Chapter 15

39 1 0
                                    

Tahimik pa rin ako habang patuloy na nakikinig sa ikinukwento ni Lola Cel. Hindi buo ang mga impormasyon sa kwento niya dahil pinutol talaga ni Marco ang koneksyon nilang dalawa. Wala nang pag-uusap ang naganap sa pagitan nila simula nang namatay ang mga magulang ni Marco.

"Hindi madaling nakilala ang nag-utos ng pagpatay sa mga magulang nina Marco. Basta ilang buwan lang ang nakalipas ay narinig ko na lang ang balitang muling patayan na naganap sa bahay ng mga Santos," pagpapatuloy ni Lola Cel. Napasinghap ako sa sinabi niyang iyon.

"Patay lahat ng bantay, mga kasambahay at kung sino pang mga tauhan, ganoon na rin ang babaeng kapatid ni Marco na labing-siyam na taon pa lamang noon."

Bumigat ang pakiramdam ko sa parte ng kwentong iyon. Bakit naman ganito ang nangyari sa pamilya ni Marco? Kaya ba inalis na lang ang memorya niya? Pero bakit hindi pa rin siya pinapatawid sa kabilang buhay?

"Wala si Marco noon sa tahanan nila kaya naman nang nalaman niya ang pangyayaring ito ay alam kong sobrang nalugmok siya," sabi ni Lola Cel at saka tumulo ang mga luha.

"Ang mga kamag-anak niya'y natakot na rin siyang tulungan dahil baka sila rin ay madamay. Pero si Marco, malakas ang loob pa rin na hinarap ang lahat... ng nag-iisa. Hanggang sa paglipas lang ng isang buwan na pagkamatay ng kapatid niya ay... "

Nangilid ang luha ko at hindi ko alam kung ano pang mas lalala sa kwentong ito.

"...hindi na nakitang muli si Marco. Walang may alam kung nasaan siya, maging ang mga pulis ay nawalan ng pag-asang maghanap."

Huminga ng malalim si Lola Cel at pinunasan ang mga luha. Tumingin siya sa mga mata ko ng diretso.

"Hanggang doon lang ang nalalaman ko, binalak kong alamin kung nasaan siya o kung buhay pa ba siya? Pero wala. Masasabi ko lang na namatay si Marco na hindi nakamit ang katarungan para sa mga mahal niya sa buhay," pagtatapos ng usapan namin ni Lola Cel. Ilang minuto kaming nanahimik bago ko naisipang magsalita.

"Maraming salamat po sa oras na ibinigay ninyo."

Ngumiti si Lola Cel at tumango-tango. Bumaling siya sa apo at may gustong sabihin.

"Kevin, ihatid mo siya sa mansyon ng mga Santos," utos nito sa apo na ikinabigla ko. Bumaling naman sa akin ang matanda.

"Ano ngang pangalan mo hija?" tanong nito.

"Railey po," sagot ko.

"Railey, hija. Sa akin ipinangalan ni Marco ang mansyon nila bago siya nawala. Ikinagulat ko na lang ito, pero alam kong gusto niyang ingatan ko ang mansyon, hanggang ngayon ay maayos pa ito at kung gusto mo ay puntahan mo ngayon."

Walang lumabas na salita sa bibig ko dahil sa pagkabigla. Ang mansyon sa mga panaginip o pangitain ko noon? Kung mapuntahan ko ito ay baka sakaling may makuha akong impormasyon.

"Sige po, Lola Cel. Maraming salamat po talaga," sagot ko at nginitian niya lang ako.

"Sige na Kevin at ihatid mo na siya roon. Mag-iingat kayo."

Ganoon nga ang nangyari at sa kotse na ako ni Kevin sumakay. Sa biyahe ay tahimik lang ako. Kinakabahan dahil sa hindi ko malamang dahilan, parang excited ako na mapuntahan ang mansyon. Sa daanan ay kita ang pag-aagaw dilim at liwanag.

"Siguro naman pagkatapos mong makita ang mansyon ay titigilan mo na ang pagtatanong kay Lola," sabi ni Kevin sa gitna ng katahimikan.

Bakit ba ang sungit ng lalaking 'to? Masyado siyang overprotective sa paligid niya.

"Hindi ko na tatanungin pa si Lola Cel kung iyon din ang gusto niya," sagot ko lang. Marahas lang naman siyang napabuntong-hininga.

"Napakakulit mo."

Clandestine MarkTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon