Dumating ang araw ng launching na nasa invitation na ibinigay sa akin ni Sir Kyle. Sabay kami ni Kuya Ralph na pumunta roon. Wala rin naman akong kotse na gagamitin dahil pinapagawa pa ito at sa makalawa pa makukuha. Hindi pa man ako nakatatanggap ng sweldo ay may gastos na agad ako. Formal party ang launching na ito kaya naman makikita na mukhang kagalang-galang ang halos lahat ng dumalo.
"Doon tayo sa table ng ibang employees," sabi ni Kuya at nakita ko nga rin doon ang ilang kilala ko sa mukha na may mataas na katungkulan sa kompanya ng Del Carmen.
Sobrang out of place ako sa lugar dahil unang pagkakataon ko na maka-attend sa ganitong event. Hindi rin naman nagtagal ay nagsimula na ang programa at umayos na ang lahat. Tumingin ako sa paligid, minsang napapahinto ang mga mata ko sa mga nakaputing lalaki. Hanggang ngayon ay wala pa rin kasi akong balita kay Marco. Sana lang ay ayos lang ang multong iyon kung nasaan man siya.
Nang dumating sa main event ang launching ay masiglang nagpalakpakan ang lahat. Nakita ko rin sa harapan ang pamilya ni Mr. Morales at ganoon na rin ang kapatid niya na magmamay-ari nitong bagong kompanya. Hindi ko na nasundan ang mga sumunod na nangyari sa programa dahil sa naramdaman kong presensya sa likuran. Lumingon ako at nakita ang pormal na pormal na si Mike.
"Hindi mo yata nabanggit sa akin na pupunta ka pala rito?" bulong niya.
"Ikaw rin naman, hindi mo sinabing pupunta ka rito," bulong ko pabalik.
Nakita ko naman ang biglang paglingon sa amin ni Kuya Ralph. Tumaas lang ang kilay niya sa aming dalawa at inalis na rin naman ang atensyon sa amin ni Mike.
"Tara sa labas, maglakad-lakad tayo," pag-yaya sa akin ni Mike.
"Ano ka ba? May program pa, hindi ka ba makatiis na manood man lang?" tanong ko sa kanya pero pinanatili pa rin ang mahinang boses.
Hindi naman siya sumagot at nakinig lang kami sa speech ng kapatid ni Mr. Morales. Mabilis naman na tumakbo ang oras at nang ihahanda na ang mga pagkain ay nagulat ako nang hilahin ako ni Mike papunta sa labas ng building. Nakita ko pa ang panglinga-linga ni Kuya Ralph nang malaman na nawawala na ako sa tabi niya.
"Mike! Ang kulit mo?" sabi ko nang pakawalan na niya ako.
Nasa labas na kami at nakatitig lang naman siya sa akin. Ano namang problema ng lalaking ito at akala mo ay maglalaho na lang ako bigla kung makatingin siya. Ngumiti siya kasunod ng panghinga ng malalim.
"Bakit?" tanong ko sa kanya.
"Ang ganda mo," nakangiti naman niyang puri. Inirapan ko lang siya pero hindi na rin napigilan na mapangiti.
"Alam ko Mike, bumalik na tayo sa loob," sabi ko pero pinigilan niya ulit ako na makaalis.
Tumingin ako sa kanya nang nakataas ang isang kilay. Nakita ko ang seryoso niyang mukha at parang may gustong sabihin. Malikot ang mga mata niya na pabalik-balik ang tingin sa iba't ibang parte ng mukha ko.
"Railey... " pagsisimula niya.
Huminga siya ng malalim at ngumiti muli sa akin.
"Nand'yan ngayon sila Mom at Dad, gusto kong ipakilala ka sa kanila," sabi niya.
Nagulat ako sa sinabi niyang iyon. Bakit naman niya ako ipakikilala, hindi pa naman kami magkarelasyon. Nakita ko ang pagkatuwa niya sa gulat kong ekspresyon kaya inirapan ko siya bago matawa-tawang nagsalita. Ang dibdib ko naman ay malakas na ang kabog.
"Bakit mo naman ako ipakikilala?" tanong ko.
"Wala, para lang alam nila na hindi ako nambababae kapag hindi uma-attend sa mga meetings," sagot naman niya na lalong nagpatawa sa akin.
BINABASA MO ANG
Clandestine Mark
Mystery / ThrillerCompleted. Iba't iba ang uri ng mga tao. May mayaman, mahirap, maganda, simple, matangkad, at kung ano-ano pa. Si Railey, isang tipikal na babae. Nakapagtapos ng pag-aaral, maganda, at mabait. Naulila man silang magkapatid ay namumuhay pa rin siya...