A/N: Dedicated to the first commenter.
**********
"Huhulaan ko, na-reject ka na naman, ano?" salubong agad sa akin ni Tita Chayong pagbukas na pagbukas ko ng pintuan sa omise niya. Napatingin agad ako sa loob. Buti na lang sina Ate Roselda pa lang ang nandoon. Susko, nakakahiya sana kung nandoon din si Farrah, ang Pinay English teacher. Lalong lalaki ang ulo no'n dahil heto ako't may teaching license na at TEFL certificate pa pero ni hindi matanggap-tanggap kahit sa pipitsuging eikaiwa schools samantalang siya'y lakas lang ng loob at pekeng American accent ang puhunan at nakakita agad ng trabaho.
"O, tama ako, di ba?" si Tita Chayong ulit. Sinundan niya ako sa private room kung saan nagbibihis ang mga alaga niya bago humarap sa mga customer. Ginagawa ko rin iyong tambayan kapag dumadami na ang parokyano nilang bastos. Nang mga oras na iyon, gusto ko lamang magpahinga ro'n. Pagod ang katawan ko't isipan.
Hindi ko na hinintay pang ulitin ni Tita Chayong ang tanong. Sinagot ko na agad ito habang humihilata sa nag-iisang kama sa kuwarto. Napabuntong-hininga siya nang marinig ang sinapit ko. Tila nalungkot din para sa akin.
"Ayaw mo kasing makinig sa akin, e. Ang pagtuturo ng English rito ay nakasalalay sa hawak mong pasaporte. Kung wala kang kakilala sa mga eikaiwa, mahihirapan kang makakuha ng trabaho dito sa linya mo dahil ang hinahanap nilang aplikante galing native-speaking countries. Huwag kang mainggit sa Farrah na iyon. Kaya lang naman iyon nakakuha ng ganoong trabaho dahil pinasok siya ng asawa ng nanay niya ro'n."
"Totoo ba ang narinig ko? Hindi ka na naman natanggap sa trabaho?" Si Ate Roselda. Tumuluy-tuloy na ito sa loob at naupo sa gilid ng kama. Tumangu-tango ako at tumagilid ng higa, patalikod sa kanya.
"Sus! Para iyan lang magsisenti ka na riyan? Ang dami kayang trabaho. Hayaan mo't tutulungan kita. Kikita ka rito nang malaki sigurado."
Napaharap ako sa kanya bigla. Pati si Tita Chayong ay naging interesado. Tumunog siguro ang cash register sa utak ng tiyahin ko. Alam mo naman ito basta pera ang pag-uusapan. Tumatalas ang radar.
"Kilala n'yo naman si Amano-san, iyong sugar daddy kong Hapon, di ba? Maraming mga kaibigan iyon na naghahanap ng kampanyunship, 'ika nga." At tumawa-tawa si Ate Roselda. Umasim naman ang mukha ni Tita Chayong. Ang pag-asa kong nag-uumapaw na sana ay biglang umurong. "Pakinggan n'yo muna ako. Wala ka namang masamang gagawin dito dahil ang gusto lang ng mga lolong iyon ay kausap. Pero day, ang laki magbigay ng datung ng mga iyon!"
"Ibubugaw mo pa'ng pamangkin ko! Walanghiya ka!" At pinitik ni Tita Chayong ang sentido ni Ate Roselda bago lumabas ng silid. Ganunpaman, hindi ito nagpaawat.
"Naku, Pipay. Tigilan mo na iyang pa-sweet-sweet mo. Hindi ka mabubuhay niyan. Kung gusto mong manatili rito sa Japan, matuto kang makipaglaro sa mga lolo. Madali lang naman silang utuin, e. Kaunting lapirot lang sa mga itits nila tumitili na mga iyan, tapos magsilabasan na ang lapad," ang sabi pa. Hininaan pa niya ang boses para dramatic ang dating. Lalo lang naman akong nainis sa kanya.
"Ate Roselda naman, e! Seryoso kaya ako rito!"
"Aba, seryoso rin naman ako, a!"
Tinalikuran ko na siya at nagtalukbong pa ng kumot.
"Ano ba'ng plano mo riyan sa keps mo, ha? Gagawin mo lang bang palamuti iyan sa katawan mo habambuhay? Mag-boypren ka na nga nang mapakinabangan mo na iyan. Gusto mo ihanap kita?"
"Ate Roselda!" naiinis ko nang sabi. Nagpapadyak na ako sa kama.
"Ang OA nito," natatawa nitong sagot at lumabas na rin ng kuwarto.
**********
Nakailang balik na ako sa omise ni Chayong-san pero hindi ko pa rin siya nakikita. Umuwi na kaya iyon sa Pilipinas? Pero sa pagkakatanda ko, noong huli kaming magkita ay mayroon pa siyang dalawang linggong nalalabi sa tourist visa niya. Ibig sabihin, may sampong araw pa bago iyon mag-expire. Sana hindi siya umuwi agad.
BINABASA MO ANG
SUKIYAKI (COMPLETED)
RomanceSiya si Filipa Natalia Ferrer o kilala sa palayaw niyang Pipay. Tubong Pampanga. Anak ng isang maralitang magsasaka. Simple lamang ang pangarap niya sa buhay. Mabigyan ng maginhawang buhay ang mga magulang at kapatid. At isa lamang ang naiisip niyan...