Nagising ako sa malakas na ulan kinaumagahan. Dalawangput-siyam na araw na lang ang natitira.
Bumangon ako at lumabas ng kwarto. Nakita ko na bukas ang sliding door ng balkonahe kaya roon ako dumiretso at tiningnan ang garden ng bahay, walang mga bulaklak ang mga halaman.
Ilang sandali lang ay biglang sumulpot si Mike sa tabi ko.
"Coffee?" Inilahad niya sa akin ang isang mug.
"Salamat."
Dinama ko ang init ng mug at tiningnan si Mike na nakatitig pala sa akin.
"Bakit ganyan ka makatingin?" natatawang tanong ko.
Tumawa siya at humigop sa sariling kape na dala.
"Hindi ko mapigilan, ang ganda mo kasi e." Seryoso siyang tumingin ulit sa akin.
Naramdaman ko ang pamumula ng magkabilang pisngi ko kaya humigop din ako sa kape.
"Railey, pwede bang ligawan kita ulit?" Nabigla ako sa sinabi niyang iyon.
Napainom ulit ako ng kape habang inisip ang mga sinabi niya.
Huminga ako ng malalim bago sumagot.
"Dapat nga sinagot na kita noon e." Bigla iyong lumabas sa bibig ko at nilingon ko siya.
Nahuli ko pa ang gulat sa mukha niya at agad naman niya itong pinalitan ng ngiti. Maisip pa lamang na naniwala si Mike sa nararamdaman niyang buhay pa ako, isang malaking puntos na iyon.
"Kung gano'n tayo na ba?" Mas lalong lumawak ang ngiti niya.
"Hindi no. Manligaw ka ulit," iwas ang tingin na sabi ko.
Narinig ko ulit ang tawa niya at napainom lang naman ulit ako ng kape. Humina ng kaunti ang ulan at bahagya na kaming nababasa ng hangin na nagdadala ng maliliit na patak nito.
Lumipas ang umagang iyon at nagpaalam sa akin si Mike na papasok muna siya sa opisina para asiksuhin ang mga tatapusing papeles.
Nilibot ko naman ang buong bahay habang abala ang mga kasambahay na maglinis at magluto.
Nilapitan ko ang portrait ni Marco at natutuwa akong makita ulit ang mukha niya. Sana nandito na lang ulit siya para may katulong akong hanapin ang reincarnation niya.
"Miss Railey, nasa sala po si Jude, hinahanap po kayo." Tumango lang ako sa kasambahay na lumapit sa akin.
Bumaba ako ng hagdan at nakita nga siyang may dalang mga paperbag.
"Ano yan?" tukoy ko sa mga dala niya nang makalapit ako.
"Mga damit mo 'to, pinabili ni Mike sa secretary niya at pinahatid lang sa akin dito," sagot niya.
Halata ko pa rin ang pasa sa mukha niya.
"Salamat, Jude."
"Yan lang naman ang pinahatid ni Mike, aalis na ko," paalam na sana niya pero pinigilan ko siya.
"Pasensya nga pala ulit dahil sa nangyari kahapon," sabi ko lang.
"Walang problema, Railey." Nginitian niya ako at ibinalik ko rin sa kanya ang ngiting iyon.
Nang umalis na siya ay iniakyat ko na sa kwarto ko ang mga damit na binili para sa akin. Bigla ko namang naisipan na mamasyal kaso nga lang ay hindi ko alam kung papayag ba si Mike. Mabuti na rin siguro na manatili ako rito.
Matapos ang pananghalian ay sa garden ng bahay ako nanatili, sa opisina na rin kumain si Mike kaya mag-isa lang ako kanina.
Hindi gaanong mainit ang panahon dahil na rin siguro sa ulan kaninang umaga. Ipinikit ko ang mga mata ko at sandaling pinroseso ang mga naganap sa buhay ko.
BINABASA MO ANG
Clandestine Mark
Misterio / SuspensoCompleted. Iba't iba ang uri ng mga tao. May mayaman, mahirap, maganda, simple, matangkad, at kung ano-ano pa. Si Railey, isang tipikal na babae. Nakapagtapos ng pag-aaral, maganda, at mabait. Naulila man silang magkapatid ay namumuhay pa rin siya...