CHAPTER FIVE
"CAPTAIN Mondragon! Ano'ng ginagawa mo rito?" gulat na bulalas ng dalaga sa lalaking umokupa ng silya sa mesa niya. Biglang kumabog ang dibdib niya. She was prepared to meet Alexander not Vladimir!
Sa halip na sumagot, kinuha nito ang telepono at nag-dial doon. Isang segundo lang at nagri-ring na ang telepono niya. Pinatay rin agad nito ang telepono, pagkatapos ay ipinakita sa kanya ang isang mensahe. Iyon ang mensaheng ipinadala niya kay Alexander.
"It was supposed to be for Alexander," aniya, bahagya pa siyang natigilan nang maningkit ang mga mata nito.
"Pero sa numero ko ikaw nag-text," may pag-uuyam sa tinig na sabi nito.
Tumaas ang isang kilay niya. "Don't use that tone on me, Captain Almighty. Sa pagkakatanda ko, si Alexander mismo ang nag-save ng number na iyan sa cellphone ko na nagkataon palang sa iyo," ganti niya rito ngunit tila lalong naningkit ang mga mata nito.
"Nagkikita kayo ng kapatid ko?"
Hindi niya alam kung bakit gusto niyang isipin na selos ang nahihimigan niya sa tinig nito sa halip na disgusto.
"He sees me once. At kung ano man ang tumatakbo sa isip mo, well, your brother called me 'Ate'!" Huli na para bawiin pa niya iyon. Lumalabas lang na napaka-defensive niya at nagpapaliwanag siya rito.
"Kung gano'n, is-in-et-up tayo ni Xander. Well, then, let's not disappoint my little brother," wika nito sa napakanatural na tinig.
Arrogant! lihim niyang buska rito. Gayunman, sa kabila ng munting inis na nararamdaman niya, hindi nakaligtas sa kanya ang kakisigan nito. Mas guwapo pala ito kapag ganoong naka-casual attire lang ito. Bagay na bagay rito ang polo shirt na suot pati na ang maong jeans nito. Kapag kasi nakauniporme ito ay napakaistrikto nitong tingnan. Kailan kaya niya ito makikitang tumatawa o ngumingiti man lang? Sa tingin niya, lalong titindi ang karisma nito kapag ngumingiti ito.
"Nakapili ka na ba?"
Nag-iinit ang mga pisnging nagbawi siya ng tingin. She wasn't aware she was staring at him! At nahuli pa siya nito.
"I was asking kung nakapili ka na ng pagkain sa menu?" ulit nito, tila hindi apektado sa ginawa niyang pagmamasid sa kabuuan nito kanina. O marahil hindi lang ito ang tipo ng lalaki na nagbibiro sa mga ganoong pagkakataon. Sa mga nabasa kasi niyang nobela, kapag ganoong eksena na kung saan nahuling nakatitig ang babae sa bidang lalaki ay magbibiro na ito na kesyo nakapasa sana ito sa taste ng babae at kung ano-ano pang panunukso.
"Yes," sabi niya sa nakaantabay na waiter ang order niya. Um-order na rin ito. Nang makaalis ang waiter, tumitig ito sa kanya na halos ikailang niya. Pakiramdam niya ay tumagos hanggang sa mga buto niya ang titig nito. At noonlang siya naging ganoon kaapektado sa titig ng isang lalaki.
"You're staring at me," sita niya rito nang hindi na siya makatiis sa pagkailang na nararamdaman.
"Hindi kita sinita kaninang tinitigan mo ako," sagot nito na ipinag-init uli ng mga pisngi niya.
Damn this man for being so blunt! Ang akala niya ay bale-wala lang dito ang ginawa niyang pagtitig kanina, iyon pala, gagantihan din siya nito ng isang titig, isang nakapanlalambot ng tuhod na titig.
"Kung ganoon, patas na tayo. Siyanga pala, Captain Mondragon—"
"Tawagin mo akong Vlad o kaya ay Vladimir, and drop the formality."
"Okay, Vlad. Gusto ko lang magpasalamat sa iyo sa pagkakaligtas mo sa akin. Hindi na kasi ako nakapagpasalamat sa iyo last week."
"I keep no record, Bainisah," simpleng sagot nito.
"Gayunman, nagpapasalamat pa rin ako."
"Walaiyon,"wika nitong blangko ang ekspresyon sa mukha.
BINABASA MO ANG
Story Of Us trilogy Book 1: Vlad and Bai (Completed)
RomanceBook 1 of Story Of Us Trilogy Sa trabaho lang ni Bainisah bilang newscaster nakasentro ang buhay niya. Hanggang sa isang araw ay lumitas ang kanyang knight in shining armor sa katauhan ng guwapong sundalo na si Vladimir Mondragon.