Habang nakatingin si Carol sa lalaki ay hindi niya mapigilan ang mapangiti. Hindi rin niya maawat ang kakaibang damdaming nagmamartsa sa pagkatao niya. Magaan na ang loob niya sa lalaki. Hindi lang magaan. Nahuhulog na nga yata. Konti lang naman. Pero pagkahulog pa rin iyon. Palatandaan niyon ang pagkakiliting nararamdaman niya habang nakapako ang paningin niya rito. Idagdag pa na tila ba kahit anong gawin nito ay nakakatuwa sa kanya. Kahit kay Jordan na bolero ay hindi siya nagkaganoon.
Di hamak na mas guwapo at charming siya kay Jordan na bolero, that's why. Hindi naman dating ramp model si Jordan 'no. Ahente siya ng funeral plans.
And yet she knew that is not the real reason. Simple lang ang dahilan. It's something called chemistry. May kung ano sa pagkatao ni Luis na nakaka-apekto sa pagkatao niya. Kung hindi niya iyon pipigilan ay ewan kung saang kaguluhan siya dadalhin niyon.
Napansin ni Carol ang mommy niya. Nakatingin din ito sa lalaking nakikipaglaro kay Kenzo. Nangingiti-ngiti ito. Sumulyap ito sa kanya. Lalo pang ngumiti na sinabayan nito ng pasimpleng pagtango. Nakuha agad niya ang tinutukoy nito. Boto ito kay Luis. Ngalingali siyang mapaungol. Gulong masahol sa digmaang pandaigdig ang nakaambang maganap pag hindi siya nag-ingat.
Inanyayahan ng mommy niya si Luis na sa kanila na maghapunan. Hindi malaman ni Carol kung ano ang ipagdadasal niya, ang pumayag ito o tumanggi. Kung papayag kasi ito, magtatagal pa ito roon. Mas lalo pa siyang mae-expose sa kamandag nito, mas lalong manganganib mahulog dito ang nagpapatihulog na nga niyang kalooban. Mas maganda nga yata na tumanggi ito.
"I'd love to," anang lalaki. Napa-cha-cha-cha ang kalooban ni Carol sa tuwa. "But I'm afraid I can't. May appointment po kasi ako." Tuwang lumagapak sa semento nang marinig ang kabuntot ng I'd love to ng lalaki.
Mas maganda pala na tumanggi siya ha? Tinuya pa siya ng nagmamagaling na isipan.
"O siya, sa ibang pagkakataon na lang." Parang pati mommy niya disappointed.
"Ay, opo, pangako," anang lalaki.
Promise talaga 'yan ha. Muntik pang maibulalas ni Carol. Salamat na lang at biglang naglambitin sa kanya si Kenzo, nagpapakarga. Naagaw ang pansin niya mula sa pagsasabi ng mga katagang hindi dapat sambitin.
Ganoon pa man ay hindi siya nakatiis na huwag ihatid hanggang sa labas ang lalaki.
May pakay ako 'no, pagpapatahimik niya sa nangungutyang konsensiya.
Talaga namang may pakay siya.
"Thanks sa mga regalo mo kay Kenzo." Nagpasakalye na siya.
"Wala iyon," sagot ni Luis. Ngumiti ito, kinusot-kusot pa ang ulo ng batang kalong niya. Mukhang tutoong naaaliw ito sa pamangkin niya.
Humugot ng malalim na hininga si Carol. Hindi niya gusto ang susunod niyang sasabihin pero kailangan niyang gawin. Uungkatin na niya rito ang tungkol sa DNA test.
"By the way, busy ka ba this weekend?" Naunahan siya ng lalaki sa pagsasalita.
"Ha? B-bakit?"
"Iimbitahan sana kita. Gusto ko kayong isama ni Kenzo. Pati mommy mo kung papayag siya.
"Saan?"
"Sa birthday party nung anak ng friend ko. Iyong dahilan kung ba't ako napadpad sa toy store. Pag nagkataon, ngayon pa lang ako pupunta sa isang children's party na may kasamang child. I'm sure mag-e-enjoy si Kenzo."
Kung alam mo ang makabubuti sa iyo ay tatanggi ka, sigaw ng isipan ni Carol.
ALAM niya ang makabubuti sa kanya. Pero nanaig ang sulsol ng kalooban ni Carol. Kaya hayun siya, napapaligiran ng mga batang hindi magkamayaw sa pagtakbo, iyong iba, paikot-ikot pa sa kanya.
Na-excite agad si Kenzo pagtapak pa lang nila sa venue ng children's party. Hindi nakapagtataka. Siya nga na gurang na, natuwa pa rin, paano pa ang bagets na kalong-kalong niya?
Halaw sa sineng Frozen ang tema ng party. May bundok-bundok na snow na gawa sa styrofoam. May nalalaglag ding tipak-tipak na styro na kunwari ay bumubuhos na niyebe. Kandaliyad si Kenzo sa pag-abot sa nalalaglag na niyebe. Sa biglaang pag-igtad nito ay muntik niya itong mabitawan. Mabuti na lang at maagap sa pagsalo rito si Luis.
"Akin na muna ang makulit na iyan. I'm sure nabibigatan ka na." Kinuha nito ang bata.
Sakto naman na may lumapit sa kanila na isang lalaki. Karga nito ang isang batang babae.
"Brod, so glad you can make it." Binati nito si Luis. "And what do we have here? May pamilya ka na pala hindi mo sinasabi."
"Well kept secret ko iyon, brod. At sana eh 'wag mong ipagkalata," sagot ni Luis.
Namilog ang mga mata ng kausap nito. "Shit, man. Seryoso?" Halatang manghang-mangha ito.
Ang lakas ng tawa ni Luis. "Gotcha!"
"Sira ka talaga, brod. Akala ko pa naman may maibubulgar na akong madilim na lihim. So, kung hindi mo pamilya ang kasama mo eh sino sila?" Nakangiti ang lalaki nang tumingin kay Carol.
"This is Carol, a good friend. At ang cute na batang 'to ay si Kenzo, pamangkin niya." Hinagkan ni Luis ang tuktok ng bata saka ito bumaling sa kanya. "Ang intrigerong ito naman ay si Frank. Siya ang ama nitong birthday girl na si Samantha. Hi there, cutie?" Inilapit ni Luis ang mukha sa batang babae.
Nagkakawag ang batang kalong ni Frank.
"Walang palya ang charm mo, brod," biro tuloy ng kaibigan nito. "Basta babae, mapa-bata o matanda, tibag pagdating sa iyo."
"Hey there, stranger." May sumingit na tinig. "Oh, may kasama ka?" Nabahiran ng disappoinment ang malanding himig.
Isang babaeng mukhang contender sa Asia's Next Top Model ang tumambad sa paningin ni Carol.
"Oh, Candice, hi." Nginitian ito ni Luis. "Si Carol at ang pamangkin niya, si Kenzo."
"Hi there." Nakangiti ang babae pero hindi iyon umabot sa mga mata nito.
"Hi," tipid na ganti ni Carol.
"O, tayo na sa loob," yaya sa kanilang lahat ni Frank. "The party will be starting soon. Bago pa makatulog ang may birthday."
Maraming palaro sa party. Mayroong para sa mga bata lang, mayroong kasama ang mga magulang. Ilang beses na sumali si Luis kasama si Kenzo. At nang ibaba na ang pabitin ay handa yata itong makipagpalitan ng mukha sa ibang mga magulang na nakipag-agawan sa mga laruan.
"Ang dami naming premyo." Halatang tuwang-tuwa ang lalaki nang lumapit sa kanya. Hawak nito at ni Kenzo ang mga nasamsam sa pabitin. At natuklasan ni Carol na ang mukha ng isang tuwang-tuwang si Luis ay katumbas ng isang sakal. Hayun at hindi siya halos makahugot ng hininga habang nakatambad ang nakakaaliw, nakakawili, nakakatuwang kaitsurahan nito.
Kahit si Kenzo ay halatang tuwang-tuwa. Iwinawagayway nito sa ere ang supot na puno ng iba't ibang action figures.
"Mamaya maglalaro tayo sa bahay," ngiting-ngiti pa ring sabi ng lalaki.
"Wow, brod, bagay pala sa iyo ang maging tatay. Mag-asawa ka na kasi." May kumantiyaw dito.
"Sige, bukas," ganti ni Luis.
Napatingin tuloy kay Carol ang nangantiyaw dito. Parang may naaamoy na intriga.
"Uy, don't tell me," sabi nito kay Luis.
"Ang buhay ay weather-weather lang." Iyon ang matalinhagang komento ni Luis.
Nagtayuan ang mga balahibo ni Carol. Naaalibadbaran siya, hindi sa pinagsasasabi ni Luis kung hindi sa epekto niyon sa kanya. Iniisip marahil ng kausap nito, pati na ng ibang nakatayo malapit sa kanila at nanghahaba ang tainga, na may ugnayan sila. Dapat siyang mag-protesta, itama ang maling akala ng mga ito. Imbes ay para siyang kinikiliti sa mga lugar na sensitibo sa ideyang kanya ang lalaki. Na siya ang nagwagi na makasilo sa pihikan at mailap nitong kalooban.
Pagbutihan mo ang pag-iilusyon, hane. Para kapag lumagapak ka sa lupa eh sulit ang aray mo.
"Ayan na o. wũ
BINABASA MO ANG
Lumuhod Ka, Tala by : Kayla Caliente (unedited) completed
RomanceGalit sa paasa si Carol. Lalo naman sa paasa na nga, tumatalikod pa sa responsibilidad. Kaya lagot lang talaga sa kanya si Luis