CHAPTER SIXTEEN

753 29 0
                                    

"ANONG sinabi mo?!" gulat na tanong ni Adrian pagbalik niya sa Chef's Face.

Napapitlag si Thelma dahil sa biglang paglakas ng kanyang boses.

"Ah... ano Sir, nagmamadaling lumabas si Nami. Naaksidente daw ang pinsan n'ya," sagot nito.

Umahon ang kaba at takot sa kanyang dibdib. Pakiramdam ni Adrian ay may mali sa nangyayari. Mayamaya, halos sabay-sabay silang napalingon sa entrance door ng bumukas iyon at pumasok si Mabel. Nagkatinginan si Adrian at si Thelma.

"Mabel?" aniya.

Nagpunas pa ito ng pawis, habang sumalampak ng upo sa isang bakanteng silya paglapit sa kanila.

"Kasumpa-sumpa! Ang init! Ang traffic! Let's go to Pluto, people! Hindi ko na kayang mabuhay dito sa earth!" reklamo nito.

"Anong ginagawa mo dito?!" gulat na tanong ni Thelma.

"Ha? Eh pinapadaan ako ni Ate Nami dito, nasaan na ba siya?" kaswal na sagot ni Mabel.

"Nakatanggap daw ng tawag si Nami, ang sabi naaksidente ka daw," sabi ni Adrian.

"Over! Paano ako maaksidente? Ang layo nga ng nilakad ko dahil ayaw gumalaw ng mga sasakyan sa sobrang traffic! Akala ko nakikiuso sila sa Mannequin Challenge eh. Saka paano ako makakatawag, wala akong load!" sagot nito.

"Hala, sino 'yong tumawag kay Nami?" tanong pa ni Thelma.

Naikuyom ni Adrian ng mariin ang dalawang kamay. Nang mga sandaling iyon, alam na niyang nasa panganib ang dalaga.

"Thelma, sabihin mo kay Sky, siya na muna ang bahala dito. Hahanapin ko si Nami," sabi niya, saka nagmamadaling umalis.

Paglabas ng restaurant ni Adrian ay agad siyang tumakbo palayo. Nang makita na walang ibang tao sa paligid, saka siya nagpalit ng anyo at bumalik sa pagiging anghel, pagkatapos ay agad siyang lumipad pataas.

"Nami, nasaan ka na?" nag-aalalang tanong niya.

Napahinto siya sa paglipat ng umalingawngaw ang malakas at nakakakilabot na tawa ni Rosier.

"Kaibigan, mukhang may hinahanap ka," sabi nito.

"Magpakita ka, Rosier! Nasaan si Nami?!" galit na sagot niya.

"Madali lang naman makita ang kinaroroonan namin. Dito sa lugar, kung saan mo siya unang iniwan noon," sabi nito.

Agad naalala ni Adrian ang rooftop building kung saan sila huling nagkita noong maging anghel siya. Mabilis niyang pinuntahan ang lugar na iyon, at sa ilang sandali lang ay nakarating na siya doon.

"Nami!" sigaw niya pagkakita agad sa dalaga.

Naabutan niyang nakatayo sa gilid ng rooftop si Nami, habang nakagapos ito ng itim na kapangyarihan ni Rosier, pero ng mga sandaling iyon ay wala itong malay. Sa oras na alisin ni Rosier ang pagkakagapos sa dalaga, mahuhulog sa mataas na gusaling iyon si Nami.

"Sinabi ko na sa'yo na huwag mo siyang idamay dito! Walang kinalaman ang isang ordinaryong tao na katulad niya!" galit na sabi niya kay Rosier.

"Pero importante siya sa'yo, Angelo. Hindi ba't siya ang babaeng pinakamamahal mo?"

"Bitiwan mo siya, Rosier! Kahit anong gawin mo, hindi mo mapipigilan ang lahat ng plano ng Panginoon! Alam mo na higit Siyang makapangyarihan kanino man!"

Heaven's Warriors Series 1: Awakening the AngelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon