Hindi alam ni Bainisah kung ano ang pakay ni Ezekiel Moreno, pero atas ng kagandahang-asal ay pinapasok niya ito sa hamak niyang tahanan at pinaupo sa upuang yari sa kahoy. Wala naman siguro itong masamang balak sa kanya dahil ano naman ang mapapala nito sa kanya o sa bahay nila?
Nagpasalamat ito bago naupo. Lihim na tumaas ang isang kilay niya dahil tila wala itong pakialam sa masikip na bahay niya. Maging ang isinilbi niyang juice dito na kinanaw lang mula sa concentrated powder juice ay maayos din nitong tinanggap gayong pupusta siya na laging freshly squeezed fruit juice ang iniinom nito.
Tumikhim muna ito bago nagsalita. "Hindi ko alam kung paano ko sasabihin ang pakay ko,Bainisah..." wika ni Zeke na nakangiti bagaman makikita sa mukha ang bahagyang nerbiyos.
"S-Sir...?" tanging nasabi niya.
"Honestly, I don't know how to start. Pero mas makabubuti siguro naderetsahin na kita." Huminga ito nang malalim. "We're cousins. Magkapatid ang daddy ko at ang daddy mo."
Umawang ang mga labi niya sa sobrang pagkabigla. Tama ba ang narinig niya? Magpinsan sila ni Ezekiel Moreno? "P-pakiulit nga..."
"Magpinsan tayo, Bainisah. Magkapatid ang ama ko at ama mo," ulit nito.
Tila umalingawngaw ang mga salitang iyon sa kanyang pandinig. Pagkatapos ng ilang sandali, tumalim ang kanyang mga mata. "Nagbibiro ka ba?" tanong niya, nagtitimpi ng galit. Wala na siyang pakialam kung sino ang kaharap niya dahil tila sasabog ang dibdib niya sa galit. Kung nagsasabi ng totoo si Ezekiel, ibig sabihin lang niyon ay ang tiyuhin nito ang nang-rape sa kanyang ina.
"Ang mga ganitong bagay ay hindi dapat ginagawang biro, Bainisah..."
"Kung ganoon, ang tiyuhin mo ang nagkasala sa nanay ko!" Hindi niya napigilang magtaas ng boses.
"Perhaps, in so many ways..." tumatango-tangong sabi nito. "Pero sa maniwala ka at sa hindi, minahal ni Tito Andrew ang nanay mo."
Pagak na tumawa siya."Minahal? Pagmamahal ba ang tawag sa panghahalay? At bakit niya ako tinalikuran na anak niya?"
Kumunot ang noo nito. "I'm sorry, pero sinasabi mo ba na ni-rape ng tito ko ang nanay mo? Bainisah, we have inconsistent stories here. Sa pagkakaalam ko, nagkaroon ng relasyon ang dalawa. Right love at the wrong time, maybe. Dahil nang makilala ni Tito Andrew ang nanay mo ay kasal na siya sa iba. Nalaman ni Tita Helena—ang asawa ni Tito Andrew—ang bagay na iyon. At katulad ng mga Moreno ay makapangyarihan din sa Cotabato ang angkan ni Tita. Tinakot ni Tita Helena ang nanay mo kaya napilitan ang nanay mo na umalis ng Mindanao."
"Hindi iyan totoo!"
"Iyon ang kuwento sa akin ni Tito Andrew bago siya bawian ng buhay. Hindi naman na siguro magsisinungaling ang taong hinuhugot na ang huling hininga niya, 'di ba?"
"At ang nanay ko ang nagsinungaling, ganoon ba?" hindi makapaniwalang tanong niya pero tila may nagbubulong sa isip niya na nagsasabi ito ng totoo.
Umiling ang binata. "Hindi ko sinabi iyon. I mean, paano pa natin malalaman ang katotohanan gayong pare-pareho nang patay ang mga taong involved? Maaaring sinabi ng nanay mo ang bagay na iyon para hindi ka na magtanong pa."
Tumulo ang mga luha niya. May punto ito. "Totoo man o hindi, pinabayaan pa rin niya ako..." kagat-labing wika niya. Naalala niya ang mga pagkakataong kailangan niya ng isang ama. Ama na magtatanggol sa kanya at magtuturo ng maraming bagay.
"No. Bainisah, hindi niya alam ang tungkol sa 'yo," mahinang wika nito.
Napatitig siya rito. "A-ano ang ibig mong sabihin?"
"Three years ago ay na-involve sa isang car accident sina Tita Helena at Tito Andrew. Tita Helena was dead on arrival. Si Tito naman ay critical. He wished to speak with me alone. Paputol-putol niyang ikinuwento sa akin ang tungkol sa kanila ng isang babaeng nagngangalang 'Marisah Gandamato.' Hindi ko malilimutan kong gaano kaaliwalas ang kanyang mukha habang nagkukuwento. He was even smiling..."
Napalunok siya. Patuloy sa pagtulo ang mga luha mula sa mga mata niya. Nananakit na rin ang kanyang lalamunan dahil sa mga hagulgol na gustong kumawala.Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman nang mga sandaling iyon dahil sa totoo lang ay samut-sari ang mga damdamin sa kanyang dibdib.
"On his final words, ipinakiusap niya sa akin na hanapin ang nanay mo para ihingi siya ng tawad dahil sa karuwagan niya. Mas pinili daw kasi niya na hayaan nang lumayoang nanay mo dahil baka kung ano ang gawin dito ni Tita Helena."
"Kung gano'n, paano mo nalaman ang tungkol sa akin?" tanong niya kay Ezekiel.
"Katulad ng ipinangako ko kay Tito Andrew, ipinahanap ko agad ang isang Marisah Gandamato sa mga PI. Medyo nahirapan sila dahil sobrang limitado ang impormasyong meron ako. Idagdag pang walang record sa NSO ang iyong ina."
BINABASA MO ANG
Story Of Us trilogy Book 1: Vlad and Bai (Completed)
RomanceBook 1 of Story Of Us Trilogy Sa trabaho lang ni Bainisah bilang newscaster nakasentro ang buhay niya. Hanggang sa isang araw ay lumitas ang kanyang knight in shining armor sa katauhan ng guwapong sundalo na si Vladimir Mondragon.