CHAPTER FOURTEEN

10K 393 28
                                    

Ang sabi ni Kaito magkikita kami sa central exit ng JR Osaka Station ng bandang alas sais ng gabi dahil magdi-dinner daw kami together. Alas sais y medya na hindi pa rin nagpaparamdam ang hunghang. Niloloko na naman ba ako nito? Tinext ko siya at naghintay ng lima pang minuto pero wala akong natanggap na sagot. I was beginning to feel really angry. Naisip ko agad, he stood me up! Kinse minutos bago mag-alas siyete, nagdesisyon akong umalis na roon. Kaysa naman masayang ang pinunta ko ng downtown Osaka, naisipan kong mamasyal na lang. Pumasok ako sa Lucua Mall. Aakyat na sana ako sa second floor nang biglang mahagip ng paningin ko ang pamilyar na bulto na pababa ng escalator. Kaagad akong kumubli. Si Kaito at Amane! Parang tinusok ang puso ko nang makita ang Haponesang nakapulupot sa braso ni Kaito. Ang mokong naman ay mukhang aburido pero hinayaan naman niyang dumikit nang ganoon sa kanya ang babae. Nabuwisit ako. Pagkatungtong nila ng ground floor saka lang bumitaw si Amane. Tumingin-tingin siya sa mga paninda habang si Kaito nama'y nagbutingting ng cell phone. Nang maisip kong baka tawagan niya ako, in-off ko agad ang ringer ng iPhone ko. Tama nga. He called!

Manigas ka! Akala mo you can get away with anything. Kahit ikaw ang nagpapasweldo sa akin, hindi mo ako kayang paikutin. Alam ko na ngayon na you are not really serious about me. Gusto mo lang akong gawing dibersyon habang naghihintay kayo ng petsa ng kasal n'yo ni Amane. Maghanap ka ng maloloko mo!

"Kaito-kun!" maarteng tawag ni Amane kay Kaito. Kinawayan niya ito at pinapalapit. May pinapakita itong abubot. I saw Kaito rolled his eyes before he went to her. Nang makalayo na siya, dali-dali akong lumabas ng Lucua. I was fuming mad!

"O, ba't ang aga mo? Akala ko ba may dinner kayo ni Kaito ngayon?" salubong agad ni Tita Chayong nang dumating ako sa omise niya sa Ibaraki-shi.

"Luk who's bakk!" humahalakhak namang bati sa akin ni Ate Roselda. Pinausukan pa ako ng sigarilyo niya. Napaubo ako. Saka lang niya inilayo ang hinihitit sa mukha ko.

"Huwag ka ngang bumuga niyan sa harap ng pamangkin ko!" naiinis na saway sa kanya ni Tita Chayong. "Nagka-TB ang tatay niyan kaya malamang na may binhi na rin iyan. Pag pinausukan mo pa baka mapadali ang pagdebelop ng TB ng bata."

"Tita Chayong naman!" Naeskandalo ako. Anong binhi ang pinagsasabi ng matandang ito? Wala pa kayang TB si Itay nang nandoon ako sa amin.

Tiniris ni Ate Roselda ang sigarilyo niya at hinarap niya ako.

"Anong nangyari at ang dali lang ng date n'yo ni Pogi? Akala ko pa naman uuwi kang di na bergen. Aba, kailan ka pa ba magpapadilig? Lumilipas ang panahon, Pipay! Sige ka. Baka magsara na iyang kuweba mo."

Namula ako sa sinabi niya. Pinitik naman ni Tita Chayong ang sentido niya. Ang mga entertainers na Pinay sa paligid na nakarinig sa kanya'y naghagalpakan ng tawa. Lalo akong na-eskandalo. Sinimangutan ko siya bago pumasok sa private room.

Bumalik na naman sa alaala ko ang nakita ko sa Lucua Mall. Naisip ko na naman ang sweetness nila Kaito at Amane. Malamang nag-date sila buong araw. Ang sabi kasi ng mga empleyado ng Banzai Studio na pumasok sa klase kanina'y hindi dumaan ng office niya si Kaito nang araw na iyon. Kuuh! Kung pwede lang kitang sabunutan!

"Lumabas ka. Nandito si Kaito," sabi sa akin ni Tita Chayong sa bandang pintuan ng private room. Hindi siya lubusang pumasok ng silid. Sumilip lang para sabihin iyon sa akin.

Papasyal ka pa ritong hinayupak ka! Ba't hindi na lang kayo magsama ng Amane na iyon? Total naman naglandian kayo buong araw?

"Pipay, narinig mo ba ako?!" Bumalik si Tita Chayong at ngayo'y nandidilat na siya sa akin.

Humilata ako sa nag-iisang kama doon at sa tinatamad na boses ay sumagot na palayasin niya na lang ang impakto at wala ako sa mood makipagbolahan.

Hindi sumagot si Tita Chayong. Nakahinga ako nang maluwag. Marahil ay napansin niyang determinado akong panindigan ang sinabi ko. Pinatong ko ang isang braso sa noo at tinaas ang isang paa sa dingding. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin. Totoong nagpaparamdam ang mokong na may pagtingin siya kunwari sa akin, pero hindi pa naman kami. Ba't ako naaapektuhan nang ganito? Marahil hindi pa tuluyang lumalayo si Kaito kay Amane dahil wala naman akong sinabi na may balak akong sagutin siya. Iyon kaya ang dahilan kung bakit parang nakikipagmabutihan pa ito sa dalaga? Wala pa kasi kaming linaw, e.

SUKIYAKI (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon