ONE YEAR LATER...
"Bill out for table number six," sabi ni Nami kay Thelma.
"Ano? Kaya pa? Double shift ka na naman ngayon ah," tanong nito.
"Oo naman, parang hindi mo ako kilala, puwede pa nga akong mag-closing," nakangiting sagot niya.
"Ay loka, pinapatay mo ba ang sarili mo? 'Wag ka nga! Oh, tapos na trabaho mo. Hala, layas! Umuwi ka at magpahinga," pabirong pagtataboy sa kanya ni Thelma, sabay abot ng bill ng customers sa table number six.
Tumawa lang siya saka agad na inabot ang bill sa mga customers. Matapos nitong magbayad at ibalik niya ang sukli, saka siya nagpaalam sa mga kasama. Bago umalis ay sumilip muna siya sa kitchen.
"Sky, may ipapadala ka?" tanong niya.
Ngumiti ito saka umiling. "Next time," sagot nito.
"Sige, uwi na ako."
"Ingat."
Paglabas ni Nami ng Chef's Face ay naglakad na siya papunta sa sakayan. Habang naglalakad, panaka-naka ang pag-ihip ng malamig na hangin. Huminga siya ng malalim pagkatapos ay tumingala sa langit.
"I miss you, naririnig mo ba ako?" tanong niya sa kanyang isipan.
Huminto siya at nakipagtitigan sa madilim na kalangitan. Naghintay sandali, baka sakaling marinig niya man lang ang boses ni Adrian. Ngunit nanatiling tahimik ang paligid. Mayamaya isang malakas ng busina ng sasakyan ang narinig niya mula sa likod. Paglingon ni Nami, nanlaki ang mga mata niya. Gusto niyang tumakbo palayo pero parang may pumipigil sa kanya at napako siya sa kinatatayuan.
"Tulong! Adrian!" sigaw ni Nami.
Biglang pumreno ang kotse sabay kabig pakaliwa. Nakakapagtaka dahil hindi rin bumangga ang kotse sa isang pader na dapat sana ay sasalpukin nito. Parang nawalan ng lakas na napaupo siya sa semento. Pakiramdam ni Nami ay sasabog ang dibdib niya sa sobrang kaba ng mga sandaling iyon. Akala niya ay iyon na ang katapusan ng kanyang buhay. Mabilis na bumaba ang sakay ng kotse.
"Miss... miss! Okay ka lang?" tanong ng lalaki.
Malakas pa rin ang kabog ng dibdib na tumingala siya saka tumango. Tumingin ang lalaki sa kasama nito, sabay palo sa braso.
"Aray ko!"
"Sabi na sa'yo na huwag mong bilisan ang takbo," asik nito.
"Sorry! Sorry Miss, ha?" baling sa kanya ng isa pang lalaki.
Inalalayan siyang tumayo ng dalawa. Hanggang sa mapansin niyang natigilan ang naunang lalaki na lumapit sa kanya.
"Oh? Ikaw 'yong waitress sa Chef's Face, di ba?" tanong nito.
Napakunot-noo siya.
"Kilala n'yo ako?" tanong din niya.
"Nakalimutan mo na? James Andrada, member ng Blue Light."
"Ah!" usal niya ng maalala ang mga ito.
"Pasensiya ka na, Miss... ano nga ulit name mo?" tanong ng isa pang lalaki.
"Nami," sagot niya.
"Pasensiya ka na sa nangyari, Ate Nami. Ako pala si Sander," sagot nito.
BINABASA MO ANG
Heaven's Warriors Series 1: Awakening the Angel
Fantasy(SOON TO BE PUBLISH ON PRECIOUS HEARTS ROMANCES) Teaser: Kung ganda din lang ang pag-uusapan, agad na itataas ni Nami ang dalawang kamay. Kung katawan din lang labanan, siguradong kulelat na ang iba. Ang mga 'yan ang katangian niyang ginagamit para...