Chapter 1 Part 2

9.6K 171 0
                                    


"Eh ano ang tawag mo kay ate? Kabute? Gago ka!" Binato ng throwpillow ni Carol ang screen. Kung hindi nga lang siya natatakot na mabasag ang screen ay baka tsinelas niya ang ipinukol doon. Nakakapikon ang walanghiyang lalaki.

"Ano't parang gusto mo na namang magpadanak ng dugo?"

Mula sa kusina ay may sumulpot. Sa gulat ni Carol ay ito ang nabato niya ng tsinelas.

"Ouch! Anong problema mo, 'te?" Si Amber, ang kaibigan niyang may career bilang akyat-bahay gang, ang nabalingan niya. Tutop nito ang pisnging nasapol ng flying tsinelas.

"Ay, sorry, sorry. Hindi ko sinasadya. Ba't kasi bigla ka na lang sumusulpot diyan? At saka may front door naman bakit sa likod bahay mo pa napiling dumaan? May chimay complex ka, 'te?"

"I just wanted to surprise you. Alam kong kakaalis lang ni Kenzo at malamang na nangungulila ka na naman sa totoy. Imbes eh ako pala ang masusurpresa. Sapakin ba 'ko ng lumilipad na tsinelas." Kandahaba ang nguso ni Amber.

"Sorry na nga. Nagulat lang."

"At masyadong bayolente, may I add. Siya ang dahilan, I'm sure." Tumingin sa screen ng tv ang kaibigan niya.

Hindi pa pala tapos ang interview sa letse. Katunayan ay may ma-drama itong inihahayag nang balingan ni Carol ang telebisyon.

"Itataya ko ang reputasyon ko, pati na ang malaking halaga, sa usaping 'yan," anito.

"Meaning what?" Halatang naintriga ang reporter na kausap nito.

"Meaning na hinahamon ko ang mga babaeng nagpapakulo na naanakan ko sila. Ang sino mang makapagpakita sa 'kin ng matibay na ebidensiya na anak ko nga ang bata ay bibigyan ko ng malaking halaga."

"Gaano kalaki?" tanong ng reporter.

"Isang milyong piso."

"Oh." Namilog ang bibig at mga mata ng bading. Ganoon din si Carol.

"Narinig mo?" Kahit pala si Amber ay parang umiilaw na holen ang mga mata nang dakmain nito ang braso niya.

"Dinig na dinig."

"And?" Umarko ang isang kilay ni Amber.

"And what?" Ginaya ito ni Carol. Ito lang ba ang kayang magtaas ng kilay.

"Naku, peke naman yata ang concern mo sa pamangkin mo eh."

"Anong sinabi mo?" Muntik niyang malusob ang kaibigan. Nawari naman yata nito na nalagay sa peligro ang buhay nito dahil sa nasabi kaya tumalsik ito palayo, nagtago sa likod ng malaking haligi.

"Okay, that was insensitive," anito.

"Gee, you think?" ganti niya.

"Sorry na po. I was just speaking my mind, you know. Pakinggan mo nga ang ipinangangalandakan ng ex ni Monette o." Itinuro ng nguso ni Amber ang telebisyon.

"That's how confident I am that never in my entire life did I do anything as irresponsible as bringing a child into the world without planning for it. Hindi ako namumudmod ng mga bastardo. And I'd pay anyone a million bucks to prove otherwise."

Nag-uumapaw sa kumpiyansa ang lalaki. Ang husay-husay talaga nitong magsinungaling. O baka nagka-amnesia ito bigla kaya hindi na maalala na dalawang taon pa lang ang nakakalipas ay may babaeng lumapit dito na nagngangalang Monette Baltazar at nagsabing dinadala nito sa sinapupunan ang anak ng mga ito. Ang ate mismo niya ang nagkuwento na ipinagtabuyan lang ito ng lalaki.

"A million bucks," sabi ni Amber. "May halaga na rin iyon. Puwede ng i-invest at ang tubo ay gamitin sa pag-aaral ni Kenzo."

Napaisip siya. Bakit nga ba hindi? Magkakapera na siya para sa pamangkin, masusupalpal pa niya sa mukha ang lalaki.

But what about the publicity? Hindi kaya magtatakbo pabalik ng Pinas si Monette at sakalin siya?

Pero bakit ito mananakal? Makakatulong na nga siya sa pagpupundar para sa pamangkin niya, magagalit pa ito?

Baka puwedeng huwag magkaroon ng publicity. Malay ba niya kung kapag iniharap niya sa magaling na lalaki ang ebidensiya ay pumayag na lang itong magbayad kesa ang mapatunayan na isa itong sinungaling. In fact, baka puwedeng dagdagan niya ang hihinging halaga. Ang tatas magsinungaling ng lalaki at malamang na hindi ito matutuwa sa posibilidad na mapatunayang isa itong bulaanin. Kung bakit kasi ang lakas ng loob na magbitiw ng mga pahayag na alam nitong mapapabulaanan.

Baka nga balak supalpalin ng salapi ang sino mang magpapatutoong sinungaling ito.

Hindi mukhang pera si Carol pero kung manggagaling iyon sa maitim ang budhing lalaking katulad ni Luis, lalo pa kung para sa pinakamamahal niyang pamangkin ang pera, ay bakit siya magdadalawang-isip na sumubok na makuha iyon?

Kasalanan din naman ni hudyo. Sa bibig niya nanggaling ang paghamon. Nagsimulang umangat sa isang matamis na ngiti ang kanyang labi. Ang gandang oportunidad iyon para magantihan ang lalaking nang-api sa kapatid niya. Peperahan niya ito at bagay lang dito.

"Mukhang hindi maganda ang binabalak mo." Nahulaan iyon ni Amber.

Lalo pang lumuwag ang pagkakangisi niya. "Mismo."

"Puwede bang malaman kung ano eksakto iyon?" anito.

"Yaman din lang na ikaw ang promotor eh dapat lang naman," sagot niya.

"I loooove it," bulalas ni Amber matapos niyang isalaysay ang may kaitimang balakin. "Pero teka, anong prueba ang isasampal mo sa mukha ng lalaking iyon?"

Natigilan si Carol. Masyado siyang nalulong sa pagpaplano sa perang huhuthutin niya kay Luis kaya nakalimutan niya ang napaka-importanteng detalyeng iyon. At parang lobong tinusok ng aspile ang kanyang plano. Wala siyang matibay na ebidensiya.

Hindi nakalagay sa birth certificate ni Kenzo ang pangalan ng lalaki. Si Monette ang nag-fill-up niyon at iniwan nitong blangko ang espasyong lalagyan dapat ng impormasyon tungkol sa ama ng bata. Ang katwiran nito? Bakit pa nito itatala roon ang pangalan ni Luis kung ayaw nama nitong tangkilikin ang anak?

Si Monette ang ina kaya hindi na sila nangelam. Kaya ngayon ay wala rin silang ebidensiya. Isa pa, sa kapal ng apog ng lalaking iyo kahit siguro isampal sa pagmumukha nito ang birth certificate ay itatanggi pa rin nito ang partisipasyon sa pagkakabuo ni Kenzo.

"Ang kailangan mo ay isang ebidensiyang tatayo sa korte," hayag ni Amber, na siya rin namang naisip ni Carol.

Ebidensiyang tatayo sa korte. Hmmm...

"DNA analysis," sabay silang napapitik ni Amber. Sabay ding napabulalas.

"Pero, 'te, mahal iyon, di ba?" Naalala iyon ni Carol.

"Baka may makapagbigay sa 'tin ng discount." Nurse ang isang kapatid nito, sa isang medical laboratory naman nagtatrabaho ang isa pa.

Mayroon na silang solusyon pero may kabuntot pa rin iyong problema. Para mapatunayan na may pagkakapareho ang DNA ni Kenzo at ni mamang makapal ang mukha ay dapat na mayroong pagkukumparahan. Pero paano makakakuha ng DNA material si Carol mula kay Luis?

Lumuhod Ka, Tala by :  Kayla Caliente  (unedited) completedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon