Ay, kasing baliw ko rin yata ang isang 'to eh. Agad ng itinuloy ni Carol ang paglalakad.
Hindi feelingera si Carol, at lalong hindi niya iisiping mag-feeling pagdating kay Luis. Pero sobrang tanga – o manhid – naman niya kung hindi niya mapapansin na pasilip-silip ito sa kanya habang kumakain sila.
Nakipag-it bulaga na nga siya rito, iyong kunwari tutungo siya saka hihintayin ang gagawin ng lalaki. Kapag tumingin na ito sa kanya ay bigla siyang mag-aangat ng mukha. Tatlong beses niyang ginawa iyon. Pare-pareho ang resulta. Magkukumahog si Luis na ibaling sa iba ang paningin.
Konti na lang kikiligin na 'ko. Nagulat si Carol na naisip niya iyon. Sa kabila ng nalalaman niya kay Luis, amazing at incredible na may kakayahan itong pakiligin siya sa pamamagitan lang ng pagtitig.
Kung sabagay, baka iyon ang isa sa deadly weapons nito kaya ang daming handang magpa-lahi rito. He has the looks, he has the charm and he knows how to use those assets to his advantage.
Pinili niyang huwag na lang pansinin ang pagtitig-titig nito sa kanya. Sinikap din niyang huwag mag-feeling at baka kung saan pa iyon humantong. Nagpanggap na lang siyang manhid. Pero hindi niya maiwasang mapagaya rito. Pasilip-silip na rin siya sa lalaki. At nasisiyahan siya sa nasisilip. Sa panaginip pa lang nangyari sa kanya ang ganoon, iyong may kasalo siyang lalaki na katulad ng kalidad ni Luis sa hapag at sa isang lugar na sing ganda ng kinaroroonan nila. Kahit nga sa karenderia lang sa kanto nila ay wala pa siyang nakasalong kagaya nito. Kaya masisisi ba siya kung maligaw ang imahinasyon niya at maidamay ang damdamin niya?
Hindi ka nagpunta diyan para gumarutay. Isipin mo si Kenzo. Parang malamig na tubig na isinaboy sa pagmumukha niya ang alaala ng tabatsoy at bibo niyang pamangkin. Sapat na iyon para mag-ibayo ang galit niya kay Luis na ewan ba naman niya kung bakit ang daling napapahupa ng simpleng presensiya nito.
PINANINDIGAN na ni Carol ang pagiging dakilang maid. Kung kailangan niyang umastang ulirang tsimia-a ay gagawin niya para lang mapabilis na ang pagtupad niya sa pakay. Kailangan na rin niyang magawa iyon dahil baka biglang magpasya ang lalaki na bumalik na sa pinanggalingan. Pagkatapos ng paghihirap niya sa paglalaba, pagluluto at paglilinis ay wala siyang balak na umuwing luhaan.
Kaya hayun siya, tapos na sa paglalaba at abala sa pagsasampay. Hindi na napasama ang underwear ni Luis sa mga labada niya. Kung inihihiwalay na iyon ng lalaki o hindi na ito nag-a-underwear, hindi niya matukoy. At mabuti na ring huwag na niyang tukuyin.
Pagkasampay niya ay papasok na dapat siya sa bahay pero naagaw ang pansin niya ng pigurang natanaw niyang nakabalandra sa ilalim ng puno. Halos umapaw sa duyan ang malaking katawan ng lalaki at kung hindi siya nagkakamali, nakatulog ito habang nagbabasa. Nakapatong kasi sa dibdib nito ang libro.
Maingat na lumapit dito si Carol. Nakanganga ang lalaki, konti na lang yata ay tutulo na ang laway nito. Wa poise dapat ang dating nito kaya hindi tama na kahit sa ganoong estado nito ay mahalukay pa rin nito ang kalooban niya.
Mukhang isa ito sa mga pinagpala na walang pangit na anggulo ang kaitsurahan, iyong tipo na kahit yata nangungubeta ay charming pa rin ang dating. Hindi pa nakasalubong ng katulad nito si Carol kaya walang pakundangan niyang pinagpistahan ito. Nakakatuwa naman talagang titigan ang maskuladong katawan nito, ang mukhang akalain mong mistulang maamong kordero pala kapag tulog ito, malagong buhok na maliliit ang hibla pero marami at makintab.
Buhok... May tumudla sa utak ni Carol. Hayan, bukok o.
Medyo nakaka-tanga yata ang makakita ng macho dahil tutukain na siya ng oportunidad ay muntik pa niyang mapalagpas iyon.
Sinipat pa niyang mabuti si Luis. Mukhang malalim ang tulog nito. Sakto para makapitas siya ng buhok mula rito. Sandali pa siyang nag-urong sulong bago nanginginig ang kamay, umakma na siyang bubunot mula sa malagong buhok nito. Nakahuli na siya ng isang hibla at hihilahin na lang niya iyon nang may sumaklot sa pulsuhan niya.
"And what do you think you're doing?" anang nakadilat na si Luis.
Pinanlamigan ng buong katawan si Carol. Patay siyang bata siya. Caught in the act siya.
"Sinasabi ko na nga ba," bulalas ni Luis na agad-agad nakabangon mula sa hinihigaan. Mabalasik ang tingin nito sa kanya at siya, wala ni isang maisip na dahilan para ipaliwanag dito kung bakit niya ito ninanakawan ng buhok.
Sakto namang binulabog sila ng maingay na ring tone. Galing iyon sa duyan. Dinampot ni Luis ang telepono gamit ang isang kamay. Ang isa pa nitong kamay ay nanatiling nakasaklot sa pulsuhan niya. Wala itong balak na pakawalan siya.
"Sino 'to?" Paangil ang pagsasalita nito. Kung siya ang nasa kabilang linya ay baka ibinaon na niya sa lupa ang telepono. "Gen! Finally. Buhay ka pa pala. Saang kuweba ka ba naglungga at... What? Nawala iyong cellphone mo? Eh bagong-bago lang iyon ah. Hindi ka kasi marunong mag-ingat... Okay, fine, it's your money. Pero mabuti't napatawag ka sa wakas. Ipapaalam ko lang sa iyo na... Ano? Walang maid? Ano'ng pinagsasasabi mo diyan eh nandito mismo..." Naniningkit ang mga matang ibinaling sa kanya ng lalaki.
Madaling nahulaan ni Carol ang itinatakbo ng usapan ng magkapatid. Kung makakatakas lang siya sa pagkakasukol sa kanya ay handa siyang lumangoy mula roon papunta sa Manila Bay.
You are so screwed! sigaw ng natataranta niyang isipan.
Malakas ang boses ng kausap ni Luis kaya naulinigan niya iyon.
"Kuya, yoohoo, are you still there? What on earth are you talking about? I wasn't able to send the maid. Umalis siya the night before. May sakit ang nanay niya or something. I tried to call you but then my phone was missing and hindi ko memorized ang number mo... Kuya, nakikinig ka ba?"
"I'll call you back." Malamig, may bahid ng kamandag ang tinig ni Luis. Pinindot nito ang buton saka inihagis ang telepono sa duyan. Hinila siya nito at sa pagkakataong iyon ay dalawang kamay na niya ang sinukol nito.
"Sino ka at ano ang pakay mo sa pagsama rito?" Parang konti na lang ay lalapain na siya nito.
f|;"
BINABASA MO ANG
Lumuhod Ka, Tala by : Kayla Caliente (unedited) completed
RomanceGalit sa paasa si Carol. Lalo naman sa paasa na nga, tumatalikod pa sa responsibilidad. Kaya lagot lang talaga sa kanya si Luis