Ang Kahariang Klopeysyus
Sa isang malayong lupain sa isang lupalop ng ating daigdig ay may isang kaharian na pinamumunuan ng isang magiting na hari. Ang haring ito ay si haring Ngepoy at ang kanyang kaharian ay ang kahariang Klopeysyus.
Malawak ang lupaing nasasakupan ng kahariang ito subalit isang daang katao lamang ang bilang ng mga mamamayan nito, kasama na dito ang mga tauhan at kasambahay ni haring Ngepoy sa kanyang palasyo.
Si haring Ngepoy ay mayroon lamang tatlong tagapagtanggol na kawal ngunit ang kakayahan ng bawat isa sa kanila ay katumbas ng limang libong katao kung sumabak sa labanan. Sila ay sina Kleng-kleng, Ploktok at si Transmit.
Maliban sa kanila ay nandiyan din ang reyna ng hari na si reyna Klorina at ang kanyang anak na si prinsesa Melawina. Mayroon din siyang nag-iisang utusan, si Kibord, na syang nag-aasikaso sa lahat ng mga gawain sa palasyo at pangangailangan ng hari at ng kanyang pamilya, pati na rin ng mga kawal.
Ang mga kawal ng hari ay may kanya-kanyang taglay na kakayahan at abilidad sa pakikidigma. Sila ay nagmamay-ari din ng kakaibang mga sandata.
Si Kleng-kleng, ang tanging babae sa tatlo ay may kakayahang gamitin ang lakas ng hangin. Kaya nyang ilipad ang anumang bagay sa pamamagitan nito at ipatapon saan mang direksyon nya nais gamit ang isang bulaklak.
Siya'y nagpakadalubhasa sa pagtuklas ng lakas at katangian ng hangin upang magamit nya ito sa pakikidigma. Kanya ring natuklasan ang isang katangian ng bulaklak mula sa mga pollen nito, paraan para makontrol niya ang lakas at direksyon ng hangin.
Siya rin ang nagmamay-ari ng sandatang "shendril", isang latigo na yari sa napakatigas na bakal ngunit napakalambot at magaan kung ito ay gamitin. Mabagsik ito sa sinumang tatamaan ng kanyang latay at siguradong mag-iiwan ng permanenteng marka kundi man ay malalim na sugat.
Kanyang natagpuan ang sandatang ito nang minsan ay mapadaan sya sa isang hardin di kalayuan sa palasyo at doon sa isang puno ng mangga ay natagpuan nya itong nakasabit sa sanga nito. Walang makapagsabi kung sino ang may-ari nito kaya't kanya na lamang itong kinupkop at minahal.
Si Ploktok naman ay ang pinakamabilis sa tatlo. Kaya niyang takbuhin ang isang daan kilometro sa loob lamang ng sampung minuto. Ito ay bunga ng kanyang matinding ensayo at pagbabantay ng kanyang timbang. Pinanatili nyang magaan ang kanyang katawan para lalo syang bumilis ngunit pinapalakas din naman nya ang kanyang resistensya sa pamamagitan ng pagkain ng mga masustansiyang mga pagkain tulad ng mga prutas at gulay para di siya magkasakit. Araw-araw ay lagi siyang nakikipag-karera sa mabibilis na hayop tulad ng mga aso, pusa, kuneho, usa, kabayo, tsite at mga snatcher ng kanilang bayan na sa kabutihang palad ay lagi siyang nanalo at lagi niyang nahuhuli ang mga kawatan.
Ang kanyang sandata naman ay ang kristal na pana na tinawag nyang "Aser". Ito'y kanyang natagpuan sa isang ilog na palutang-lutang at katulad ng kay Kleng-kleng ay wala ring makapagsabi kung sino ang may-ari nito kaya't ito'y inangkin na lamang ni Ploktok at nagpadalubhasa sa paggamit ng sandatang ito.
Kakaiba ang panang ito sapagkat kaya nitong tumira ng limang daang palaso ng sabay sabay at sapul na sapul sa kanyang patatamaan. Ito ay sa kadahilanang nakahanda na ang limang daang palaso na sama-samang nakabungkos para maging isang palaso at sa oras na ito ay pakawalan na sa kalawakan ay naghihiwalay ang mga ito bilang mga indibiduwal na palaso. At para maging asintado sila sa kanilang mga patamaan, ang bawat dulo nito ay may isang langaw na nakatali na syang sinanay ni Ploktok na kumontrol sa palaso para sapulin ang patatamaan nito. Medyo agrabyado dito ang mga langaw ngunit ito'y para naman sa isang dakilang adhikain.
At si Transmit naman ay nagtataglay ng kalakasang tulad ng lakas ng isang libong elepante. Kanyang nakamit ang ganitong kalakasan sa pamamagitan ng matinding paghehersisyo lalo na ang pagbubuhat ng mabibigat na bagay tulad ng mga bato sa kabundukan na sinlaki ng isang elepante na kanyang ginagawang iskulptura. Siya ay isang magaling na manlililok. Marami sa kanyang mga obra ay makikita sa hardin ng palasyo ni haring Ngepoy. Siya din ay isang pintor at lahat ng kanyang mga guhit at pinta ay makikita din sa loob ng palasyo. Mayroon nga siyang ipinintang miyural ni haring Ngepoy kasama ang reyna at ang kanilang anak na prinsesa na may laki na isang daang metro ang haba at dalawang daan at limampung metro naman ang taas at naka-display din sa sala ng palasyo.
BINABASA MO ANG
Klopeysyus
FantasyKasaysayan ng isang kaharian na hinarap ang lahat ng pagsubok ng may ngiti sa labi.