Chapter 17

42 1 0
                                    

"Sir Glen, nasa ospital na po ang babaeng pinapasundan niyo," sabi ng isa sa mga tauhan ko.

Sinenyasan ko lamang siya na umalis habang hawak-hawak ko ang lumang litrato ng babaeng nagngangalang Christina. Noong unang makita ko ang larawan ng babaeng ito ay hindi ko maipaliwanag ang naramdaman. Sa sobrang simple ng mukha niya ay para akong nakatingin sa anghel. Kaya naman nang makita ko ang babaeng masayang nagsisilbi sa food park ay hindi ko na siya inalis sa mga mata ko. Kahawig na kahawig niya si Christina kaya nabuhayan ako ng loob, kailangan ko na lang siyang itakas ngayon mula sa pamilya niya.

Bumukas ang pinto ng opisina ko at pumasok si Papa. Narinig ko ang buntong-hininga niya bago nagsalita.

"Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa kukote mo Glen! Bakit dinamay mo pa sa kabaliwan mo ang inosenteng babae na 'yon?" Humarap ako kay Papa at napatingin siya sa hawak kong larawan.

"Naaalala mo ba itong larawan na nakuha ko sa isa sa mga libro ni Lolo? Sa mukha lang ako ng babaeng ito nagkaroon ng interes Papa," sabi ko lang sa kanya kaya dismayado at galit naman siyang napailing.

Kinuwelyuhan ako bigla ni Papa pero hindi ako nagpatinag doon. Nakipagtitigan ako sa kanya para ipakitang seryoso ako sa gagawin.

"Hindi mo ba alam kung ano ang sikretong itinatago ng Lolo mo? Pumatay siya ng isang kilalang pamilya dahil sa galit at paghahangad sa babaeng hindi naman siya gusto. Naging demonyo siya Glen, ginamit ang yaman para hindi marumihan ang pangalan. Kung susundan mo ang yapak niya, mabuting tumigil ka na ngayon pa lang." Marahas niya akong binitawan saka siya lumabas ng opisina.

Hindi ako nagpatinag sa mga sinabi ni Papa, nasimulan ko na ito kaya tatapusin ko. Kung may sumagabal man ay ipapapatay ko. Umalis ako ng bahay at pumunta na sa ospital na pag-aari namin. Hindi ko kasalanan na rito nagpa-admit ng pasyente ang pamilya niya. Ngayon, dahil nasa pangangalaga na ng ospital namin si Railey Rodriguez, maisasagawa ko na ang plano ko.

Nang maisuot ko na ang lahat ng mga kailangan bago pumunta sa pasyente ay naglakad na ako patungo sa kwarto niya. Pagbukas ng pinto ay nakita ko lang ang isang lalaki na matiyaga siyang binabantayan. Nang lumingon siya sa akin ay agad niya akong tinanong.

"Kayo ang doktor 'di ba?" tanong nito sa akin. Sa palagay ko ay ito ang kapatid ni Railey Rodriguez.

"Oo, nandito ako para tingnan ang pasyente," sagot ko lang.

"Gawin niyo ang lahat para umayos ang kapatid ko." Hindi ko siya pinansin.

Lumapit ako sa walang malay na pasyente at hindi maipagkakaila ang pagkakahawig niya kay Christina kahit na may mga galos at benda siya sa ulo. Malapit na tayong magkasama, hintayin mo lang na maisagawa ang plano ko. Lumabas ako ng silid at pumunta sa opisina ni Papa. Katulad ng inaasahan ay wala siya rito. Malamang ay nasa ibang branch namin.

Lumipas ang dalawang araw at bumuti na ang vitals ni Railey Rodriguez, marami na rin ang nakakadalaw sa kanya ngayon kahit wala pa rin siyang malay. Ang mga tauhan ko naman ay patuloy ang pagbabalitang sinusubukan ng kapatid ni Railey Rodriguez na hanapin ang mga may kasalanan sa aksidente. Pagkatapos kong asikasuhin si Railey ay isusunod ko na ang lalaking iyon. Magiging sagabal siya sa pagsasama namin.

"Dahil sa sobrang lakas ng pagkakahampas ng ulo niya ay may mga maaaring maapektuhan na memorya," malungkot na balita ko sa kapatid ng pasyente. Kasama rin nito ang lalaking nakilala ko bilang manliligaw ni Railey Rodriguez na ngayon lang nakadalaw.

"Babalik pa naman iyon 'di ba?" tanong sa akin ng kapatid niya.

Pinanatili ko ang malungkot na emosyon kahit na sa kaloob-looban ko ay nagdiriwang ako. Ang plano ko ay ilalayo sa pamilya si Railey Rodriguez para piliting tumira kasama ako, hindi ko naman naisip na dahil sa ginawa kong aksidente ay mawawalan siya ng memorya, mas umaayon sa akin ang tadhana. Ang gagawin ko na lang ay ilayo siya sa lahat ng ito at hindi bigyan ng medikasyon para hindi maalala ang mga nawalang pangyayari sa buhay.

"Maaaring bumalik kung makakainom siya ng gamot kapag nagkamalay na. Pwede rin na hindi bumalik lahat lalo na kung hindi siya dadalhin sa mga lugar na napuntahan na niya noon," sagot ko.

Nakita ko ang paglabas ng panibagong pag-asa sa mga mata ng kapatid niya. Sayang nga lang at hindi ko na makikita ang pagkawala noon dahil kasama akong lalayo ni Railey Rodriguez sa lugar na ito.

"Maiwan ko na kayo rito," sabi ko lang bago lumabas.

Pagkasarado ko ng pinto ay tinanggal ko ang mask na suot para ipakita ang tagumpay kong ngisi. Pumunta ako sa opisina ko at tinawagan na ang mga tauhan.

"Sir Glen, nakapatay na ang mga CCTV," bungad ng tauhan ko.

"Ihanda na ang bangkay na ipapalit sa pasyente. Gusto ko na sa kwarto nito magsimula ang sunod para hindi na nila makilala kung iyon ba ang tunay na katawan o hindi," utos ko pa.

"Paano Sir kung mag-demand ng DNA test?"

"Ako na ang bahala sa pagpeke noon, bilisan ninyo ang pagkilos, gusto ko ay pagsapit ng gabi ay mangyayari na lahat." Binaba ko na ang tawag.

Kaya naman nang sabihin sa akin ng mga tauhan ko na nakahanda na ang lahat ay ginawa ko na ang silbi ko sa planong ito.

"Doc, ipinatawag niyo raw po ako?" tanong sa akin ng head nurse.

Nandito ako ngayon sa parking lot at hinihintay na ang magaganap ilang minuto na lang.

"Sa kwarto sa third floor ng pasyenteng comatose, ilan ang nagbabantay?" tanong ko. Ang tinutukoy ko ay ang kwarto ni Railey Rodriguez.

"Isa lang Sir, iyong lalaki pa rin na madalas doon," sagot nito.

"Pakitawag siya, papuntahin mo rito mismo. May importante akong sasabihin tungkol sa pasyente, pakisabi na magmadali dahil uuwi na rin ako," utos ko sa head nurse.

"Yes po Doc." Umalis na siya sa harapan ko.

Nag-ring naman ang cellphone ko kaya sinagot ko kaagad ang tawag.

"Glen," seryosong boses iyon ni Papa.

"Pa! Kumusta ka naman? Masaya ka ba diyan sa kabilang branch?" maligaya kong tanong sa kanya.

"Baliw ka na talaga." Hindi ako nagsalita sa sinabi niyang iyon.

"Sana lang ay hindi ka magsisi sa gagawin mo. Lahat ng sikreto nabubunyag Glen."

"Wala akong pakialam!" Pinatay ko na ang tawag nang makita ang naglalakad na kapatid ni Railey Rodriguez palapit sa akin.

Habang naglalakad siya palapit ay ngumiti ako sa kanya. Kasabay ng pagngiti kong iyon ay ang pagsabog ng third floor at ang mabilisang pagkalat ng apoy. Gulantang na napatingala roon ang kapatid ni Railey, maging ang mga tao sa labas ng ospital ay nagulantang din. Tagumpay ang plano at siguradong itinatakas na ng mga tauhan ko si Railey Rodriguez.

Magkakasama na tayong dalawa, Christina.

Clandestine MarkTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon