Chapter 14

48.5K 836 16
                                    



Enjoy reading!

"WHAT?" Sigaw ni Jarenze dahil sa kwento ko. Sinabi ko sa kanya lahat ng nangyari simula noong dinukot ako ni Harvey at hanggang sa nalaman ko na isa siyang mafia.

"Huwag ka nga maingay. Baka marinig tayo ni tita." Saway ko sa kanya. Nakaupo kami rito sa may sala.

"Sorry naman. Nagulat lang ako sa mga sinabi mo. Grabe, mafia pala ang dumukot sa 'yo." Halata sa boses niya na hindi siya makapaniwala na isang mafia si Harvey. 

"Kaya nga. Natatakot nga ako na baka ipadukot niya ulit ako dahil alam niya kung saan ako nakatira." Sagot ko.

"Anong plano mo?" Tanong niya.

"Gusto ko siyang isumbong sa mga police, Jarenze." Sagot ko.

"Sigurado ka na ba? Sasamahan kita kung gusto mo. Pero tandaan mo, Abigael, na isa siyang mafia at hindi natin alam kung anong magagawa niya." Sabi niya. Sigurado na ba ako?

"Oo. Sigurado na ako at wala akong pakialam kung ano pang magagawa niya kapag naisumbong ko na siya sa mga pulis." Sagot ko.

"Sige, kung 'yan ang gusto mong gawin ay sasamahan kita." Sabi niya.

"Salamat." Sagot ko.

"Doon kaya muna kayo sa apartment ko? Mukhang delikado kayo rito." Sabi niya at halatang nag-aalala sa kaligtasan namin. Nakakahiya naman kung doon kami makikitira pansamantala. Wala pa naman akong pera ngayon. Hindi ko alam kung tatanggapin pa ba ako sa dati kong tinatrabahuhan na restaurant dahil ilang araw na akong hindi pumapasok. Kasalanan kasi lahat 'to ni Harvey. Ang hirap na nga namin ni tita tapos mas lalo pang naghirap. Pambihirang buhay 'to!

"Nakakahiya na sa 'yo, Jarenze, kung doon kami makikitira." Nahihiya kong sabi.

Ngumiti siya sa akin at nagsalita. "Okay lang, ano ka ba? Para saan pa ang pagkakaibigan natin 'di ba?" Hindi ako nagsisi na naging kaibigan ko siya. Napaka bait na tao.

"Salamat talaga, Jarenze, pero 'tsaka na kami lilipat sa inyo." Sabi ko at niyakap siya.

"Parang kapatid na rin ang turing ko sa 'yo. At para ko na ring nanay si Tita Rose kaya hindi na kayo iba sa akin." Sabi niya at nakita kong nagpunas siya ng luha.

Nang matapos na kaming mag-usap ni Jarenze ay agad na akong nagbihis upang pumunta sa malapit na police station dito sa amin. Kailangan ng tumigil ni Harvey sa ginagawa niya. Natatakot na ako sa maaari niyang gawin kapag nagkita kami. Kung ano-ano na ang pumapasok sa isipan ko. Baka patayin niya ako. O 'di kaya ay ang tita ko o si Jarenze. Ayaw kong mangyari 'yon. Nang tapos na ako magbihis ay pumunta ako sa kwarto upang magpaalam saglit kay tita. Nakahiga siya sa higaan at napatingin siya sa akin nang pumasok ako.

"Tita, aalis lang po ako sandali. May pupuntahan lang po." Paalam ko.

"B-baka mawala ka na naman, Abigael." Sagot niya. Lumapit ako sa kanya at hinawakan ang kanyang kamay.

"Tita, hindi na po ako mawawala. Pangako po 'yan. Kasama ko naman po si Jarenze at saglit lang naman po kami." Sagot ko.

"Mag-iingat kayo." Sabi niya. Tumango lang ako at ngumiti sa kanya. Agad na akong naglakad palabas ng kwarto at napatingin sa akin si Jarenze.

"Tara na?" Tanong niya. Tumango lang ako at sabay na kaming lumabas ng bahay at naglakad palabas sa daan kung saan isang sasakyan lang ang pwedeng makadaan at kapag may makakasalubong kang isa pa ay kailangan pang umatras.

At habang naghihintay kami ng masasakyang jeep ay may napansin akong isang itim na kotse na nakahinto sa hindi kalayuan. Ayaw kong mag-isip na si Harvey iyon o ang mga tauhan niya. Baka huminto lang talaga roon at may binili lang sa malapit.

Nang may humintong jeep sa harap namin ay mabilis akong sumakay at sumunod si Jarenze. Ngunit bigla akong kinabahan nang makita ko ang itim na kotse na nakasunod na sa sinasakyan naming jeep. Hindi ko sinabi iyon kay Jarenze. Sana lang ay huwag kaming sundan hanggang sa police station.

Ilang minuto rin ang naging byahe namin papunta sa malapit na police station. Nawala na rin ang itim na kotse na kanina ay sumusunod sa amin. Sana nga ay mali ang iniisip ko.

Hindi rin kami nagtagal pa sa loob ng police station. May mga itinanong lang sa akin tungkol kay Harvey at kung saan siya nakatira. Pagkatapos ay agad na kaming umalis roon. Nagpaalam na rin si Jarenze na uuwi kaya mag-isa na lang akong bumyahe pauwi.

Nang bumaba ako sa kanto namin ay mag-isa ko rin nilakad ang papasok sa amin. Marami namang mga tao akong nakakasalubong kaya hindi na ako natatakot na maglakad mag-isa.
Nang makarating ako sa harap ng bahay namin ay napansin ko na naman ang isang itim na kotse na dumaan mismo sa harap ng bahay namin. Katulad din ng kotse na nakita ko sa kanto namin kung saan kami nag-abang ng jeep ni Jarenze kanina.

Mabilis akong pumasok sa loob ng bahay at agad na sinarado ang pinto. Sinigurado ko na naka-lock ang pinto ng bahay. Ang bilis ng tibok ng puso ko. Napaupo ako sa upuan dahil sa kaba. Ngayon ay iniisip ko na si Harvey na talaga 'yon. Alam niya kung saan ako nakatira kaya posibleng siya iyon.

Ilang minuto din akong umupo sa sala bago ko pinuntahan si tita sa kwarto. Tulog pa siya nang pumasok ako at sa awa ng diyos ay bumaba na rin ang lagnat niya.

Pagkatapos kong tingnan si tita ay lumabas na ako sa kwarto upang magluto ng hapunan namin. Naghanap ako ng pwede kong lutuin. May nakita akong isang sardinas sa gilid. Ito na lang ang uulamin namin ni tita ngayong gabi. Kailangan ko ng maghanap ulit ng trabaho. Baka wala na kaming makain ni tita kapag hindi pa ako nakahanap ng trabaho.

Pagkatapos kong buksan ang sardinas at isinalin iyon sa mangkok ay kumuha naman ako ng kanin para kay tita. At pagkatapos ay dinala ko na iyon sa kwarto.

"Tita, gising na po at kakain na ng hapunan. Iinom ka pa po ng gamot mo." Paggising ko sa kanya.

"Abby, mabuti at ligtas kang nakauwi." Sabi ni tita nang gumising siya.

"Sabi ko naman po sa 'yo, tita, na uuwi ako e. Sige na po at kumain ka na para makainom ka na po ng gamot mo." Sabi ko at binigay sa kanya ang pinggan na may lamang kanin at ang ulam.

"Wala na tayong pera pangbili ng gamot ko, Abby. Hayaan mo bukas ay maglalaba ako para makabili ng gamot ko." Sabi niya at nagsubo ng kanin.

"Tita, huwag po muna kayo maglaba. Bukas po ay maghahanap ako ng trabaho para po may pangbili ka ng gamot at pagkain natin." Sagot ko. Saan naman ako hahanap ng trabaho nito bukas? Bahala na kung saan ako makakahanap bukas.

"Pasensya na talaga, Abigael. Hindi ako makakatulong sa 'yo sa pagtatrabaho ngayon." Malungkot niyang sabi.

"Okay lang po, tita. Magpagaling lang po kayo. Huwag po kayo mag-alala makakahanap din ako ng trabaho bukas." Sagot ko.

Nang matapos ng kumain si tita ay inayos ko na ang pinagkainan niya.

"Ikaw ba ay hindi pa kakain?" Tanong niya pagkatapos niyang uminom ng kanyang gamot.

"Doon na lang po ako kakain sa kusina. Magpahinga na po kayo." Sagot ko. Tumango lang siya at ngumiti sa akin.

Dala-dala ko ang plato na ginamit ni tita at ang tirang sardinas sa mangkok ay bumalik ako sa kusina at kumuha ng kanin. Mabuti na lang at hindi ako matakaw sa kanin kaya sakto na sa akin ang kanin at ulam na tira.

Bukas ay kailangan kong umalis nang maaga upang maghanap ng pwede pasukan na trabaho. Dadaan muna ako sa restaurant na pinagtrabahuhan ko noong nakaraan kung pwede pa akong bumalik doon. Pero kung hindi na ay kailangan ko talagang maghanap ng panibagong trabaho.



Miss_Terious02

Mafia Boss Obsession [PUBLISHED UNDER PSICOM]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon