Chapter 2 Part 1

8.2K 169 2
                                    


ITO NA yata ang pinaka-ridikulosong ideyang narinig ko. Panay ang buska ni Carol. Hindi lang ridikuloso, stupid pa. Nahinto ang pagsisintir niya. At ikaw ang tangang sumunod sa estupido at ridikulosong ideyang 'yan. Kung desperado siya o napingkawan ng malaki ang IQ, hindi niya matukoy. Maybe a little of both. Dahil hayun siya, sa kabila ng maigting na panlalait sa naturingang brilliant idea ni Amber ay lulan siya ng elevator, paakyat sa palapag na kinaroroonan ng opisina ni Luis.

Noong isang araw lang ay tumawag sa kanya ang kaibigan. Panay ang tili nito, parang ginagahasa pero nasasarapan, kaya hindi niya maintindihan ang pinagsasasabi nito. It took a while for Carol to decipher what her friend was saying.

Oo raw, may kakilala ang ewan kung sino sa dalawang kapatid nito na maaring magbigay ng discount sa DNA testing na binabalak nilang ipagawa. As in malaking-malaki ang discount. Hindi lang iyon. Ayon kay Amber, hindi sinasadyang nakapulotdin ito ng napakagandang impormasyon mula sa isang kakilala. Kapatid ng kaibigan ng kakilala nito ang pinagmulan niyon, something about a job opening at one of Luis Arciaga's companies.

Mula nang mag-retiro sa pagmo-modelo ang lalaki ay ilang maliliit na negosyo na ang sinimulan nito. Maliliit noong una pero ngayon ay pumatok na nang husto. May café ito, may clothing line, may shop ng gym equipments. May opisina umano sa tuktok ng matayog na gusali sa Ortigas ang lalaki na tumatayong central office ng lahat ng pinagkakakitaan nito. Doon pino-proseso lahat ng nag-a-apply sa trabaho at suwerteng hulog ng lagit ang natisod na balita ni Amber. Naghahanap umano ng sekretarya si Luis.

Pinapag-apply siya ni Amber. Perpektong oportunidad umano iyon para makalapit siya sa lalaki. Iyon ay kung atat pa rin daw siya sa balak niya. Nagdadalawang-isip na si Carol sa tutoo lang, kung hindi lang sa pangit na balitang nakuha niya mula sa kapatid via Skype. Naalala niya ang pag-uusap nila ni Monette...

"You have to take up some of the slack. Pansamantala lang naman siguro. I hope," anito.

Ang dahilan, dahil daw sa bagong patakaran sa bansang pinagtatrabauhan nito ay mababawasan ang sahod nito. Utos daw ng pamahalaan ng bansang iyon na gawing prayoridad na mabigyan ng magandang trabaho at pasuweldo ang mga citizens nito. Nagpapasalamat pa nga raw si Monette at pay cut lang ang bubunuin nito. Iyong ibang mga kasamahan nito sa trabaho ay hindi na ni-renew ang kontrata.

May kalakihan ang mababawas sa kita nito at natural, mababawasan din ang ipinapadala nitong sustento...

Natinag si Carol sa naturang balita. Wala talagang kasiguruhan ang buhay. Kaya iyong lahat ng puwedeng bigyan ng kasiguruhan ay gagawan na niya ng paraan. Isa na roon ang kinabukasan ni Kenzo. Kung may isang milyong pisong handang ipamudmod si Luis, tama lang na maglagak man lang ito ng pondo para sa hinaharap ng anak nito.

Kaya ang ridikuloso at estupidong ideyang nilalait niya ay papatulan niya ngayon. Iyon ay kahit halos maihi na siya sa kaba habang lulan ng elevator na maghahatid sa kanya sa opisina ng lalaki.

Nakakatawa at nakapagtataka na parang desperado sa empleyado ang opisina ni Luis. Nang magtanong siya kung saang palapag naroon ang Arciaga Ventures ay alerto agad ang guwardiya.

"Twenty first floor miss. Tumuloy ka na doon. Dalian mo na." Kulang na nga lang ay itulak siya nito sa pinakamalapit na elevator.

Saktong tumunog ang elevator.

"Hayun na, miss. Sumakay ka na."

Hindi siya masyadong excited 'no? Iiling-iling na lang na sumunod sa sinabi nito si Carol.

Sandali lang ang biyahe. Inaasahan niya ay may mahabang pila sa corridor. Ganoon ang tagpong dinadatnan niya noong mga panahong naghahanap pa siya ng trabaho. Pero ni isang aplikante ay wala siyang nasalubong. Imbes, isang babaeng nakasuot ng uniporme ang natanaw niyang pasilip-silip sa pasilyo.

"Ikaw ba iyong itinawag ng guard?" Tinanong siya agad nito.

Tumango si Carol.

"Ay, nasa itaas na si sir. Ba't ba ang tagal mo? Sumunod ka na lang. Maghagdan ka na at one two floor lang naman ang aakyatin mo. Pagdating mo sa top floor eh may makikita kang pinto. Lumabas ka doon. Bilis na. Naiinip na iyon."

Nahihiwagaan siya sa kilos ng mga tao roon pero nagpatianod na lang siya sa agos. Umakyat siya ng hagdan at pagkakita sa sinasabing pinto ay lumabas na nga siya.

PANG-ILANG pindot na ni Luis sa cellphone niya. Kanina pa niya sinusubukang kontakin ang kapatid niya pero laging out of coverage area ang sinasabi sa kanya.

Out of coverage area? Ang alam niya ay nasa bahay lang naman si Gen. Sa Antipolo. At sa buong panahong tumira roon ang kapatid niya mula nang mag-deklara ito ngkasarinlan ilang taon na ang nakakaraan ay hindi nawala sa coverage area ang naturang lugar. Kahit nga nang manalasa si Ondoy sa sangkalupaan ay may signal doon. Ngayon pa mawawalan? Ngayon pa kung kelan gusto niyang singhalan ang kapatid.

Kahit talaga kailan hindi ka maaasahan, Geneva. Matanda lang siya rito ng dalawang taon pero pakiramdam niya ay sampung taon ang agwat nila. Isip bata to the max ang kapatid niya. Mas responsable pa yata rito ang isang teenager. Pero paminsan-minsan ay napipilitan siyang umasa rito, lalo kapag nagboluntaryo ito na aako ng kung ano mang trabaho.

Napaka-simple lang naman ng gagawin nito. Ipapahiram lang sa kanya ang isa sa mga maids nito. Pansamantala lang, habang nagbabakasyon lang siya. Private beach house ang titirhan niya at dahil bakasyon grande ang pakay niya, ayaw niyang mag-abala pa sa trabahong bahay. Si Gen pa ang nagpresinta na magpapahiram nga ng kawaksi at sinabing papupuntahin na lang nito ang babae sa opisina niya sa araw ng pag-alis niya. Pero nasaan na ito? At bakit ayaw kumunekta ng tawag niya sa cellphone ng kapatid?

Sumulyap si Luis sa relo niya. Isang minuto na lang ang hihintayin niya at aalis na siya. Di bale ng wala siyang katulong. Wala siyang balak maghintay na hindi alam kung may hinihintay o wala.

Time's up, hayag niya sa sarili saka umakmang pipihit na papunta sa chopper na kanina pa umiikot-ikot ang elisi. Kaya niyang gawin ang trabahong bahay pero ang maghintay, ah, matindi ang allergy niya roon.

Bago pa siya mapabaling sa chopper ay bumukas ang pintong palabas ng roof deck. Isang babae ang iniluwa niyon. Mukhang nagmamadali ito.

"Sir, 'yan na 'ata iyong hinihintay niyo," anang assistant niya na kanina pa nahahawa sa pagka-aligaga niya. Sinenyasan nito ang babae na bilisan na ang kilos.

Sumunod naman ang babae.

"Saan ka ba galing? Sa Tawi-tawi? At bakit hindi sinasagot ni Geneva ang tawag ko? Na-low batt na naman ang telepono niya? O nawawala na naman siya sa sarili?"

"Ha?" Mukhang nagugulumihanan ang kausap.

Anak ng... Low IQ pa yata ang ipinadalang kawaksi ng kapatid niya.

"Sakay na," utos niya rito.

"Sasakay? Bakit?" Mas lalo itong nagulumihanan.

"Dahil wala tayong pakpak." Nabubuwisit na siya. "Sakay na, ano ba?"

"Teka lang, sir."

"Sasakay ka ba o ihahagis kita sa loob? Napipikon na 'ko. Ang tagal mo na nga, ang arte mo pa. Sakay!"

Napaigtad ito. Pero epektib ang panggigilas niya. Nahinto ang pagtatanong nito at animo maamong korderong lumulan na sa chopper. 

Lumuhod Ka, Tala by :  Kayla Caliente  (unedited) completedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon