PAGPASOK nila sa apartment ni Adrian, agad dumiretso ang binata sa loob ng silid nito. Simula ng umalis sila sa art gallery, walang narinig si Nami na kahit ano mula dito. Tahimik lang silang dalawa sa kotse, ni isang paliwanag kung bakit ito umiiyak ay hindi ginawa ni Adrian.
"Nami," tawag nito sa kanya.
Bumuntong hininga siya.
"Oh?"
"Pumasok ka dito," ani Adrian.
Sumunod siya sa loob ng kuwarto nito. Inabot ng binata sa kanya ang isang t-shirt nito at saka shorts.
"You should change, mag-shower ka muna sa loob. Baka magkasakit ka dahil sa pagsugod mo sa ulan," sabi nito, habang nakatungo.
Tumayo si Nami sa harap nito saka marahan inangat ang mukha nito.
"Hindi mo pa ako kinakausap, Adrian. Anong problema?" deretsong tanong niya.
Pinilit nitong ngumiti. "I want to tell you, believe me. Pero hindi puwede, and I don't think you can handle it," sagot ni Adrian.
Humugot siya ng malalim na hininga. "Sobra akong nag-aalala sa'yo, alam ko na may pinagdaraanan ka. Gusto kitang tulungan, pero hindi ko alam kung paano, kung saan ako magsisimula," sabi niya.
"Iyong makita ka dito sa harap ko, tama na 'yon."
Naiiyak na sinuntok niya ito sa dibdib.
"Nakakainis ka naman eh! Hindi pa rin ako matatahimik diyan sa sinasabi mo," sagot niya.
"I'm sorry. Kung puwede ko lang sabihin sa'yo, huwag ka masyadong mag-
alala sa akin, okay lang ako. Kaya ko 'to," sabi ni Adrian.
Yumakap si Nami sa nobyo.
"Sigurado ka ba na okay ka lang?" tanong niya.
"Yes, I'll be fine," sagot ni Adrian.
"Hindi ko alam kung bakit, pero kinakabahan ako Adrian. Natatakot ako," sabi niya sa isip.
Humigpit ang yakap sa kanya ng binata. "Huwag kang matakot, walang mangyayaring masama," sabi nito.
Napatingala siya sa nobyo. "Galing ah, kakasabi ko lang kaya sa isip ko na natatakot ako," natatawa na sagot niya.
"Kahit hindi ka magsalita, nararamdaman ko na natatakot ka," sabi nito.
"Sige na, maligo ka na. Doon lang ako sa sala," ani Adrian.
Marahan siyang tumango, pagkatapos ay lumabas na ito. Muling napabuntong-hininga si Nami, kahit gusto niyang pilitin ang nobyo na sabihin sa kanya ang problema nito. Hindi niya magawa, ayaw ni Nami na makadagdag sa stress ng binata. Mas mabuting ipakita at iparamdam na lang muna niya ang suporta dito.
Habang naliligo ay dala ni Nami sa kanyang isipan ang narinig niyang sinabi ni Adrian pagpasok ng art gallery. Malinaw sa kanyang alaala na taimtim na nagdadasal ang binata, pero sino si Ramiel at Raphael? Ano ang responsibilidad na sinasabi ni Adrian? Naputol ang pag-iisip ni Nami ng marinig ang tawag ni Adrian mula sa labas ng banyo.
"Nami, matatapos ka na ba? Nakahanda na ang dinner," tanong ni Adrian.
"Oo, sandali na lang," sagot niya.
Nang matapos maligo ay agad siyang nagbihis, lumabas si Nami ng kuwarto na may tuwalya pa sa ulo. Sinalubong siya ng ngiti ni Adrian na tila wala itong pinagdaraanan. Sinalubong siya ng binata saka niyakap.
BINABASA MO ANG
Heaven's Warriors Series 1: Awakening the Angel
Fantastik(SOON TO BE PUBLISH ON PRECIOUS HEARTS ROMANCES) Teaser: Kung ganda din lang ang pag-uusapan, agad na itataas ni Nami ang dalawang kamay. Kung katawan din lang labanan, siguradong kulelat na ang iba. Ang mga 'yan ang katangian niyang ginagamit para...