Na-shock ako sa binalita ni Tita Chayong at siyempre nagtaka na rin. Pinahiram daw siya ni Kaito ng puhunan dahil nagtanggi ang insurance company na ibigay sa amin ang buong danyos sa pagkakasunog ng dating omise. Hindi raw kasi aksidente ang pangyayari. Ang tanong ko tuloy, bakit sobrang matulungin sa amin si Kaito? Dahil kaya sa gusto niya ako? Huwag kang assuming! Ipagpapalit ba naman niya si Miss Amane sa isang katulad mo? Kung sa bagay kahit na nanghahalik siya sa akin minsan, hindi naman siya naging sweet. Lagi nga akong binabara o di kaya iniinsulto. Malamang gusto lang makatikim ng Pinay ang hinayupak. Pero ang sabihing gusto niya ako? Mukha ngang malabo!
"Sa susunod na buwan, lilipat na tayo sa lumang bahay. Pumirma na ang mga anak ni Hideki na hindi na sila maghahabol doon."
Ang Hideki na sinasabi ni Tita Chayong ay ang dati niyang asawang Hapon at ang bahay na kinukuwento niya ay ang dati nilang tirahan sa Settsu City. Sa kanya naman talaga pinamana ng asawa ang naturang bahay. Kaso nga lang, pinaglaban ng mga anak sa korte at sapilitang kinukuha mula sa kanya kung kaya napilitan itong manirahan sa isang maliit na apartment sa Takatsuki. Iyon ang tinitirhan namin dati bago nangyari ang sunog.
Kung kailan at home na ako sa pinaglipatan naming apartment sa Kita-Senri, heto at mag-aalsa balutan na naman kami. Naisip ko pa lang ang pag-iimpake na naman ng mga damit at gamit namin ay nanlalata na ang katawan ko.
"Ba't hindi na lang natin iparenta iyon?"
Natigil sa pagtutupi ng damit si Tita Chayong at tiningnan ako na para bagang nagsuhestyon akong lumipat na kami sa Mars.
"Ang yaman mo? Magkano lang ang makukuha ko roon kung ipaparenta ko samantalang ang mahal-mahal ng monthly rent dito sa apartment na ito!"
Hindi na ako sumagot. Pumasok na lang ako sa sariling silid at nag-umpisang mag-impake.
Makaraan nga ang apat na linggo ay heto na naman kami at lipat-bahay uli. Mabuti't dumating ang mga alaga ni Tita Chayong. Tumulong sila sa paglilinis ng lumang bahay at sa pag-a-unpack ng mga gamit namin. Siyempre, nang matapos ang lahat nagpa-party ang tiyahin ko. Bumaha na naman ng San Miguel beer. Nagsidatingan kasi ang mga parokyano ng omise niya at nakisaya sa amin.
"Pipay, type ka ni Lolo. Sakyan mo na. Bola-bolahin mo ng kaunti nang magsilabasan ang lapad niyan. Galante iyan sa lahat," bulong sa akin ni Ate Roselda at inginuso niya ang isang matandang Hapon na ang lagkit ng tingin sa akin. Nang magtama ang paningin namin, kumindat pa ang lolo. Naalibadbaran ako. Maisip ko pa lang ang bungi-bungi niyang ngipin nangangati na ang katawan ko. Pinagpag ko ang mga braso't binti.
"Ang arte naman nito! Buti nga natipuhan ka, e. Kung ayaw mo, sa akin na lang!"
"Sampong kamay kong binibigay sa iyo, Ate Roselda!" At kunwari'y binasbasan ko pa siya. Hindi nga nag-aksaya ng panahon si Ate Roselda. Hindi ko pa natatapos ang pagbabasbas hayun na't kumekendeng-kendeng na siya palapit sa lolo. Napailing-iling ako.
Habang tinitingnan kong naghahalakhakan ang mga entertainers ni Tita Chayong kasama ang mga matatandang Hapon, nakaramdam ako ng samu't saring damdamin. Naawa ako sa iba dahil ang feeling ko napipilitan lang para kumita. Ganunpaman, hindi ko maitatwang napabilib nila ako. Grabe kasi ang pagpupursige nilang makatulong sa pamilya sa Pilipinas at maiahon ang mga sarili sa kahirapan.
"Ba't kaya wala pa siya?" narinig kong tanong ni Tita Chayong. Parang sa sarili lang ito nakikipag-usap habang nakatingin sa screen ng cell phone.
"Sino po?" tanong ko naman.
"Si Kaito. Ang sabi niya darating siya ngayon."
Nakaramdam ako agad ng excitement, pero siyempre itinago ko iyon. Nagkunwari akong hindi interesado.
BINABASA MO ANG
SUKIYAKI (COMPLETED)
RomanceSiya si Filipa Natalia Ferrer o kilala sa palayaw niyang Pipay. Tubong Pampanga. Anak ng isang maralitang magsasaka. Simple lamang ang pangarap niya sa buhay. Mabigyan ng maginhawang buhay ang mga magulang at kapatid. At isa lamang ang naiisip niyan...