ABALA si Carol sa pag-usod-usod at pagpindot-pindot sa mouse. Sa bawat click niyon ay may nababago sa larawang nasa screen. Pino-photoshop niya iyon at mahaba-haba ang proseso. Pero okay lang. Malaki. naman ang ibabayad sa kanya. Salamat sa kursong natapos niya sa kolehiyo - Multi-media Arts - hindi niya kailangang magkulong sa opisina para kumita. May regular siyang trabaho pero dahil sa modernong teknolohiya, kahit nasa tuktok siya ng bundok o nasa pusod ng kagubatan, basta may signal ng telcos ay may pangkabuhayan siya.
Habang pabutbot-butbot siya sa gawain ay umaalingawngaw ang malakas na volume ng telebisyon. Mag-isa lang siya sa bahay at ayaw niya ng katahimikan. Mami-miss lang niyang lalo ang pamangkin na kahapon lang iniuwi ng mommy niya sa probinsiya.
Natigil si Carol sa ginagawa. Napahugot ng hininga. Kakatwa na kahit umaangal na ang eardrums niya sa lakas ng tv ay ramdam na ramdam pa rin niya ang sobrang pag-iisa.
Siguro dahil mag-isa ka nga, loka!
Kusang kumilos ang kamay niyang nakahawak sa mouse. Nawala ang trabahong inaatupag niya sa screen, napalitan ng litrato ng pamangkin niyang si Kenzo. Magdadalawang taon na ito at totoy bibo. Sobrang cute pa at hindi na nakapagtataka. Sa mga ugat nito ay dumadaloy ang dugong modelo ng parehong magulang nito.
Anak si Kenzo ng ate niyang si Monette. Nasa Bahrain ngayon ang kapatid niya, sa wakas ay pinapakinabangan na ang kursong tinapos nito sa kolehiyo. Ang Nursing. Hindi na sana nito kinailangang sumakabilang bansa. Sa trabaho nito dati bilang modelo ay kinikita nito sa loob lang minsan ng isang linggo ang suweldo nito ngayon bilang nurse. Ito nga ang dahilan kung bakit nagawang tapusin ni Carol ang kursong napusuan niya kahit may kamahalan ang tuition. Ang ate rin niya ang bumili ng mamahaling computer na ginagamit niya. Mas mataas ang specs niyon na kailangan para sa kurso niya.
Maganda sana ang takbo ng career ni Monette. Kabi-kabila ang assignments, hindi nawawalan ng pagkakakitaan. Kung hindi ito nabuntis. Dahil sa wala sa planong pagdadalantao, kinailangan itong magbakasyon muna at bumalik na lang sa trabaho pagkapanganak nito. Kaso ay ang dating ganda at pigura nito ang nahirapang bumalik. Lumobo ito ng husto habang nagbubuntis, pumangit pa ang kutis. Sa kabila ng dibdibang pagdi-diyeta, hindi nakayanan ng ate niya na palayasin ang mga bilbil na natuwa na yata ng husto sa pagtira sa beywang nito. Pati nga balakang, hita at pata nito ay inokupa na rin ng taba. Idagdag pa ang pag-atake rito ng postpartum depression. Nawalan ito ng kumpiyansa sa sarili matapos ang paulit-ulit na hindi pagkakatanggap sa ina-apply-an na assignments kaya sa kalaunan ay ang pinag-aralang kurso na ang naisipang pagkaabalahan. Suwerte pa nga ito dahil nakakuha ito ng trabaho sa isang malaking ospital sa Pilipinas. Na naging daan para matanggap ito sa abroad.
Ang kapalit nga lang, nawalay ito sa kanila na pamilya nito, pati na sa anak nito na lumalaki ngayon na malayo sa piling ng ina. Pinupunan naman nilang pilit iyon, siya, ang mommy at daddy niya sa abot ng kanilang makakaya. Binubusog nila sapagmamahal at pag-aaruga ang bata.
Sa bahay nila sa probinsiya na muna namamalagi si Kenzo mula nang mag-abroad si Monette. Salamat at may ulirang yaya ito, si Ludy. Maya't mayang dumadalaw sa probinsiya nila si Carol at madalas din ay ibinabakasyon niya sa tirahan niya sa siyudad ang pamangkin. Mahal na mahal niya ito at para rito ay handa niyang gawin ang lahat. Malaking bahagi nga ng suweldo niya ay itinatabi niya para rito lalo at ang ate niya ay kagaya niya na nahahati pa ang kinikita sa pagsustento sa gamutan ng daddy nila na may diabetes.
Kahapon lang umuwi sa probinsiya si Kenzo matapos ang halos isang buwang pagtira sa poder niya kaya ngayon ay inaatake siya ng matinding hangover sa pagkawala nito.
Napangiti si Carol sa litratong nasa screen ng computer. Kahit larawan lang iyon ay parang ang sarap-sarap kurutin ng matambok na pisngi ng kanyang pamangkin. The child deserves all the love they could give him.
Kundi lang kasi peste ang ama niya.
Saktong minumura ni Carol sa isipan ang lalaking naging katuwang ng ate niya sa pagbuo kay Kenzo ay narinig niya ang anunsiyo sa telebisyon ng popular na showbiz host.
"...ang dating kilalang ramp model na si Luis Arciaga ang nakitang kasama ni Bianca sa Bora. Sweet na sweet daw ang dalawa. Matatandaan na sandaling sumabak sa showbiz si Luis bago siya nag-concentrate na sa mga negosyong sinimulan niya noong rumarampa pa siya sa entablado. Ayon kay Bianca ay friends lang sila ng lalaki. Hi-nunt-ing ng kasamahan nating si Oggie si Luis para alamin na rin kung ano na ba ang nangyari sa kanya at heto ang naging interview niya..."
"Naku naman, Luis, ang macho at ang guwapo mo pa rin." Nag-uumapaw sa papuri ang showbiz reporter na bading. Marahas na napabaling si Carol sa LED tv at ang mukha ng kinabubuwisitan niyang lalaki ang tumambad sa kanya.
Hindi nambobola lang ang baklitang reporter. Kahit pa salot sa mundo ang turing niya kay Luis ay papaya si Carol sa sinabi nito. Macho at guwapo nga ang lalaki.
"Bakit ba iniwan mo na ang pag-aartista ha? Pati ang pagmo-modelo?" usisa ng reporter.
"Nag-try lang naman talaga ako noon eh. Katuwaan lang ba. Sinuwerte naman kaya pinatulan ko na rin sandali. Para rin makaipon ng konti."
"Not to mention the fact na marami kang nakikilalang hot babes, tama?" anang bading.
"Oo naman." Walang kahihiyang umamin si Luis. Gusto itong batuhin ng tsinelas ni Carol. Napakayabang nito.
"But despite your many conquests, wala ka pa ring permanent dyowa. May I ask why?"
"Hindi ako naghahanap. Iyon ang simpleng dahilan. At ang simpleng rason, wala akong balak na magdyowa ng seryoso."
"Aaaay! Up to now iyan pa rin ang dialogue mo. Nakakaiyak para sa mga aspiring girls...and gays." Nagpunas pa kunwa ng luha si Oggie at suminga pa. "May I ask why?"
"I...I'm not just into it, I guess."
"Mandudurog ka lang ng puso, ganoon?"
"Of course not. In fact, I can honestly say na wala akong ingrabiyadong babae."
Sumingasing sa kinauupuan niya si Carol. Hindi lang pala pa-pogi at palikero ang hinayupak na lalaki. Isa rin itong malaking sinungaling. Kung sabagay, nakakapagtaka pa ba?
"Honestly talaga ha?" Mukhang kahit ang bading na reporter ay duda rito.
"Yes, honestly. Cross my heart and hope to die." Nag-krus pa ito sa tapat ng dibdib.
"Kung ganoon, hindi true ang balita na nagkalat na sa Pinas ang mga dyonakis mo at..."
"I beg your pardon!" Mukhang na-offend si Luis. Naging mala-bato ang hilatsa ng mukha nito, nagsalubong ang kilay, lumaki ang butas ng ilong. "Kung sino man ang nagkakalat ng balitang iyon ay wala lang siguro siyang magawa. Itaga mo sa bato, wala ako ni isang babaeng inanakan."
BINABASA MO ANG
Lumuhod Ka, Tala by : Kayla Caliente (unedited) completed
RomanceGalit sa paasa si Carol. Lalo naman sa paasa na nga, tumatalikod pa sa responsibilidad. Kaya lagot lang talaga sa kanya si Luis