CHAPTER TWENTY-FOUR

9.6K 443 51
                                    

Hindi ko alam na nasa likuran ko lang pala si Nanang. Napansin ko lang ito nang bigla na lang siyang magsalita. Huwag ko na raw sayangin ang oras ko sa paghihintay sa hilaw kong asawa dahil sigurado raw na hindi na ako babalikan no'n.

"Okay na iyong may naipakilala kang ama ng magiging anak mo, Ate," sabat naman ni Sylvia. "Mainam ding naging saksi si Aling Delia, ang tsismosa nating kapitbahay sa pag-iisang-dibdib n'yo ng lalaking iyon. At least, pag-usapan ka man dito sa atin, mild lang. Puwede nating palabasing inaasikaso n'yo lang ang visa mo kaya medyo matatagalan ang pagbalik mo ng Japan."

Pareho ko silang sinimangutan ni Nanang at bumalik na ako sa loob ng bahay at pumanhik sa kuwarto ko. Nainis ako. Pinamukha lang kasi nila sa akin ang matagal nang umuukilkil sa isipan ko. Baka totoo ngang hindi na ako babalikan ni Kaito.

"Divina! Divina!" narinig kong sigaw mula sa labas. Napabangon ako at napasilip sa bintana na nasa tabi lang ng papag ko. As usual, naghi-hysterical na naman si Aling Delia. Ano na naman kayang tsismis ang dala nito? Nang lumitaw ang inang ko sa harap niya, excited nitong binalita na may dumating daw na package para sa amin. May tinuturo siya sa bandang likuran niya. Mayamaya'y may lumitaw na mama na may karga-kargang malaking kahon. Galing daw ng Japan ang naturang package. Kaagad na bumilis ang tibok ng puso ko. Nagpadala si Kaito? Mabilis akong bumaba ng bahay. Kung gaano ako ka bilis na-excite sa pagdating ng package, gano'n din kabilis akong nawalan ng gana. Hindi pala kay Kaito galing iyon kundi sa Tita Chayong ko.

Malulungkot na sana ako nang tuluyan nang may napansin ako sa mga pinadala ni Tita Chayong. May nakaipit doong sobre. Naka-Katakana (Japanese syllabary used for foreign names and words) ang Filipa Ferrer sa labas nito. Naisip ko agad si Kaito. Hindi naman kasi marunong sumulat no'n ang tiyahin ko kahit na ilang dekada na siya sa Japan at wala ni isa man sa mga alaga niyang Pinay ang marunong magsulat sa wikang Hapon.

Pagbukas ko ng sobre, bumulaga sa pinakailalim ng note ang pangalan ni Kaito. Tama nga ang kutob ko. Bukod sa note ay mayroon pang plastic card doon. Na-excite ang mga kapatid ko. ATM card kaagad ang bigla nilang naisip. Ako ma'y ganoon din. Nang basahin ko ang kabuuan ng sulat, napag-alaman kong susi pala iyon sa nabiling condo unit ni Kaito sa Maynila. At pinapalipat ako ora mismo para raw sa kaligtasan naming mag-ina!

**********

"Hindi ito ang daan papunta sa ospital," sabi ko kay Yamada-san, ang driver ng ama kong sumundo sa akin sa Kansai Airport. Tumingin lang ito sa salamin sa bandang itaas ng driver's seat at sinalubong ang tingin ko pero hindi siya sumagot. Mayamaya pa, dumahan-dahan ito sa harap ng isang magarang mansyon. Umiilaw ang lahat ng poste na nakapaikot sa naturang istraktura. Nang tumapat ang sasakyan sa higanteng gate na bakal, bigla itong bumukas. Pinasok ni Yamada-san ang sasakyan doon at sinalubong kami ng tatlong tauhan ni Papa.

"What's going on?" tanong ko kay Akio na nakanganga rin habang nakatingin sa maliwanag na hardin na tila pagmamay-ari ng isang royal family. Sanay na ako sa magagarang tanawin dahil simula't sapol ay iyon na ang kinagisnan ko pero namangha pa rin ako sa hitsura ng binabaan namin. Tila isa iyong paraiso.

"Ang sabi mo nasa ospital si Mama?" untag ko kay Akio. Medyo kinakabahan na ako.

"Iyan nga rin ang sabi ng papa mo."

"Ba't tayo nandito?" tanong ko sa dalawang tauhan ni Papa pagkababa ng sasakyan.

Hindi sila sumagot. Napatingin ako sa front door na biglang bumukas. Niluwa no'n ang papa ko in his custom-made Gucci black suit kasama ang ama ni Amane. Nang makita sila, naunawaan ko agad kung para saan ang lahat. Sumulak ang dugo sa ulo ko.

"You tricked me!" galit na galit kong akusa sa ama ko nang magkaharap kami. Iningles ko na para hindi maintindihan ng ama ni Amane.

Ngumiti lang nang mapakla si Papa. Hindi siya umimik. Sa halip ay naglahad siya ng kamay na parang pinapapasok na ako sa mansyon. Tumanggi akong pumasok, pero may humawak sa magkabila kong braso. Hindi ako nakapumiglas dahil ang lalaki nila. Halos kalahati lang ang katawan ko gayong hindi naman ako maliit na tao sa taas na anim na talampakan at dalawang pulgada. Pagkapasok ko sa loob, lumitaw buhat kung saan ang naka-trahe de bodang si Amane. Kabuntot niya ang naka-sutanang blonde guy na may hawak ng isang libro.

SUKIYAKI (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon