NAPAATRAS si Carol pagbukas niya ng pinto. Malaking oso ba naman ang bumungad sa kanya. Sa laki niyon ay halos maniwala na siya na ito iyong kumatok. Nagsalita pa nga ito ngayon.
"Tao po."
Napatawa siya. Nakilala ang tinig.
"FYI, hindi ka tao. Oso ka. At saka naliligaw ka, Mr. Bear. Malayo rito ang kagubatan," sabi niya.
"Sino'ng may sabing sa kagubatan ako pupunta? Dito talaga ang sadya ko. Kakainin kita. Grrrowl!" Gumalaw-galaw ang mga kamay ng uso.
"Sira!" bulalas niya. "Pasok ka na nga bago ka pa hulihin ng tiga-PAWB diyan. O kaya ng tauhan ng mental hospital."
Napapatawang ibinaba na ni Luis ang oso. Inilapag nito iyon sa sofa.
"Wait lang ha," anito saka lumabas ulit. Pagbalik ay dalawang malaking supot ang bitbit nito.
"Ano'ng meron?" naitanong tuloy ni Carol.
"Para kay...Kenzo."
Sinilip niya ang laman ng isa sa mga supot. Mga laruan iyon. Iba't ibang klase.
"May sale ba sa toy store?" nasabi niya.
"Ibinili ko kasi ng regalo iyong anak ng kaibigan ko. Birthday niya sa Sabado. I guess I got carried away. Kaya hayan..."
Iminuwestra ni Luis ang mga pinamili.
"Ibang klase ka ma-carried away."
"Teka, nasaan si Kenzo?" tanong nito.
"Isinama ni mommy sa grocery. Pero babalik din agad ang mga iyon. Teka, ikukuha kita ng maiinom."
"Huwag na. Ang mabuti pa, ilabas natin 'tong mga toys. Para pagdating ni Kenzo maso-surprise siya." Habang nagsasalita ay abala na si Luis sa paghango sa laman ng supot.
Mahilig ding bumili ng laruan para sa pamangkin si Carol kaya natukoy agad niya na mamahalin ang mga pinili ng lalaki. Iyon iyong mga hindi niya pinapatulan kahit nagagandahan siya dahil nalulula siya sa presyo. At hindi lang isa ang binili ng lalaki kundi isang katerba.
"Grabe 'no. May mga ganito pa pala." Kotse-kotsehang gawa sa die cast metal ang tinutukoy nito. Nakilala ni Carol ang brand name. Iyong maliliit na kotse lang, daan na ang halaga. Iyong kasing laki ng pinakyaw ni Luis, malamang na lagpas limang daan. "Noong bata ako gustong-gusto ko sanang magpabili kay mommy. Kaso kapos sa budget. Iyong gawa sa plastic na lang ang pinagtitiyagaan ko. Enjoy din namang laruin iyon eh. Basta kotse, masaya na 'ko. Kahit nga iyong gawa sa carton na ginugupit sa kahon ng gatas okay na sa 'kin."
Hindi sinasadyang nagkaroon siya ng ideya sa buhay na pinagmulan nito. Obviously, hindi ito ipinanganak na rich kid.
"A-ano ba ang trabaho ng daddy mo noon?" Hindi niya napigilan ang magtanong.
"Ewan. Hindi naman namin siya kasama eh. Single parent si mommy. Siya ang mag-isang nagpalaki sa 'min." Abala na sa laman ng ikalawang supot si Luis. Pabale wala ang paglalahad nito pero hindi maiwasan ni Carol na maapektuhan. Hindi niya akalain na isang bastardo si Luis. Kung sabagay, ano nga ba ang alam niya tungkol dito?
"She must be a very strong woman," nawika niya.
"Oo naman. The best si mommy. Sa suweldo ng isang guro eh napagtapos niya kami ni Gen. Kaya nga nang magkaroon ako ng pagkakataong kumita ng malaki eh hindi ko pinalagpas. Gusto kong makatikim siya ng luho kahit paano. Kaya lang..." Nagpakawala ng malalim na hininga si Luis.
"Kaya lang ay ano?"
"She died. Aksidente. A freak one, actually. Nadulas siya sa hagdan ng school na pinapasukan niya. Nabagok siya. DOA siya sa ospital."
BINABASA MO ANG
Lumuhod Ka, Tala by : Kayla Caliente (unedited) completed
RomansaGalit sa paasa si Carol. Lalo naman sa paasa na nga, tumatalikod pa sa responsibilidad. Kaya lagot lang talaga sa kanya si Luis