Ilang linggo na ang lumipas at wala pa ring balita tungkol sa mga nagtangka sa akin. Maging si Kuya kasi ay gumagawa na ng aksyon para masiguro lang na ligtas ako. Wala na rin naman akong napapansin na kakaiba sa paligid ko bukod sa hindi ko na nakikita si Marco. Hindi ko alam kung saan na naglalagi ang multong iyon. Basta hindi ko na siya nakita simula noong aksidente.
"Miss Rodriguez, may pupuntahan tayo ngayon," biglang paalala ni Sir Kyle nang madaanan ako sa table.
"Okay po Sir."
Wala akong maalala na may appointment si Sir sa labas ng company ngayong araw. Baka hindi niya lang ako nasabihan? Inayos ko ang lahat ng gamit ko sa table at dinala ang mga posibleng kakailanganin. Paglabas ni Sir Kyle ng office ay diretso na kami palabas ng building. Katulad ng nakasanayan kapag kasama ako sa mga meetings na ganito ay kotse lang niya ang gagamitin.
Medyo matagal ang naging biyahe dahil na rin sa traffic at medyo may kalayuan ng pupuntahan. Basta paghinto ng kotse ay nasa isang malawak na lupain na kami. May mga estruktura pero kakaunti pa lang ito at ang iba ay hindi pa tapos gawin.
"Kyle! Bakit naman ngayon lang kayo?" Nakita ko agad ang papalapit na si Mr. Morales pagbaba namin ng kotse.
"Marami akong meetings ngayong araw," sagot lang ni Sir Kyle at nagsimula na kaming lumakad patungo sa pinakamalaking building sa lupaing ito.
"Buti nga at isinama mo si Miss Railey. Baka ma-bored ako sa 'yo kung puro ikaw lang kausap ko," biro ni Mr. Morales sabay kindat sa akin.
"Nasaan ba ang site?" tanong ni Sir Kyle para maputol ang nagsisimulang kalokohan ng kaibigan.
"Nandoon lang iyon sa likod. Hindi naman aalis 'yon Kyle kaya 'wag kang magmadali," sagot lang ni Mr. Morales.
"Kumusta ka naman nga pala Miss Railey?" baling sa akin ni Mr. Morales. Huminto siya sa paglalakad para masabayan ako.
"Ayos naman."
"Gab, you're being unprofessional again," singit ni Sir.
"What? Nagseselos ka lang e. Kasi hindi mo nakakausap ng ganito si Miss Railey," pang-aasar niya kay Sir Kyle na sinamahan pa ng tawa.
"I'd rather do my office works than talk about nonsense things," sagot ni Sir. Medyo nabigla at na-offend ako sa sagot niyang iyon.
"Harsh! Sinasabi mo bang nonsense kausap si Miss Railey?" tanong ni Mr. Morales.
"Wala akong sinasabing ganoon."
Naputol na ang usapan nang makarating kami sa building na isang hotel pala. Pero parang hindi pa siya binubuksan, sa tingin ko ay marami pa ang gagawin dito.
"Kailan matatapos ito?" biglang tanong ni Sir Kyle.
"By next year, I think, kasama na ang ibang features ng hotel," sagot ni Mr. Morales na nasa tabi na ni Sir ngayon.
"Ano? Tingnan na natin ang site?" tanong ni Mr. Morales na bahagyang tinanguan naman ni Sir Kyle bilang sagot.
Naunang naglakad si Mr. Morales at sumunod lang kami ni Sir Kyle. Tahimik lang ako at hinayaan ang dalawa na mag-usap.
"Maganda itong lugar dahil sa pwesto," sabi ni Mr. Morales na seryosong nagpapaliwanag kay Sir Kyle.
"Sa susunod ay ipapatingin ko na lang ito sa eksperto. Railey, paki-note na next week Friday ulit ako babalik dito," baling sa akin ni Sir na agad ko namang sinunod.
Mga ilang sandali ay nagpaalam si Mr. Morales na may aasikasuhin lang kaya naiwan kaming dalawa ni Sir sa malawak na lupaing ito. May mga kausap lang naman si Sir Kyle sa phone kaya nilibang ko muna ang sarili sa pagtingin sa paligid. Sa isang madamong gawi ng lupa ay napansin ko ang kumikinang na bagay. Madilim ang langit at halatang may nagbabadyang ulan pero bakit kumikinang ang bagay na iyon ganoong wala namang sikat ng araw? Lumapit ako para tingnan kung ano iyon at nakita ang isang singsing na may maliit na diyamante sa gitna.
BINABASA MO ANG
Clandestine Mark
Mystery / ThrillerCompleted. Iba't iba ang uri ng mga tao. May mayaman, mahirap, maganda, simple, matangkad, at kung ano-ano pa. Si Railey, isang tipikal na babae. Nakapagtapos ng pag-aaral, maganda, at mabait. Naulila man silang magkapatid ay namumuhay pa rin siya...