Ang daming nangyari sa akin sa mga nagdaang panahon. Lahat ito ay hindi maipaliliwanag ng simple o kahit masalimuot na obserbasyon.
Muli kong tiningnan ang nag-iisang portrait ni Marco rito sa bahay ni Lola Cel. Ngayong araw ay ang katapusan ng buwang ito. Hindi ko pa rin alam kung nasaan ang kwintas. Hinihintay ko na lang na magpakita ulit sa akin si Christina para manghingi pa ng palugit dahil nakita ko naman na si Kyle na siyang bagong katauhan ni Marco.
Naramdaman ko ang biglang pagyakap sa akin ni Mike. Naamoy ko ang bango niya at napapikit ako dahil doon.
"Aalis lang ako, may aasikasuhin sa office." Kinalas ko ang yakap niya at humarap.
Nakita ko ang hugis ng matipuno niyang katawan kahit naka-suit.
"Mag-iingat ka, ako na munang bahala sa sarili ko." Ngumisi siya.
"Okay, basta mag-iingat ka rin. Mamaya ako nang bahala sa 'yo." Kumindat pa siya sa akin.
Tumawa lang ako at tuluyan na siyang umalis. Binalik ko ang atensyon sa portrait ni Marco. Iniisip kong ilipat ito kaya naman akmang iaalis ko na ang frame nang mapansin na parang nakadikit ito sa dingding. Hindi ko alam na ganito pala ang pagkakalagay nito.
Dahil sa paggalaw ko sa frame, sumungaw ang isang butas sa gilid nito. Nagmukha itong pinto na bahagyang nakabukas. Nagulat ako roon at tuluyan ko nang hinawi ang frame. May sikretong vault sa likod nito.
Pinihit ko ang lock nito ng isang beses at himalang bumukas. Agad kong tiningnan ang mga laman at nakita ang litrato ni Christina, kitang-kita ang pagkakahawig namin. May mga sulat din dito na nakasama at nakapangalan kay Marco at mula kay Christina. Binuksan ko ang isang sulat.
Aking pinakamamahal na kapatid,
Nais ko nang umuwi ka rito sa atin. Labis lang ang namumuong kalungkutan ko sa kadahilanang kami lamang ng mayordoma ang magkasama. Madalas ko pa ring napapanaginipan ang trahedya. Tuwing umaga'y nawawalan na ako ng ganang kumain, nalulungkot ako, labis na nalulungkot. Nahahalata ko rin na...
Nabura ang gitnang part ng sulat.Binasa ko kung anong mga kataga ang nasa hulihan.
...magtatapo ang dalawang dugo sa pamamagitan ng buwan, magwawakas ang delubyo na sumira sa walang muwang na damuhan.
Binuksan ko pa ang iba at walang mga sulat ito, puro mantsa na ang nakita ko. Parang patak ng dugo. Bakit may ganito si Lola Cel? At paano napunta sa kanya ang mga hindi natapos na sulat ni Christina. Naguluhan ako sa kung ano pa bang talagang nangyari sa pamilya nila bago ang pagpatay kay Christina.
Ibinalik ko sa dati ang mga sulat. Nagdesisyon akong magpahangin at umalis ng bahay para ipahinga ang isip. Ipinahinto ko sa driver sa isang parke ang kotse at naglakad akong mag-isa roon.
Maraming tao at maraming pamilya ang nandito. Biglang sumagi sa isip ko ang pamilyang mag-isang tinataguyod ngayon ni Ate Maureen. Wala man lang akong tulong na magawa para sa kanila. Hindi ko rin alam kung paano ko tatapusin ang misyon ko sa nalalabing araw at oras ko ngayon.
Ipinikit ko ang mga mata at dinama ang init ng paparating na tanghali.
"Christina, sana padagdagan ng isa pang buwan." Napangiti ako nang ibulong sa sarili iyon. Para akong baliw.
Dinilat ko ang mga mata at tumingin sa matataas na building na nakapaligid sa park. Kung hindi man ako matapos sa misyon ko at maging kapalit nga ang buhay ko, hindi ko alam kung matatanggap ba ng mga mahal ko sa buhay. Hindi ko rin alam kung may trahedya bang mangyayari sa akin o bigla na lang akong maglalaho oras na matapos ang huling araw ko na ito.
"Railey..."
Napalingon ako sa tumawag ng pangalan ko. Unang nakita ko ay ang suot niyang suit. Katulad ng nasa pangitain na ibinigay ni Christina.
"Kyle." Kung sana hawak ko lang ang kwintas. Maibibigay ko na sana ito sa kanya.
magtatagpo ang dalawang dugo...
"Bakit mag-isa ka lang?" tanong niya.
"May hinahanap lang ako," sagot ko lang at ngumiti siya.
Inilabas niya ang isang kwintas at nagulat akong iyon ang kwintas na dapat ay ibibigay ko sa kanya.
"Ito ba? Nakalimutan kong ibalik sa 'yo 'to dati, sana hindi pa ako nahuli sa pagsasauli niyan." Ngumiti siya. Kuminang ang pendant ng kwintas na quarter moon.
...sa pamamagitan ng buwan
Lumapit siya sa akin at inilagay iyon sa palad ko.
"Hindi. Sa 'yo talaga 'yan. Gusto ko, itabi mo 'yan." Nagtaka siya sa sinabi ko. Gumaan ang pakiramdam ko na makita siya ngayon ng malapitan. Hindi man kami magkadugo, may nagdurugtong sa amin mula sa nakaraan.
"Bakit? 'Di ba sa 'yo naman ito?" tanong niya.
"Napunta sa akin 'yan para ibigay sayo," sagot ko lang.
Nakita ko ang lungkot sa mga mata niya at naluha na siya ng tuluyan.
"Sorry sa lahat ng nagawa sayo ng kapatid ko."
Kitang-kita ko ang sinseridad sa mga mata niya. Parang kaluluwa na purong-puro at walang bahid ng kadiliman walang kung anong marka.
"Ayos lang." Niyakap ko siya ng mahigpit. Para akong nakatagpo ng bagong kapatid.
"Hindi ako nagkamali ng pagbibigay ng tiwala sa 'yo, Railey. Kung hindi mo mamasamain ay pwede mo akong ituring na kapatid." Iniharap ko ulit siya sa akin.
Bumalik sa akin lahat ng mga alaala kong binuo kasama si Kuya Ralph, bumigat ang damdamin ko dahil sa naisip na iyon. Ngumiti ako sa kanya at tumango.
Lumiwanag ang katawan ni Kyle at nagulat akong naging si Marco ang katauhan niya. Lumingon ako sa paligid at nawala ang mga tao, tumahimik at naging payapa. Ibinalik ko ang mga mata kay Marco.
"Marco, na-miss kita." Ngumiti siya at pinunasan ang biglaang luha na pumatak mula sa mga mata ko.
"Salamat sa lahat. Tapos na ang misyon mo, tahimik na kami ngayon ni Christina. Lagi kong maaalala na muli kong nahawakan ang kapatid ko sa pangalawang pagkakataon sa katauhan mo. Masaya ako na bukod kay Christina, nagkaroon din ako ng isang Railey." Ngumiti siya sa akin. May mga panibagong luha ang lumabas sa mga mata ko.
"Ako rin Marco, lagi ko kayong aalalahanin. Nakamarka na kayo sa puso ko." Tumawa siya.
"Napaka-sweet mo naman!" Natawa rin ako sa uri ng pagkakasabi niya noon.
"Paalam na, mabuhay ka ng maligaya, Railey. Pinakamagiting ang gabi kaysa sa umaga, dahil sa gabi mo makikita ang malumanay na liwanag ng buwan na pilit nilalabanan ang dilim." Huling mga kataga na sinabi ni Marco.
Muli ay lumiwanag ang buong katawan ni Marco at bumalik na si Kyle sa normal. Pero kahit na si Kyle na ang nasa harapan ko, nakikita ko pa rin si Marco sa mga mata niya. Patuloy na nabubuhay.
Ang mga pangyayaring ito ay mag-iiwan ng sikretong marka sa alaala at sa puso ko.
...magwawakas ang delubyo na sumira sa walang muwang na damuhan.
Ito na ang katapusan. Salamat sa lahat ng kalungkutan at higit sa lahat, sa sayang naranasan ko. Mananatili akong matibay at may matapang na puso para harapin ang lahat ng daraan pang mga pagsubok.
Wakas.
Clandestine
adjective \klan-ˈdes-tən\
- means done secretly or in a private place or way.—
Mabuhay! Ako si Rosadelas, hinihiling ko na maging masaya ang araw mo. Patuloy mong mahalin ang mga taong mahalaga sa puso at isip mo. Kung may problema ka man ngayon ay alam kong kakayanin mo 'yan, pero 'wag ka mahiyang humingi ng payo o tulong mula sa iba.Godspeed! Huwag kalimutang suportahan ang iba pang mga manunulat.
Facebook J.C. Dela Rosa
Twitter @rosadelasss
(links on my profile)
BINABASA MO ANG
Clandestine Mark
Gizem / GerilimCompleted. Iba't iba ang uri ng mga tao. May mayaman, mahirap, maganda, simple, matangkad, at kung ano-ano pa. Si Railey, isang tipikal na babae. Nakapagtapos ng pag-aaral, maganda, at mabait. Naulila man silang magkapatid ay namumuhay pa rin siya...