"Ang paghihiganti ang magpapalaya sa akin."
------------------------------------------------------------
Hindi pa rin makapaniwala si May sa mga nangyayari ngayon. Nasa eskwelahan sya kung saan nandoon din ang mga dating umapi sa kanya. Hindi pa rin sya makapaniwala na ngayo'y napakamakapangyarihan nya. Nagagawa nyang gawin ang lahat ng gusto nya; nakakalutang sya sa ere at nakakatagos sa mga pader na tila ba isa syang aparisyon. Tila ba sya ang nagpapaikot sa tatlong umapi sa kanya noon. Tila ba hawak nya ang mga ito sa kanyang kamay at pinaglalaruan ang mga ito.
Totoo nga, nasa kanya na ang spotlight ng Entablado, at siya ang bida dito. Siya ang pinakamakapangyarihang tauhan sa palabas na ito at nasa kanyang mga kamay ang buhay nila Dave, Kenneth, at ang dati nyang kaibigang si Liana.
Nababalot ng galit ang puso nya. Galit sa mga taong umapi sa kanya, lalong-lalo na sa tatlong iyon. Ngayon, sya naman ang maghihiganti at magpapahirap sa mga kaaway nya dati; gagawin nyang impyerno ang kanilang mga buhay at wala nang kahit anong bagay na makapipigil pa sa kanya.
------------------------------------------------------------
Mula sa itaas, mula sa mga bakal at beams ng theatre stage ay naroon si May, nakangisi sa nakikitang pagpapahirap kila Dave at Kenneth. Hinayaan nya muna silang bagabagin at pahirapan ng kanilang mga nakaraan.
Mula sa kinatatayuan nyang bakal, tumalon si May. Tumalon sya kahit na napakataas ng mga ito at kahit na matamaan nya ang mga bakal na narito. Wala syang pakialam; hindi naman sya nasusugatan at nagagawa nya na ang lahat ng bagay na naisin nya dahil makapangyarihan na sya ngayon.
Napatingin sila Dave at Kenneth sa ingay na nanggagaling sa itaas, at ang sunod nilang narinig, isang malakas na tunog nang makababa si May sa malaking dining table sa harap nila.
Nanaig ang takot sa dalawang binata habang tumambad sa kanilang harapan–sa ibabaw ng lamesa– ang nakatayong May na nakangiti at nakatitig sa kanila.
Ang sumunod na narinig nila Dave at Kenneth ay ang malakas na palakpakan at sigawan ng mga tao sa madilim na audience area. Isa nga talaga itong palabas. Isang pagtatanghal kung saan buhay o kamatayan ang tanging kahahantungan.
Bumaba si May mula sa lamesa at naglakad patungo sa dalawa. "Nagulat kayo, no?" Natatawa nitong sabi. Hindi makapagsalita ang dalawa sa takot. Napakalakas ng presensya ng dalaga, at nakakapanindig-balahibo ito.
"Nagkita na naman tayo." Sabi ng dalaga. "Well, gaya ng alam nyo, ako ang bida dito, at mga tauhan lang kayo. Mga manika lang kayo na kaya kong paglaruan... nang paglaruan... nang paglaruan... nang paglaruan... nang paglaruan..." Pagpapatuloy nito. "...at durugin!" Sigaw nito sa dalawa, pagkatapos ay ang di-magkamayaw na sigaw at palakpak ng audience.
Sa pagkakataong iyon, napansin din nila Dave at Kenneth na nawala nang bigla ang mga doppelganger na dati'y nakapaligid sa dining table. Unti-unting kinain ang mga ito ng anino na bumabalot sa paligid ng stage.
Hinanap ni Dave ang tapang para magsalita. "Papatayin mo ba k-kami?!" Tanong nito. Kitang-kita sa kanyang mga mata ang di-maisidlang takot. Napatigil sa paglalakad si May, at unti-unting humarap sa dalawa.
"Not yet." Sabi ng dalaga. "May hinihintay pa akong isang bisita." Dagdag nito, at napangisi.
------------------------------------------------------------
Hindi makapaniwala si Liana sa mga nasasaksihan nya ngayon. Mula sa pinagtataguan nya sa likod ng isang pader sa backstage ay kitang-kita nya kung paano talunin ni May ang dining table, mula sa itaas. Kitang-kita nya rin ang takot na nananaig sa mga mata nila Dave at Kenneth, na nakatali sa kinauupuan.
Ramdam na ramdam din ni Liana ang napakalakas at nakakatakot na presensya ni May, isang malakas na kapangyarihang bumabalot dito. Ramdam nya ang mga tama ng kutsilyo sa kanya kanina, pero hindi nya ito iniinda.
Dinig na dinig nya rin ang nagsisigawan at nagsisipalakpakang mga tao mula sa audience habang kinakausap ni May sila Dave at Kenneth. Pero hindi nya makita ang mga mukha ng audience dahil madilim ito.
Malakas ang gulat na nadama ni Liana nang magsalita si May, at magsimulang lumingon sa direksyon ng pinagtataguan nya. "Friend, alam kong kanina ka pa nandyan!" Natatawang sabi ni May. Pa-inosente ang boses nito pero hindi ito nakatulong sa pagpapahupa ng takot at gulat ni Liana.
Hindi malaman ni Liana kung ano ang gagawin. Lalabas ba sya mula sa pinagtataguan nya? O mananatili lang sya doon? O di kaya, tatakbo sya palayo. Pero pinilit nyang alisin ang takot na unti-unting namumuo sa puso nya, at napagdesisyunang harapin ang takot. Wala naman syang ibang magagawa.
Lumabas si Liana mula sa pinagtataguan nyang pader na malapit sa backstage, umakyat, at pumasok sa eksena– sa Entablado.
Nakita ni Liana ang gulat sa mga mata ni Dave at Kenneth, at ang masaya pero nakakatakot na ngiti ni May. Nakayuko syang naglakad patungo sa tatlo.
"Buti naman lumabas ka na." Sabi ni May kay Liana. "Buti naman hindi mo na hinintay na magalit ako." Nakangiting sabi ni May kay Liana. Masaya ang boses nito. "Ngayon, bakit hindi mo kami samahan nila Dave at Kenneth? Mag-uusap tayo." Dagdag ni May, nakangiti pa rin.
Maraming umiikot sa isip ni Liana. Alam nyang papatayin sya ni May. Alam nyang katapusan na ng lahat. Pero hindi pa rin maalis sa kanya ang maliit na sinag ng pag-asang matatakasan nila ang lahat ng ito.
Inalok ni May ng upuan si Liana, at naupo ito katabi ni Dave. Pag-upo ni Liana, naramdaman nya ang mahigpit ng kapit ng upuan sa kanya, tila ba nakadikit sya dito at hindi sya makaalis. Dito nya simulang makita ang isang doppelganger nya na tumali sa kanya sa kinauupuan nya. Hindi na sya nanlaban pa; wala naman na syang magagawa.
"So..." Sabi ni May, palakad-lakad sa harapan nila habang nag-iisip. "Ngayong kumpleto na tayo, ano kayang una nating gagawin?"
BINABASA MO ANG
Entablado
Teen FictionGraduation Day ang isa sa pinakamasayang araw sa buhay ng tao. Pero, paano kung ang araw na iyon ay naging isang madilim at nakakatakot na pangyayari? Magiging masaya pa kaya ang araw mo? Hahangarin mo pa kayang mag-marcha patungong entablado kung a...