TITIG NA titig si Luis sa kanya at para sa isang taong hindi sanay magsinungaling ay nakakapangatog pala iyon ng kaluluwa. Lahat ng paliwanag na inihanda ni Carol, pati na iyong nabuo niya habang nasa himpapawid pa sila, ay naglahong parang bula.
"K-kailangan ko ng DNA mo." Tumakas mula sa bibig niya ang katotohanan. At sa palagay niya, mas lalo siyang ibinaon sa kapahamakan. Mas lalong nagdilim ang anyo ni Luis. Hindi na siya magugulat kung ang susunod nitong gagawin ay ipain siya sa mga pating.
"Sorry, hindi ako basta namumudmod ng DNA ko. In case you haven't heard yet, hindi ko gawi ang mang-anak ng kung sino-sino."
At sinong may sabi sa iyo na gusto kong magpaanak sa iyo? Kapal naman ng fez!
"Excuse me, what on earth are you talking about?" Himig matimtimang birhen na pinagbintangang nakiki-apid ang ginamit niya.
"Sinabi mo na nga mismo, hindi ba? Gusto mo ng DNA ko."
"At in-assume mo na agad na sa pamamagitan ng paggawa ng milagro ko kukunin iyon? Hindi mo ba naisip..." Natigilan si Carol. Siya ang hindi nag-iisip.
Carolina, isang bakol ka talagang tanga! Hinagisan na nga siya ng lubid para makatakas sa pagkalunod, itinapon pa niya iyon.
Lalong naningkit ang mga mata ni Luis. Halos magsara na ang mga iyon. Kapag pala galit ito ay mapapagkamalan itong leader ng Yakuza. Sana lang ay hindi ito kasing lupit.
"Kung hindi mo ako balak halahin, ano ang dahilan at nandito ka? Hindi gawain ng isang matinong babae ang sumama sa isang lalaking hindi niya kilala papunta sa isang lugar na sila lang dalawa."
"Ah, eh, k-kasi... ano..." Pinilit maghagilap ng matinong idadahilan ni Carol. Kaso ay hindi kinaya ng hinagap niya. Oh the hell with it!
"If you must know, I need a sample of your DNA to match with my nephew's. Dahil taliwas sa ipinangangalandakan mo, may anak ka at isa iyong bastardo." Iisa ang bombang dala ni Carol at pinasabog na lang niya iyon. Tutal ay palpak naman na ang misyon niya.
Malakas na tawa ang isinukli ng lalaki sa pasabog niya.
"Natatawa ka na may bastardo ka?" malamig ang tinig at napapairap niyang tanong.
"Hindi ang pagkakaroon ko ng bastardo ang nakakatawa kung hindi ang paniniwala mo na meron ako nun. That's impossible."
"Baog ka?"
"Of course not!"
"Eh ano pala? Dahil lagi mong nilalagyan ng kapote si manoy bago mo isagasa sa baha? Well, FYI, puwedeng pumalpak ang condom. Patunay ang pamangkin kong si Kenzo."
Natigil ito sa pagtawa. Nanghinayang naman agad si Carol. Mabuti pa nung umaasta ito na joker siya ay hindi ito nakakatakot. Ngayon na mas mabalasik pa kesa kanina ang itsura nito, gusto niyang pagsisihan ang pinagsasabi niya.
Pero teka, tutoo naman iyon ah. Ba't ko pagsisisihan? Imbes ay dapat niya iyong panindigan. Samantalahin na rin dapat niya ang pagkakataong iyon para iparating sa lalaki ang matinding galit niya rito. Malamang na isang beses lang malalaglag sa kandungan niya ang ganoong pagkakataon.
"Para sabihin ko sa iyo, you are a poor excuse for a human being." Umarangkada na ang katarayan niya, nagsimulang sumambulat ang galit na hindi nagawang umalpas noon. "Ang kapal ng mukha mo at mas masahol ka pa sa hayop. Mabuti pa ang aso, kinakalinga ang anak. Ikaw, dinedma mo na nga, ang lakas pa ng loob mong ipagmalaki na hindi ka nagkakalat ng bastardo."
"Sana lang ay may prueba ka sa lahat ng ibinibintang mo sa akin. Kung wala ay idedemanda kita. Slander at..."
"At narinig ng ibon sa sanga at mga kulisap sa loob ng niyog ang mga sinabi ko, right? Sila ang tetestigo na na-slander kita." Nakapag-aral din naman siya at kasama sa mga naging subjects niya ang tungkol sa konstitusyon.
Natigilan ang lalaki, mukhang napaisip. At nakakainis, parang na-amuse pa.
"You have a point," anito.
"Talaga. At marami pa akong points."
"What's your name? And more importantly, ano ang pangalan ng babaeng ipinagpipilitan mong naanakan ko?" tanong nito.
"Sinabi ko na sa iyo, di ba? Carol."
"Apelyido?"
Baltazar. Ako si Carol Baltazar at ang mommy ni Kenzo ay si Monette Baltazar. I'm sure the name rings a bell."
Sandali lang natahimik si Luis.
"It does."
"Mabuti at inamin mo."
"Wait, inamin ko na pamilyar ang pangalan niya pero iyong pagkakaroon namin ng anak, malabo. Puwera na lang kung immaculate conception iyon, di kaya ay parang paro-paro ang semilya ko, lilipad-lipad at dumadapo lang kung saang bulaklak."
"Hindi nga ba?" nasabi niya. Parang ganoon nga yata iyon.
"Hindi. At para ipaalam ko sa iyo, sinubukan na rin akong sindakin ng Monette Baltazar na iyan. Lawyer ko ang pinaharap ko sa kanya. Nasindak yata. Tameme siya. Pero akala ko lang pala iyon dahil ngayon ay nandito ka naman. Magkano ba ang gusto niyo ha?"
"Hoy mamang makapal ang mukha, hindi pera ang habol ko." Napahiya si Carol kaya ora-orada siyang napabulalas bago pa siya mapaisip. At matigilan. Hindi nga ba't pera ang habol niya? Hindi niya akailang nakapanliliit palang aminin iyon.
Bakit ako mahihiya? Ako ang nasa tama. Ang lalaking ito na may semilyang lilipad-lipad ang dapat mahiya. Pinatotohanan lang ng sinabi nito ang alegasyon ng kapatid niya, na tinanggihan nito ang responsibilidad kay Kenzo. Alam pala talaga nito ang tungkol sa bata pero denial king ang drama nito.
"Okay, sige, pera ang habol ko." Pinanindigan na niya iyon. "Tutal, sa itsura mo ay malabong may maamot na pagkalinga ang pamangkin ko. Mabuti na rin na huwag ka na niyang makilala at baka pamarisan ka pa. Perang para sa kinabukasan niya, iyon lang naman ang hinihingi ko."
"This is extortion, plain and simple" hayag nito. "Panlolokong matindi. Dahil isusumpa ko sa puntod ng yumao kong ina na ni dulo ng daliri ng Monette Baltazar na sinasabi mo eh hindi ko nakanti. Ngayon, mamili ka sa dalawa. Isasauli na kita sa pinanggalingan mo at maglalaho ka na parang bula sa buhay ko o idedemanda kita. Wala akong paki ke may witness ako o wala. Basta idedemanda kita at uutusan ko ang abogado ko na gawin ang lahat para makaladkad ang pangalan mo sa putikan."
Itinaas ni Carol ang baba niya. Handa siyang angasan ang lalaking ito.
Bring it on. Iyon ang nakaambang lumabas mula sa bibig niya.
BINABASA MO ANG
Lumuhod Ka, Tala by : Kayla Caliente (unedited) completed
RomanceGalit sa paasa si Carol. Lalo naman sa paasa na nga, tumatalikod pa sa responsibilidad. Kaya lagot lang talaga sa kanya si Luis