KAUSAP ni Carol ang ate niya sa Skype. Kagaya ng nakagawian nila, si Monette ang kumontak sa kanya. Kinumusta muna silang lahat.
"I'm thinking of coming home for a while," hayag nito.
"Ha? Bakit? May problema ba?" Nabahala siya. Dati ay panay ang tanggi nito na magbakasyon sa Pinas kahit sandali. Ang katwiran nito, sayang ang kikitain nito.
"Wala. Gusto ko lang magpahinga sandali. Kakapagod din pala. Ikaw talaga, OA mag-alala." Tumawa ang ate niya pero imbes makalma ay lalong nabulabog ang kalooban ni Carol. Kilala niya ito at ipupusta niya ang pustiso ng mommy niya, may iniinda ang kapatid niya. Pero alam din niya na kung ayaw nitong magsabi ay hindi niya ito mapipilit.
Naudlot tuloy ang pag-ungat niya tungkol sa ama ni Kenzo. Mukhang may inaalala na nga ang kapatid niya, dadagdagan pa ba niya? Tutal ay uuwi raw ito. hintayin na kaya niya. Mamatay-matay siya sa suspense habang naghihintay pero tiis-tiis lang muna. Mas maganda siguro kung sina Luis at Monette na ang mag-usap ng magkaharap.
Para siyang tinadyakan sa dibdib sa ideyang maghaharap ang dalawa. Maghaharap, mag-uusap at malay ba niya, baka magningas muli ang kung ano mang namagitan sa mga ito sa nakaraan.
Huwag na lang kaya silang magkita kahit kailan! Iyon ang opinyon niya. Pero hindi iyon tama. Siya ang nagdala sa sarili niya sa gulong iyon kaya ngayon, tiisin niya ang konsekuwensiya. Isa pa, para iyon sa kapakanan ni Kenzo.
Tanda mo, iyong kapakanan niyang ipinaggigiitan mong pinagmamalasakitan mo.
"Uhm, 'te, m-matanong kita, k-kumusta ang lovelife?" nasabi ni Carol.
"Lovelife? Ano 'yon?" balik ni Monette.
"Sus, ikaw pa ba ang mawawalan niyon," kantiyaw niya.
Ngumiti ang kapatid niya pero parang mapanglaw. "K-kaya nga dapat akong umuwi. Para magka-lovelife."
Kinabahan si Carol. Balak ba nitong hanapin ulit si Luis?
Uusisain dapat niya ito pero may tumawag sa kapatid niya.
"Teka, tapos na ang break ko. Next time na lang," anito saka ito naglaho na sa screen. Kulang ngatngatin ni Carol ang mga kuko niya sa sobrang pagkabitin.
Naagaw ang pansin niya ng tunog galing sa sala. Nag-iingay si Kenzo. Siguro ay ang mommy niya ang kalaro nito. Kukunin dapat niya kanina ang pamangkin para makita man lang ito ni Monette pero nang sabihin niya sa kapatid na gigisingin niya ang bata ay tumanggi ito. Hayaan na lang daw nila na matulog ito at baka mabugnot pa.
Sabik na agad siyang makasama ang pamangkin. Pero paglabas niya ay mas lalo siyang nasabik. Hindi ang mommy niya ang nadatnan niyang kasama ng bata. Si Luis. Hawak nito sa matipunong mga bisig si Kenzo. Inililipad-lipad nito ang bata sa ere. Napa-tumbling ang puso ni Carol pagkakita sa lalaki.
"Hello there!"
Sumirko pa iyon nang batiin siya nito. May katerno pa kasi iyon na matamis na ngiti. Bigla ay nakalimutan niya ang inis niya rito bunsod ng huling pag-uusap nila, kung saan tumanggi ito sa DNA test. Pero ngayon ay pilit niya iyong ipinaalala sa sarili.
"Na-process mo na?" Pinalamig niya ang tinig. Inarkuhan pa niya ng kilay ang lalaki.
Mukhang nakonsensiya naman ang lalaki. Naglaho ang ngiti sa labi nito. Ibinaba ang tingin.
"Sorry about that. It's just that it's such a big thing," anito.
"Ay, oo big nga talaga iyon. Iyon ang namumukod tanging rason kung bakit nagkakilala tayo."
BINABASA MO ANG
Lumuhod Ka, Tala by : Kayla Caliente (unedited) completed
RomanceGalit sa paasa si Carol. Lalo naman sa paasa na nga, tumatalikod pa sa responsibilidad. Kaya lagot lang talaga sa kanya si Luis