Ang Agilang Asul at ang Bughaw na Palkon

26 0 0
                                    

Samantala, si Ibonarra naman nung huli nating matunghayan ay patuloy na lumipad tungo sa kawalan sa kadahilanang siya'y nakalimot at natakot kina Transmit at Kito nang hindi niya sila nakilala. At matapos nyang walang humpay na paglipad nang halos dalawang linggo ay nakaramdam na rin siya ng pagkapagod at minarapat muna niyang dumapo sa isang puno na kanyang natagpuan para makapagpahinga at makakain ng mga bunga nito. Makatapos na makakain ni Ibonarra ay agaran siyang nakatulog marahil sa sobrang pagod dulot na rin ng kanyang mahabang paglalakbay.

Lingid sa kaalaman ni Ibonarra, siya pala'y napadpad sa lupain ng Inkolukan, ang lupain ng mga higanteng sawa at ang punong kanyang dinapuan at lumaon ay kanyang naging pahingahan ay pugad pala ng hari ng mga sawa na siyang pinakamalaking sawa ng lupaing iyon.

Habang himbing na himbing si Ibonarra sa kanyang pagkakatulog, ang hari ng mga sawa ay dahan-dahan at unti-unting gumagapang patungo sa kinalalagyan ni Ibonarra na may isang pakay at iyon ay kainin si Ibonarra, sapagkat may limampung taon na din nang huli siyang kumain. At nang marating niya ang kinaroroonan ni Ibonarra ay mabilis niya itong nilingkis ng kanyang katawan na siyang ikinabigla ng natutulog na si Ibonarra. At bago pa man makalipad si Ibonarra ay mahigpit na siyang nagupo ng napakalaking katawan ng naturang sawa na siyang pumipisil sa maliit niyang katawan hanggang sa hindi na siya makahinga at mawalan ng malay dahil sa kakulangan ng oksiheno. Kahit na sabihin pa nating siya'y may angking pambihirang lakas ay wala itong katumbas sa lakas ng haring sawa pagkat mas malakas ang naturang sawa na kayang magdulot ng pagyanig sa simpleng paggapang lamang nito sa lupa.

Nang mapuna ng haring sawa na wala nang malay si Ibonarra ay sinimulan na niyang isubo ang munting katawan ng ibon. Ngunit! Bago pa man sumayad ang bibig ng haring sawa kay Ibonarra ay may isang malaking asul na agila ang dumagit sa ulo ng ulopong at nilipad siya sa napakataas na himpapawid. At dahil sa taas na inabot ng paglipad ng naturang ibon na tangan ang hari ng mga sawa ay tuluyan ng napakawalan ng sawa si Ibonarra mula sa pagkakalingkis nito marahil sa sobrang pagkalula na nito. Nahulog na nga si Ibonaara na wala pa ring malay ngunit siya naman ay sinalo ng isa pang ibon na isa palang bughaw na palkon.

Nang masiguro na ng asul na agila na ligtas na si Ibonarra ay kanya ng binitiwan ang ulupong at inilaglag sa gitna ng dagat. At matapos nun ay mabilis na lumipad siya patungo sa bughaw na palkon upang kunin si Ibonarra mula dito. Ngunit disidido din ang bughaw na palkon na hindi ibigay si Ibonarra na kanyang niligtas kanino man lalo na sa asul na agilang humahabol sa kanya.

At dahil dito ay nagtagisan ang dalawang ibon ng bilis at taas ng paglipad. Pilit na hinabol ng asul na agila ang bughaw na palkon na kung papansinin ay mas mabilis ng di hamak sa asul na agila. Ngunit di rin naman dapat isaalang-alang ang lakas ng agila na kanya namang ikinalamang sa palkon at ang kakayahan nitong lumipad sa pinakamataas na kalawakan.

Sadyang napakabilis ng palkon para sa agila ngunit kung sa tatag ng katawan ang pag-uusapan ay mas matibay at mas mahaba ang istamina ng agila sa paglipad kaya't mabilis man ang palkon ay mas madaling mapapagod ito kumpara sa agila na matiyagang hinihintay lang nito ang pagkakataong tuluyan niyang mahabol at magupo ang palkon.

Nalalaman ng palkon na wala siyang ibubuga sa agila kung tagisan na ng lakas at pakikipagbuno na ang pag-uusapan kaya't habang siya ay may natitira pang lakas ay kailangan niyang makalayo dito para na rin sa kanyang kaligtasan. Ngunit matiyaga pa rin ang agila sa paghabol sa palkon kahit na milya milya na ang inilayo nito. Makikita sa kanyang mga mata ang determinasyon na makuha si Ibonarra mula sa palkon.

Batid ng palkon na wala siyang kalaban laban sa agila kung sakaling maabutan siya nito kaya't ang tanging pag-asa lamang niya ay ang kanyang bilis ngunit kahit milya milya na ang layo niya dito ay kaya pa rin siyang matutunton nito sapagkat ang agila ay nag-aangkin din ng talas ng paningin na kayang kaya siyang sundan nito kahit saan man siya makarating o magtago man.

At kung mamalas-malasin ka nga naman ay napadpad pa ang palkon sa kalawakan ng karagatan kung saan wala ni isang isla na matatanaw at siya'y nakakaramdam na rin ng pagod dahil sa paglipad ng mahabang oras. Ang agila naman ay nanatiling matatag at punong puno ng enerhiya at istamina at kayang kayang lumipad ng mahabang panahon ng walang humpay. Determinado siyang maabutan ang palkon at makuha mula sa kanya si Ibonarra.

Dulot na din sa sobrang kapaguran dahil sa haba ng kanyang nilakbay ay tuluyan ng bumigay ang katawan ng palkon at kasama si Ibonarra ay parehong bumulusok sila sa gitna ng karagatan. At dahil hindi likas sa ibon ang lumangoy ay nagpupumiglas ang palkon upang makaahon sa tubig at di malunod. At dahil na din sa pagkakabasa ay biglang nagkaulirat si Ibonarra at gulat na gulat sa sitwasyong kanyang kinasasadlakan.

At sa kalagitnaan ng sabay sabay na mga pangyayaring nagaganap sa lahat ng tauhan ng Klopeysyus ay may isang malakas na pagsabog ang yumanig sa buong lupain at ito ay naramdaman ng lahat saan man dako sila naroon. At mula sa hilaga ay tanaw na tanaw ng lahat ang isang napakalaking nilalang na triple ang laki nito sa mga taong bato at tila isang malaking dambuhalang bulate na may isang paa. Kasunod nito ay ang dalawang napakalalakas na buhawi na wumawasak sa lahat ng kanilang madaanan. At mula sa kinaroroonan nina Transmit, Kito at Yulet ay tanging nasambit na lang ng huli ay, "ito na ang pinangangambahan ko!"

KlopeysyusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon