Dalawa: Anino

945 43 9
                                        

Nakatapos ng paliligo si Dave mga bandang 3:15. Hindi na rin sya gaano nagtagal dahil napakalamig ng tubig. Labis itong nagpataka sa kanya dahil sa ganitong buwan ng Marso ay hindi naman ganoon kalamig ang panahon.

Pumasok na ng kwarto si Dave upang magbihis, nanginginig pa ito habang naglalakad dahil nga sa sobrang ginaw ng tubig. Pagsara nya ng pinto, isang hugis ng tao ang naaninag nya katabi ng bedside table habang binubuksan nya ang ilaw sa madilim na kwarto. Pero pagkabukas ng ilaw, at pagbalik nya ng tingin sa tabi ng table, wala na ito. Naisipan nyang maaaring guni-guni nya lang ito o nagmalik-mata lang sya dahil nga madilim ang kwarto kanina.

(Sino bang tinatakot ko? Sarili ko?) Sabi ni Dave sa kanyang sarili, habang medyo natatawa pa dahil hindi nya matanggap sa kanyang sarili na ikinagulat at ikinatakot nya ito.

Pagkatingin ni Dave sa relo sa ibabaw ng bedside table, 3:17 na. Hindi na ito nag-aksaya ng panahon at dali-daling nagbihis ng white polo at black pants. Alas kwatro kasi ang graduation at ayaw nya ring ma-late doon. Pagkatapos ay inayos nya na ang kanyang backpack at kanyang toga. Bigla nyang naalalang wala nga palang tao sa bahay, at naisipan nyang itext ang kanyang mga magulang kung nasaan ito, dahil nga wala syang kasamang parent sa graduation.

(Naku naman, ngayon pa sila nawala kung kelan graduation day.) Naiiritang sabi nya, habang pinipindot ang cellphone.

"Ma asan b kau ni papa??? grad q na ngaun!" Text ni Dave sa mama nya.

Maya-maya'y may nareceive syang text mula sa kanyang ina: "I'm at work dave. Sorry overtime kami now eh. Sinama ko kapatid mo d2 kc wlang magbabantay. Text mo c papa mo."

(Ano ba namang buhay to oo! Overtime?! Ngayon talaga mag-overtime kung kelan graduation ko!) Naiinis na sabi ni Dave.

"Pa, asan k b?? May OT c mama. Kaw nlng umattend s grad ko." Text ni Dave sa papa nya.

Naghintay si Dave ng mga 5 segundo, pero wala pa ring reply kaya naisipan nitong mag-asikaso na paalis. Naiinis na sya dahil wala yung mga magulang nya. Araw pa naman yun ng pagtatapos nya sa hayskul tapos wala sila. Malungkot at naiinis na lumabas ng bahay si Dave, bitbit ang kanyang backpack, at dala-dala ang kanyang toga sa isang paperbag. Isinara nya ang gate ng bahay at nilagyan ng padlock.

Habang naglalakad si Dave sa kalsada, napansin nyang halos walang tao sa mga kabahayan. Napakatahimik...

Hindi maiwasang tumayo ang balahibo nya dahil sa nakabibinging katahimikan. Nakakapanibago iyon dahil palaging maingay ang mga kabahayan doon.

(Grabe. Nasa Twilight Zone ba ako? Grabe, sobrang tahimik naman. Kahit mga aso ni Mang Louie hindi nag-iingay ah!) Nagpatuloy syang maglakad at narating ang mainstreet papunta sa kanyang eskwelahan.

Labis na ikinagaan ng loob ni Dave nang makita nyang may mga taong naglalakad dito, kahit na mas konti ito kaysa karaniwan. Sa kabilang side ng kalsada, may mga naaaninag na mga tao si Dave, pero malayo ito at malilim doon kaya hindi nya makita ang mga mukha ng mga tao.

(Well at least may mga tao pa rin dito. Akala ko nag-iisa lang ako.)

Nagpatuloy syang maglakad hanggang sa marating din nya ang eskwelahan. Alas tres kwarenta na. Nagsimulang makadama si Dave ng kalungkutan at pagkaawa sa sarili habang papasok sya ng gate ng eskwelahan at tinitingnan ang mataas na main building ng paaralan. Bigla nyang namiss ang kanyang mga magulang, at naawa sya sa sarili dahil wala man lang manonood sa kanya paakyat ng entablado.

"Dalian mo na boy." Sabi sa kanya ng lalake sa gilid nya. Naka-sombrero ito kaya hindi maaninag ni Dave ang mukha, pero alam nyang school guard ito dahil nakapang-guard ito. Seryoso ang boses ng lalaki, nakakakilabot.

"Nag-start na po ba y-yung graduation?" Tanong ni Dave. "Wala na po kasi akong makitang estudyante dito eh?" Dagdag nya.

Hindi kumibo ang lalake, at nanatiling nakaupo habang nagbabasa ng dyaryo. Mga ilang segundo, sumagot na rin ito. "Dalian mo na boy."

Nagtaka si Dave dahil parehong-pareho ang pagkakasabi nito katulad ng nauna; seryoso at nakakakilabot na boses. Aminado si Dave na natakot sya dito, at lalong tumindi ang pagtataka nya kung bakit wala pa syang nakikitang ibang estudyante.

(Hindi kaya nasa stage na silang lahat? Baka late na ako!) Nagmadali si Dave at mabilis na naglakad papasok ng school at papunta sa covered court kung saan nandun ang entablado.

Laking gulat ni Dave nang makitang walang katau-tao sa buong covered court. Napakatahimik pa rin, at naririnig nya ang matinis na ihip ng hangin sa kanyang buhok, habang ang maliwanag na sinag ng araw ay nagpipinta ng kanyang anino sa kinatatayuan nya. Tumayo ang balahibo ni Dave sa kanyang batok, at bumilis ang pagtibok ng kanyang puso. Pakiramdam nya ay para syang nasa isang horror film kung saan abandunado ang lahat ng lugar. Pakiramdam nya nag-iisa lang sya.

Maya-maya'y tumunog ang cellphone ni Dave. Tiningnan nya ang message, at kahit papaano'y nagpagaan ito sa bigat na nararamdaman nya:

"Oo galing ako s office. Papunta n ko dyan s school nyo." Reply ng papa nya.

Gusto sana nya itong replyan pero hindi nya na itinuloy. Nakapagtataka na ang mga pangyayari para sa kanya, pero hindi pa rin sya nawalan ng pag-asa. Hindi kasi sya yung klase ng taong mabilis sumuko, at isa pa, hindi rin naman kasi sya nagpapapaniwala sa mga supernatural na mga pangyayari. Naisip na lang nya na kaya walang tao sa covered court ay baka nasa hallway na yung mga estudyante sa loob ng building, kasi dun sila manggagaling at magma-march papuntang stage. Tiningnan nya ang oras sa cellphone nya. 3:50 na.

(Siguro nga sobrang late na ko dumating kaya nasa building na sila! Aynako.)

Dali-daling tumakbo papuntang Mathay building si Dave.

EntabladoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon