Kaaalis lang ni Kaito nang biglang dumating si Tita Chayong. Sa pintuan palang nagtutungayaw na ito sa pangalan ko. Nalunok ko tuloy ang kalahati ng bula ng toothpaste habang nagsesepilyo. Dali-dali akong nagmumog at inalam kung may sunog na naman. Binatukan niya ako sa pamimilosopa ko raw.
"Dumaan ba rito si Kaito?"
Nag-flash kaagad sa isipan ko ang ginawang pananantsing sa akin ng damuho. Nag-init tuloy ang pisngi ko, pero kailagan kong magmukhang hindi apektado.
"O-opo. Bakit po?"
"May iniwan ba siya?"
Opo. Bakas ng halik.
Kinutusan ko ang sarili sa kung anu-ano kong naisip. Tumikhim-tikhim ako para mawala ang kakaiba kong nararamdaman. Nainis ako sa katawan ko. Ba't gano'n? Pangalan palang ng hinayupak at nanginginig na ang buo kong kalamnan. Para maibsan ang kakaibang damdamin hinilot-hilot ko ang batok. Style ko na rin iyon para bahagyang yumuko at nang hindi magtama ang tingin namin ni Tita. Malakas kasi ang pang-amoy ng matandang ito, e.
"Filipa!" Sigaw niya sa akin. Napakurap-kurap ako.
"Tita naman, e! Nanggugulat naman kayo!"
"Ang sabi ko may iniwan ba siya sa iyo?"
"Dapat bang mag-iwan siya ng kung ano?"
Napakagat-labi si Tita Chayong. Hinawakan niya ako sa baba at pinaningkitan ng mga mata. Kinabahan ako. Susko! Mabubuking na yata ako!
"Magsabi ka nga ng totoo," sabi niya. Malumanay na ang tinig. Ganunpaman, nakakatakot pa rin. Mas nakakakaba nga ang tono niya.
"Pasensya na po. I-inaway ko na naman po, kaya hindi ko natanong kung ano ang sadya."
Napatirik bigla ang mga mata ni Tita Chayong at inis na inis na nagpapadyak sa harapan ko.
"Ba't mo na naman inaway? Kung magbago ang isipan no'n?" Lalong tumaas ang boses niya. Sa puntong ito parang frustrated na frustrated na siya. Napasalampak siya agad sa tatami. Naawa ako sa hitsura niya dahil mukhang mangiyak-ngiyak na.
"Hindi mo ba alam na walang-wala na tayong panggastos sa susunod na buwan? Iyang sweldo mo naman ay halos kasya lang sa iyo dahil mahigit sa kalahati'y napapadala mo sa inyo!"
Nasaktan ako. Para na rin kasing pinamumukha ni Tita na halos wala akong pakinabang sa kanya. Kahit totoo naman iyon, masakit pa rin ang dating. Pero wala naman akong magagawa. Kailangan din ng pamilya ko ang padala kong iyon. May sakit na TB ang tatay ko. Kailangan niya ng masustansyang pagkain. Bukod pa sa problema namin sa kanya, nag-aaral ang mga nakababata kong kapatid sa kolehiyo at lahat sila'y umaasa sa akin. Kaya nga ako nag-Japan dahil na rin sa kanila.
"Paano na lang kung bawiin ni Kaito ang pangako niyang hanapan niya ako ng bagong puwesto? Saan tayo pupulutin sa susunod na buwan? Sa dinami-dami ng dapat awayin bakit iyong taong tumutulong pa sa atin? Hindi ka talaga nag-iisip!"
Nanghagilap ito ng throw pillow sa likuran niya. Umatras na ako. Alam ko kasing babatuhin niya ako no'n, e. Bago niya magawa ang balak, tumunog ang phone niya. Excited niya itong sinagot. Makaraan ang ilang sandali, nagbago ang ekspresyon sa kanyang mukha. Tumayo ito bigla at basta na lang tumakbo palabas ng apartment. Pagbalik nito sa loob, maaliwalas na ang mukha at parang tumama pa sa lotto.
**********
"Ibang klase ka talaga ma-in love, pare," nakangising pangangantiyaw ni Akio habang tumutungga kami ng tig-isang bote ng malamig na malamig na San Miguel beer. Kami ang unang panauhin sa kabubukas na mise ni Chayong-san sa Minamikata.
BINABASA MO ANG
SUKIYAKI (COMPLETED)
Roman d'amourSiya si Filipa Natalia Ferrer o kilala sa palayaw niyang Pipay. Tubong Pampanga. Anak ng isang maralitang magsasaka. Simple lamang ang pangarap niya sa buhay. Mabigyan ng maginhawang buhay ang mga magulang at kapatid. At isa lamang ang naiisip niyan...