CHAPTER EIGHTEEN

10.4K 419 65
                                    

Nagkagulatan kami ni Kaito sa tapat ng elevator. Kararating lang niya sa palapag namin samantalang ako nama'y naghatid sa mga apat na taong gulang kong estudyante at sa mga nanay nila roon. Gawain namin kasing mga guro na sinasabayan namin sila sa paglalakad patungo sa elevator.

"O, asawa ni Ferreru-sensei!" sigaw agad ng batang si Kaito tapos nagtakip ng bunganga sabay sabi ng, "Oops nagkamali na naman ako." Natawa ang mga nanay. Naasiwa ako. Saglit lang na tiningnan ni Kaito ang tukayo niya, ginulo ang buhok nito at dumeretso na sa loob ng eskwelahan. Nagkatinginan ang mga nanay at napatingin sila sa akin. Nasaktan ako kasi first time niya akong inisnab. Kung sa bagay, dapat ko nang asahan iyon dahil ang sabi nga niya no'ng nakaraang araw ay na-turn off siya sa akin.

Para pagtakpan ang pagkapahiya, dinagdagan ko pa ang sweetness ng pagba-babay ko sa mga bata. May added energy din nang nagpaalam ako sa mga nanay.

"Jaa, mata ashita ne! (O siya kita-kita na naman bukas!)"

Pagpasok ko sa loob, nandoon na sa desk ni Akemi si Kaito at tinitingnan nito ang records ng sekretarya. Tumingin nang makahulugan sa akin si Akemi na ang ibig sabihin, bakit na naman daw tinopak ang amo niya. Nagkibit-balikat ako at dumeretso na sa silid ko. Nag-ayos ako ng mga gamit at naghanda na rin para sa susunod kong lesson.

Patapos na ako sa lesson plan ko nang sumilip si Akemi.

"Ferreru-sensei, nasa phone si Yamauchi-san."

Dali-dali akong lumabas ng classroom at kinuha ko sa kanya ang awditibo ng telepono. Pasimple akong nagpalinga-linga. Wala na roon ang damuho. Narinig ko ang boses niya sa kuwarto ni Lyndon-sensei.

"Ferreru-sensei!" tuwang-tuwa na bati sa akin ni Yamauchi-san. "Mabuti't nataong wala ka pang klase. Akala ko hindi na naman kita makakausap, e." Pinaliwanag nito na kanina pa raw siya tumatawag sa school pero laging wrong timing. Nasa kalagitnaan ako lagi ng klase ko sa mga tsikiting kaya't hindi maipasa ni Akemi sa akin ang telepono.

"O, napatawag ka?" tanong ko naman agad. Naisip ko, baka magkansel na naman ito. Susko! Pangatlong beses na iyon sa buwang ito kung magkataon. Ang laki na ng mawawala sa akin.

"Busy na naman ako, e," sabi nito sa Japanese. "May emergency kasi sa upisina kaya't hindi na naman ako makakapunta riyan."

Bumagsak ang mga balikat ko. Sinasabi ko na nga ba, e.

"Pero kung okay lang sa iyo at sa school n'yo, pwede ba tayong mag-meet sa Umeda na lang? Doon na lang tayo magklase sa Starbucks sa Hep Five."

"Gusto mong i-meet kita sa Starbucks sa Hep Five?" ulit ko, hindi makapaniwala.

Nangunot ang noo ko, pero pagtingin ko kay Akemi nakita ko siyang nag-thumbs up sign. Okay lang daw sa kanya iyon. Minsan daw gano'n na rin ang ginagawa ng iba kong kasamahan sa mga adult students nila. Basta maayos na nakapag-paalam sa school ay wala raw kaso iyon.

"Sabi ni Akemi, okay lang. Sige. Pero baka ma-late ako ng half an hour kasi magliligpit pa muna ako rito bago kita puntahan diyan."

"No problem. See you!" At nagpaalam na ito.

**********

Pagbalik ko sa desk ni Akemi pasimple akong sumilip sa kuwarto ni Filipa, pero wala nang tao ro'n at wala na rin ang bag niya. Nakita siguro ng tsismosang sekretarya ang ginawa ko dahil nagpaliwanag ito kahit hindi ko tinanong.

"Umalis na po siya dahil magkikita po sila ni Yamauchi-san sa Umeda. Sa Starbucks na lang daw sila magkaklase ngayon."

Bigla akong naalarma sa narinig. Ganunpaman, hindi ako nagpahalata.

SUKIYAKI (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon