Kabanata XXIV

2.4K 156 33
                                    

"Dapat hindi ko na lang sinabi iyon. Tsk." Naghitit buga si Vic sa hawak na sigarilyo. Hindi pa rin maalis sa isip niya ang naging pagtatalo nila ni Sarah kanina. Kung bakit kasi naisip niya pang sabihin ang bagay na alam niyang hindi sasang-ayunan ng dalaga. Ang mauna na sila at iwanan si Bernice.

"Kasama ninyo ba ang babaeng bilugan ang pisngi at maiksi ang buhok?"

"Ay kabayong pula!" Napapitlag si Vic dahil sa biglang pagsulpot ng isang maliit na babae, bilugan ang mata, sungki ang mga ngipin at kulot ang hanggang balikat na buhok. Kaagad niyang napansin ang pula nitong kasuotan at belong nakapatong sa ulo. Saan niya nga ba iyon nakita?

"Kailangan ninyo siyang mahanap kaagad bago kayo maunahan ng mga kasama ko. Nanganganib ang kanyang buhay," muling sabi ng babae.

"Teka, sino ka ba? Sinong tinutukoy mo?" tanong niya sa babaeng bigla na lang sumulpot sa harap niya.

"Hanapin ninyo na kaagad siya. Dahil kapag kami ang nakakita sa kanya, iaalay siya ng mga kasama ko sa aming D'yos bago lumubog ang ikalawang buwan," dire-diretsong sabi pa nito.

Kumunot ang noo ni Vic habang kunwa'y natatawa kahit medyo kinakabahan na siya sa sinasabi ng babae. Hindi niya kasi maiwasang mapatingin sa suot nitong nitong eskapularyo na may nakaguhit na tila isang nakabelong kalansay. "Alam mo 'neng, wala akong maintindihan sa mga sinasabi mo."

"'Yung babaeng bilugan ang mukha...." Nagsimulang maglakad ng paatras ang babae habang nagsasalita. "Hanapin ninyo siya... At kapag nahanap ninyo na siya, ingatan ninyo siya.... Ingatan ninyo siya..."

"Teka, hindi talaga kita nage-gets 'neng. Linawin mo nga -"

"Vic, nand'yan ka lang pala. Tara na raw sa gubat."

"Ay manok na pula!" Muling napapitlag si Vic sa pagkulbit ni Armand sa may likuran niya. Bakit ba bigla-bigla na lang sumusulpot ang mga tao sa likod niya at nanggugulat.

"Oh, bakit parang gulat na gulat ka?" nagtatakang tanong ni Armand.

Ibinalik ni Vic ang tingin sa kausap na babaeng nakapula kanina. Wala na ito. "Nakita mo 'yung kausap ko?"

"Ha? Wala ka namang kausap d'yan, girl. Mukha ka ngang tanga kanina kasi para kang nagsasalita mag-isa d'yan," nakangiwing sagot pa ni Armand ng maalala ang hitsura ni Vic bago lapitan kanina. Nakatayo ito at nagsasalita na tila ba may kausap kahit wala namang kasama. "'Yung totoo, yosi ba 'yang hawak mo o drugs? Tara na nga pare baka maiwanan pa tayo."

Hindi pa rin maalis ang labis na pagtataka at kaba ni Vic pero sumunod na siya kay Armand. Sino ba 'yung babaeng napula na sumulpot kanina? Bakit pamilyar ito sa kanya? At sino 'yung kasama niyang tinutukoy nito? Maaari bang si... "Bernice?"

*****

"Bungong Gubat at tawag sa gubat na ito dahil, dahil kung inyong mapapansin ay nagkalat ang bungo sa paligid," sabi ni Kakang Temyong habang patuloy na naglalakad.

"Bungo po ng mga ano ang nakakalat sa gubat?" tanong ni Armand na pilit na hindi ipinapakita ang takot na nararamdaman. Ayaw niyang isipin ng mga kasama na tuluyan na siyang naniwala sa mga nangyayaring kababalaghan kahit iyon naman ang totoo.

"Bungo ng mga hayop at tao," tugon ni Kakang Lucio.

"Ano po 'yong bungisngis na sinasabi ni Paolo kanina?" tanong ni Sarah. Wala ng ulan pero maputik ang nilalakaran nilang lupa. Magkahalong kaba, takot at pananabik na ang nararamdaman niya ngayon. Pero mas nangingibabaw ang pananabik lalo na kapag naiisip niya na magkikita na ulit sila ng kapatid niya sa wakas. Buhay ang kapatid niya at magkasamang silang lalabas sa misteryosong sitio na ito.

Miedo de Luna (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon