A/N: Dedicated to the first commenter.
**********
"O, ang bilin ko sa iyo, ha?" paalala ni Tita Chayong.
Napabuntong-hininga ako habang tinatali ang buhok. Inulit niya ang sinabi. Malungkot akong tumangu-tango. Itinaas niya ang baba ko gamit ang hintuturo.
"Huwag kang padadaig sa kanila. Pare-pareho tayong foreigners dito. E ano kung native speakers sila? Tinanggap ka sa trabahong iyan dahil qualified ka. Siguro nga mas may kwalipikasyon ka kaysa sa kanila. Kung tatanggalin ka naman nila dahil hindi ka kamo native speaker, walang problema. Makakahanap ka rin naman ng panibagong trabaho dahil may working visa ka na."
"Hindi ba automatic na kakanselahin iyan kapag wala na ako sa kompanyang siyang nag-sponsor ng visa ko?"
"Hindi no! Kaya huwag kang pangambahan."
At least nabuhayan ako ng loob. Ganunpaman, mabibigat ang paang tinungo ko ang istasyon ng tren. Wala na ang dati kong sigla sa pagpasok sa trabaho. Paano ba naman kasi noong Biyernes pa ng hapon ako sinabihan ng head teacher namin na may mga nagreklamo raw sa aking mga nanay. Mali raw kasi ang pagbigkas ko sa mga English words na itinuro ko sa mga bata. Nakita raw nila lahat iyon sa CCTV kung kaya hindi na sila kampante sa akin bilang titser ng mga anak nila.
Pagpasok ko ng school, pinapunta agad ako ni Akemi sa upisina ni Mr. Anders, ang punong-guro. Hinihintay na raw niya ako roon. Natigilan ako sa bungad ng pinto nang makita ko ang mga nagreklamong nanay.
"As I've told you last Friday, there were mothers who complained about the way you teach your young learners. Here they are."
Bahagya akong yumuko sa tatlong bisita bilang pagbati. Sa pagkakaalala ko ito ang mga maaarteng magulang ng mga estudyante ko na nagtapos ng elementarya hanggang hayskul sa isang American school sa Japan at nakapag-aral din daw sa US noong kolehiyo kaya mataas ang tingin nila sa sarili kung pagsasalita ng Ingles ang pag-uusapan. Noon ko pa napansin na medyo iniismol nila ako dahil sa Pilipinas lang daw ako nagtapos at ni hindi pa nga raw nakatungtong sa kahit alin mang English native-speaking country. Ganunpaman, hindi ko iyon pinansin noon dahil inakala kong sapat nang nag-e-enjoy at natututo ng English sa akin ang mga anak nila.
"Actually, they're not the only parents who complained about the way you pronounce words in English," pahayag pa ni Mr. Anders. May kinuha itong papel sa drawer at binigay sa akin. Parang tumalon ang puso ko sa magkahalong takot, pangamba, at pagkapahiya sa mga natanggap na reklamo ng iba pang nanay ng mga batang tinuturuan. Nang binilang ko lahat ang complainants, napagtanto kong halos seventy-five percent iyon ng kabuuan kong estudyante.
"As the report says, if we will not replace you as a teacher of these students, they will be forced to change schools," malungkot na sabi pa ng head teacher. May nangilid na luha sa mga mata ko pero mabilis ko itong pinigilan. Pinilig-pilig ko ang ulo para maitaboy ko ang namumuong pagkahabag sa sarili.
"As you know, the mothers are paying a lot of money for every English lesson of their children in this school and our job is to make sure they get their money's worth for every class that they paid for."
Gusto na talagang umagos ng mga luha ko. Alam ko na kasi ang kasunod no'n. Kung mawawala ang halos seventy-five percent sa mga estudyante ko, praktikal lang para sa eskwelahan na tanggalin na nila ang serbisyo ko para wala nang magreklamo sa hinaharap. Inaasahan ko na iyon simula pa noong Biyernes pero iba pa rin pala ang dating kapag nandoon na at nangyayari na nga. Nanginig tuloy ang mga tuhod ko. Hinawakan ko ang mga ito para hindi mahalata ng mga magulang.
"What should I do?" naitanong ko sa mahina at medyo ngarag na tinig.
Hindi agad sumagot ang head teacher. Nang sulyapan ko naman ang mga nanay they gave me an arrogant look. Hindi ko nakayanan ang mga titig nila kaya napatingin ako sa mga kamay na nasa kandungan ko.
BINABASA MO ANG
SUKIYAKI (COMPLETED)
Roman d'amourSiya si Filipa Natalia Ferrer o kilala sa palayaw niyang Pipay. Tubong Pampanga. Anak ng isang maralitang magsasaka. Simple lamang ang pangarap niya sa buhay. Mabigyan ng maginhawang buhay ang mga magulang at kapatid. At isa lamang ang naiisip niyan...