CHAPTER THIRTEEN

10.3K 400 30
                                    

A/N:  Dedicated to the first commenter.

**********

Hindi ko alam kung ano ang iisipin ko sa meet-the-parents drama ni Kaito. Kasi kahit na ilang beses na siyang nagpalipad-hangin sa akin, hindi ko iyon masyadong binigyang-pansin. Sino ba namang babae ang seseryoso sa paraan niya ng panliligaw kung panliligaw ngang matatawag iyon?

"Ang sabi sa amin ni Kaito nagtapos ka ng kursong edukasyon. Bakit mo naman naisip na dito sa Japan magturo? Wala bang magandang trabahong naghihintay sa iyo sa bayan n'yo?" malumanay na tanong ng mama ni Kaito habang hinahanda namin sa kusina ang sahog sa sukiyaki. Hindi ko inasahang itatanong niya sa akin iyon kaya hindi agad ako nakasagot. Inulit niya ang tanong sa mabagal na Japanese. Inakala sigurong hindi ko iyon naintindihan.

"Mayroon naman po," magalang kong sagot. Na totoo namang mayroon nga. Nag-offer sa akin ang isang private school sa bayan namin sa Pampanga na magturo ako ng English sa grades one to three nila. Kaso nga lang ang liit ng sahod.

Gumalaw ang kilay ng ginang sa paraang parang hindi inasahan ang sagot ko kaya nagpaliwanag ako sa kanya dahil baka isipin niyang gawa-gawa ko lang iyon para hindi naman masyadong lumabas na walang oportunidad sa Pilipinas.

"Maliit lang po kasi ang sahod na ino-offer ng eskwelahang magbibigay sana sa akin ng trabaho kung kaya naisipan kong pumunta rito. May pinapaaral po kasi akong mga kapatid."

Namangha siya sa huli kong sinabi. Inulit pa iyon dahil parang hindi makapaniwala na ako ang nagpapaaral sa mga nakababata kong kapatid. Ano ra ba ang ginagawa ng mga magulang ko.

"Ako po kasi ang panganay, ma'am, kaya ako ang nagpapaaral sa kanila. Hindi po kasi sapat ang kita ng aking mga magulang."

Napatangu-tango siya at hindi na nagsalita pang muli.

Pagdating namin sa dining table natigil sa pag-uusap ang mag-ama. Napansin ko agad na napatiim-bagang si Kaito na parang may pinipigilang emosyon. Tahimik akong naupo sa tabi niya habang sinisindihan ng mama niya ang built-in stove sa mesa kung saan nakapatong ang sukiyaki pot.

"Masarap ang sukiyaki kapag may itlog," nakangiting sabi sa akin ni Mrs. Furukawa. Pinakita pa nito kung paano biyakin ang itlog at basagin ang pula gamit ang chopsticks. "Pagkakuha mo mamaya sa lutong gulay at karne, ilagay mo sa mangkok mong may itlog para lumabas ang lasa ng pagkain."

"Alam niya iyan. Huwag mo siyang tratuhing parang walang alam sa kultura natin," saway agad sa kanya ni Kaito. Humingi naman agad ng paumanhin sa akin ang ginang. Naasiwa naman ako. Palihim kong pinandilatan ang kumag. Saglit lang siyang tumingin bago tumungga ng beer.

Nang kumakain na kami may nalasahan akong hindi ko nagustuhan. Sa kagustuhang umakto nang tama sa hapag-kainan, hindi ko agad napansin na naisubo ko at nanguya ang isang dakot na shungiku. Ayaw ko pa naman ng lasa nito. Pakiramdam ko kasi'y kumakain ako ng damo. Gusto ko siyang iluwa pero nahiya naman ako dahil kaharap ko ang mama ni Kaito at palagay ko'y nakikiramdam siya sa bawat kilos ko. Hindi ko alam kung paano ko iyon mailabas nang hindi niya napapansin.

"May problema ba, Feruru-san?" tanong niya sa akin. Nahalata siguro na parang hindi ako mapakali. Napatingin tuloy sa akin pati ang mag-ama niya.

"Ano'ng nangyayari sa iyo?" halos pabulong na tanong naman ni Kaito. At nangunot ang kanyang noo.

Hindi ako makasagot. Alam ko kasing sa oras na magsalita ako'y magsisitalsikan na ang laman ng bibig ko. Napayuko na lang ako sa kanila at pinilit ko ang sariling ngumiti. As soon as I tried to smile, naubo ako at nagsitalsikan ang laman ng bibig ko. Namutla ako nang makitang nagkalat sa mesa pati na sa kandungan ko ang durog na mga gulay at karne. Mabilis akong binigyan ng tissue ni Kaito at hinagud-hagod niya ang likod ko. Ang mama naman niya'y tila naeskandalo. Nanlaki ang mga mata nito at napabulalas pa ng hindi magandang salita sa Osaka-ben (Osaka dialect).

SUKIYAKI (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon