KUNG hindi lang nagulat at nalito si Carol ay baka nasapak na niya ang lalaki. Kung makapag-utos ang isang 'to akala mo pag-aari ang mundo.
Pero teka, nag-a-apply lang siya ng trabaho at hindi sumasali sa Survivors Philippines kaya bakit kailangan pa siyang sumakay ng chopper? Magtatanong dapat siya pero mahirap makipag-usap ng matino kung ganoon na kaingay-ingay ng kinaroroonan nila. Mamaya na lang siguro, paglapag nila.
Habang nasa himpapawid ay ni-review ni Carol sa isipan ang gagawin niya. Ayon sa na-research niya, ang pagsa-swab sa loob ng bibig – o Buccal swabbing – ng isang tao gamit ang cotton buds ang ginagamit na paraan ng mga klinika para makakuha ng DNA sample. Hindi niya ma-imagine kung paano niya mauuto si Luis para mapapayag ito na magpakalikot ng bibig sa kanya. Kaya ang susunod na opsiyon niya ay ang pitasan ito ng ilang hibla ng buhok o kaya ay kupitin ang pinaggupitan nito ng kuko. Mas madali ang unang opsiyon. Kahit nga ngayon ay puwede niyang gawin iyon. Kaso lang ay tiyak na magtataka ito, baka magduda at kumpiskahin pa ang nasikwat na hibla ng buhok. Dapat din daw na buo ang hair follicle para makuha ang DNA material. Kaya hindi siya dapat magpadalos-dalos.
Pinagkasya na muna niya ang sarili sa pagtingin sa tanawin. Nasa ibabaw na sila ngayon ng katubigan. At mabilis na lumalayo sa siyudad.
Lumalayo sa siyudad? Hindi na nakatiis si Carol. Bumaling na siya sa lalaki.
"Saan ba tayo pupunta?" Medyo nababahala na siya.
"Hindi ba sinabi sa 'yo ni Gen?" Parang nayayamot pa ang kumag.
Kung sinabi niya, di sana hindi na 'ko nagtatanong ngayon, di ba? At saka sino si Gen? Muntik na niyang maibulalas iyon. Imbes ay umiling na lang siya.
"I'm taking a vacation. Sa isla ng kaibigan ko. Depende sa mood ko kung kelan ako babalik..."
At bakit bitbit mo 'ko? "At ang papel ko ay..."
Minasdan siya nito, parang nagtataka at nabubiwisit at the same time.
"Para sa isang maid, masyado kang maraming tanong," anito.
Maingay ang elisi ng chopper kaya puwedeng naringgan lang siya. Sinabi ba ng impaktong 'to na maid ako?
"Maid?" bulalas niya.
"Oo, maid. Hindi ba ikaw iyong ipapahiram sa 'kin na katulong ni Gen?"
Excuse me, mukha ba 'kong maid? Masasampal niya ang isang ito, konting-konti na lang. Bihis aplikante siya sa Ortigas business district pagkakamalan siyang maid? Bumuka ang bibig niya, pauulanan na dapat niya ng masasakit na salita ang lalaki nang biglang sumulpot sa diwa niya ang mukha ni Amber.
Isip-isip din pag may time. Na-imagine niya na iyon ang sinasabi nito. Binigyan ka na nga ng regalo, galit ka pa.
Nakalma si Carol. Napaisip. Masasabi nga siguro niyang kinakasihan siya ng tadhana sa pangyayari. Kung mag-a-apply siya sa trabaho, malay ba niya kung matatanggap siya. O kung matanggap man, maghahanap pa siya ng pagkakataon para manakawan ng DNA material ang lalaki.
Sa hindi inaasahang papel niya ngayon, kahit isang bag ng DNA material ay malamang na makakakuha siya. Matetengga siya ng ewan kung gaano katagal sa isang isla pero hindi naman siguro matagal na matagal. Magbabakasyon lang si Luis, hindi magmomonghe. At pagbalik niya sa kabihasnan ay siguradong bitbit na niya ang ebidensiyang magpapatunay na si Luis Arciaga ay isang dakilang sinungaling. Na taliwas sa marubdob na pahayag nito na wala itong bastardo, may isinilang na sanggol sa mundo na may dugong Arciaga na nananalaytay sa ugat nito.
"Kung bingi ka o medyo slow, hindi ko pa natutukoy." Umimik ang lalaki at pinutol niyon ang pagninilay niya kung paano niya ito kukumprontahin sa sandaling hawak na niya ang patunay na ama nga ito ni Kenzo.
BINABASA MO ANG
Lumuhod Ka, Tala by : Kayla Caliente (unedited) completed
RomanceGalit sa paasa si Carol. Lalo naman sa paasa na nga, tumatalikod pa sa responsibilidad. Kaya lagot lang talaga sa kanya si Luis