EPILOGUE

16.2K 648 136
                                    

Kahit sobrang sakit na ng tiyan ko, pinigilan ko ang humiyaw nang todo dahil nakita kong mas pinapawisan pa nang malapot si Kaito. Naawa ako kay Akio dahil ito ang nasigawan niya nang todo para bilisan pa ang pagpapatakbo sa kotse. Pagdating namin sa ospital, may kasabayan akong buntis na nakipag-agawan sa akin sa dumating na stretcher. Nagalit siyempre ang mister kong sobrang mainitin ang ulo. Nagkatulakan pa sila ng asawa ng babae.

"Kaito, ano ba?" galit kong sigaw sa kanya nang napag-alaman kong hindi naman pala talaga para sa akin ang stretcher na iyon. Heto't paparating pa lang ang akin.

Habang halos hindi magkandaugaga sa kakahingi sa amin ng paumanhin ang paramedics ng ospital ako na mismo ang humiga ng sarili ko sa stretcher. No'n lang sila parang naalimpungatan na heto pala at may pasyente silang dapat na aatupagin. Habang tinatakbo ako sa delivery room, hawak-hawak ni Kaito ang isa kong kamay.

"You'll be all right, love, you'll be all right," sabi pa niya. Sa gitna ng matinding paghilab ng tiyan, hindi ko napigilan ang mapangiti dahil itong asawa ko great pretender talaga. Kanina pa siya nagkukunwaring matapang pero heto't namumutla na sa takot at kaba.

"Malayo pa ba?" daing ko. "Hindi ko na kaya!" 

Kasabay ng pagsigaw ko'y may parang sumabog sa ano ko. Natilamsikan pa ang ibang paramedics. Pumutok na pala ang water bag ko! Nakita iyon ni Kaito at nataranta siya. Lalo pang namutla. Nang akmang ipapasok na ako sa delivery room, sinabihan ko na siyang huwag nang sumama dahil baka lalong sumama ang kanyang pakiramdam.

"I want to be there! I want to witness my child's birth!" pagpupumilit niya.

Hindi na hinintay ng paramedics na pumayag ako. Binigyan na lang nila ng scrub si Kaito at pinagbihis para makapasok din siya sa delivery room.

"Kaito, bwisit ka! Walanghiya ka!" sigaw ko sa pamamagitan ng pag-ere. Ang kaninang disposisyon kong maging kalmado at matapang para hindi kabahan si Kaito ay nawalang parang bula. Mas nanaig sa akin ang mayroon akong pagbuntunan ng sobrang sakit at hapdi na nararamdaman ko nang mga sandaling iyon. Pakiramdam ko kasi'y sasabog na at magkagutay-gutay ang ano ko sa ibaba.

"Ere pa, misis. Malapit na. Nakikita na namin ang ulo ng bata," sabi ng doktora.

"Gusto kitang sipain, Kaito! Bwisit ka! Pinapahirapan mo ako!" Kasabay no'n kinurot ko na ang braso ng damuho. Wala naman siyang kibo.

Abala ako sa nararamdaman, hindi ko namalayan na namumungay na pala sa kaba ang singkit niyang mga mata. Pag-iyak ng bata dahan-dahan ding lumuwang ang paghawak niya sa kamay ko at natumba na lang siya sa gilid ng hospital bed.

**********

"It's a boy!" masayang anunsiyo ng doktora sabay tapik sa puwet ng bata. Pagkakita ko kay beybi na puno ng dugo, nanlambot ang mga tuhod ko't nagdilim pati ang aking paningin. Nakahiga na rin ako sa isang kama nang ako'y magising. Kaagad kong hinanap ang aking mag-ina.

"They're both safe," masayang balita ng nurse, nakangiti. Tsinek niya ang vital signs ko bago ako pinayagang bumaba ng kama.

"I want to see them!" sabi ko agad.

Maghintay daw muna ako saglit at titingnan muna niya kung puwede nang mabisita ang mag-ina ko. Hindi na ako nagpaiwan sa silid. Lumabas ako. Sa hallway malapit sa delivery room may naghihintay doong lalaki. Ito ang asawa ng isang buntis na muntik ko nang masuntok kanina. He looked so worried. Dala na rin marahil ng katuwaan ko dahil mayroon na akong baby boy pagkatapos ng dalawang sunud-sunod na anak na babae, nagawa ko na siyang batiin. Nang napag-alaman kong Pinay din ang misis niya, nanatili muna ako roon para kausapin siya.

"Ako nga pala si Furukawa---Kaito Furukawa." Bahagya akong yumuko sa harapan niya. Yumuko rin siya sabay pakilala sa sarili.

"Otsuji tomoshimasu. Ryu Otsuji." Yumuko rin siya bilang pagtugon sa pagbati ko.

SUKIYAKI (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon