"OY, CAROL, iyong caldereta ba, malambot na? At iyong pansit, aba'y simulan mo ng lutuin."
Kung makapagmando ang mommy niya ay parang naghahanda sila sa paggunaw ng mundo. Kanina pa itong umaga aligaga. Nasa bahay sila sa probinsiya, naghahanda para sa pag-uwi ng kapatid niya. Hindi na nagpasalubong sa airport si Carol. Wala naman daw itong gaanong dala. Tutuloy na lang daw ito sa bahay nila kaya ngayon ay hindi magkandaugaga ang mommy niya.
"Dadating si mommy. Ang saya ng baby." Karga ng daddy niya si Kenzo. Mukhang hindi lang ang baby ang masaya. Pati ang lolo. Kung sabagay, lahat sila masaya. Kahit nga si Carol. Pansamantala ay kaya niyang dedmahin ang pangungulila kay Luis.
Ako? Nangungulila sa isang iyon? Hindi ah. Nevaaah!
Tunog ng humintong sasakyan sa tapat ng bahay nila ang umani ng ibayong pagbulalas mula sa mommy niya.
"Hala! Nandiyan na yata si Monette. Ang aga. Sus, hindi pa luto. Sabi ko naman kanina pa na..."
Lumapit dito si Carol. "'My, si Monette ang dumating, hindi ang Reyna ng Inglatera. At kahit pa si Queen Elizabeth ang nasa labas, hindi ka sesentensiyahan ng bitay dahil lang wala pang ulam. Kaya chill," aniya.
Maya maya pa ay may kumatok. Daddy niya ang nagbukas ng pinto. Ang ate na nga niya ang dumating. At hindi ito nag-iisa. Pagkakita sa kasama nito ay si Carol naman ang inatake ng katarantahan. Panic attack siya to the highest level.
"Luis!" bulalas ng mommy niya. Halatang nagtataka ito. Alam na nito ang buong kuwento at naibahagi na rin iyon sa daddy niya.
Ang gusto ni Carol ay maglaho siya na parang bula. Kaso ay wala siyang mahika at hindi rin siya bula kaya napilitan siyang manatili sa kinaroroonan. Huwag lang malingat ang lalaki ay kakaripas talaga siya ng takbo.
"Hi!" Hindi lang sa hindi nalingat ang lalaki. Sa kanya pa napako ang pansin nito.
"H-h-hi din." Gumanti na lang siya ng pagbati.
"Para kayong mga tuod. Hindi niyo ba ako sasalubungin ng masigabo?" Si Monette ang pumalis ng tensiyon na naghari sa pagitan nila ni Luis at nakahawa yata sa mga nakapaligid sa kanila.
"Aaay! Anak ko." Sinugod ng mommy niya si Monette, niyakap ng sobrang higpit. Lumapit din dito ang daddy nila. Sinipat lang muna ni Kenzo ang ina nito saka inilahad ang mga bisig dito.
Group hug ang pinagsaluhan ng mga ito. Etsa puwera sila ni Luis.
Maetsapuwera kang mag-isa. Nakisugod na rin si Carol sa kapatid bago pa ang lalaki ang masugod niya ng yakap.
Matagal-tagal bago humupa ang excitement. Pero kalaunan ay nakalma na ang mga nakatatanda, pati na rin si Kenzo. Si Carol na lang ang nanatiling aligaga. Parang napapaso siya sa mga mata ni Luis na ramdam niyang sinusundan ang kilos niya. Ang masaklap, hindi siya makahirit dahil nasa harap sila ng madla.
"Uhh, kukuha ako ng maiinom. I'm sure nauuhaw ang mga nagbiyahe," sabi niya at bago pa may kumontra ay tumalilis na siya sa kusina.
Napahawak siya sa lababo. Daig pa niya ang binigwasan sa muling pagkikita nila ni Luis. Nawalan siya ng hininga, kulang mawalan din ng ulirat sa tindi ng emosyong sumibol sa kanyang dibdib nang masilayan ito.
"Nasaan na iyong inumin? Hinango mo pa ba sa balon?" Hindi pa lubusang kumakalma ang kalooban ni Carol ay may sumigaw na mula sa sala.
Kalong ni Luis si Kenzo nang bumalik siya. Katabi nito si Monette. Hindi lang basta katabi. Nagsisiksikan ang dalawa. Nagsimulang kumulimlim ang mundo para kay Carol. Masama ang kutob niya. Hindi kaya... Huwag naman sana...
BINABASA MO ANG
Lumuhod Ka, Tala by : Kayla Caliente (unedited) completed
RomanceGalit sa paasa si Carol. Lalo naman sa paasa na nga, tumatalikod pa sa responsibilidad. Kaya lagot lang talaga sa kanya si Luis