Lucio sa nakababata nitong kapatid na si Kakang Temyong.
Si Sarah naman ang malungkot na bumaling ang tingin sa matanda. Ngayon niya lang napansin ang pamumula ng mga mata nito. Marahil ay umiiyak ito habang wala silang tigil sa pagtakbo kanina. May kung anong kumurot sa dibdib niya ng malamang kapatid pala nito si Kakang Temyong na nagsakripisyo ng buhay para sa kanila. "Nakikiramay po ako Kakang Lucio. Maraming salamat po sa patuloy na pagsama ninyo sa amin kahit buhay ninyo ang maaaring maging kapalit anumang oras."
Walang sinoman ang muling nakapagsalita.
Pilit namang ngumiti ang matanda. "Tungkulin kong bantayan kayo at siguraduhing mararating ninyo ang bundok ng Kalubay bago mawala ang huling buwan, kagaya ng bilin ni Manang Abeng," anito at lumingon kayna Rigor. "May nakita akong maliit na bahay malapit dito. Mauuna na ako doon at sesenyasan ko kayo kung maaari na kayong sumunod."
Kumalma na ang lahat habang nakasunod ng tingin sa matandang naglakad na patungo sa tinutukoy na bahay na kaagad na sumenyas na sila ay sumunod.
Maliit lang ang bahay na pinasukan nila, walang dibisyon at may mga sirang gamit sa sahig. Napakakalat. May kandila rin at maliit na lamesang nakataob na inayos nila upang magamit. Ang ilan sa mga nakakalat na kagamitan ay mukha hindi pagmamay-ari ng mga taong taga-sitio kagaya ng sapatos, cap, charger at iba pa.
"Camera ba 'yon?" ani Sarah. Pumunta siya sa sulok at pinulot ang bagay na nakita. Isang video camera na basag na ang screen pero mukhang gumagana pa rin. Pinulot niya ang battery na nakakalat at inilagay sa loob.
"Hi guys! Nandito na kami sa resort and i-eenjoy na namin ang beach and white sand!" Isang nakangiting babae na may maikling buhok hanggang balikat ang lumabas sa screen ng camera.
Nagsimulang pumalibot ang lahat kay Sarah na ang mga tingin ay nasa hawak na video camera. Nasa sampung tao pa ang lumabas sa screen na kumakaway-kaway. Pinindot na niya ang fast forward option na para bang may iba siyang gustong makita.
"Wait, stop on that part," biglang sabi ni Samuel.
"Tang-ina, pinatay nung taong aso si Didang!" sigaw ng isang lalaking maitim ang kulay ng balat. Pawisan na ito at may bahid ng dugo sa mukha.
BINABASA MO ANG
Miedo de Luna (Published under PSICOM)
HorrorSa isang lugar na puno ng halimaw at kababalaghan, lugar na wala kang ibang tao na pwedeng pagkatiwalaan, walang araw na magbibigay ng liwanag at walang D'yos na maaaring dasalan... Paano ka mabubuhay? Halina't pasukin natin ang isang misteryo...