KINABUKASAN maagang magkikita sa may simbahan ng Quiapo ang barkada.
Doon ang kanilang tagpuan. Babalik sila sa Parks and Wildlife upang malaman ang resulta ng blood test nina Gorio.
Si Boging ang unang dumating. Naghanap si taba ng pahayagan at pagkain upang huwag mainip sa paghihintay. Bumibili ito ng hopya nang dumating si Kiko.
"Nabasa mo na ba ang column ni Mang Mike, Bogs?" salubong na bati ni Kiko sa kaibigan.
"Hindi pa. Kabibili ko pa lang nitong dyaryo," sagot ni taba. Inipit nito sa kili-kili ang supot ng hopya at mabilis na binuklat ang pahayagan.
"'Monkey Business in NAIA,'" malakas na basa ni Boging sa headline ng column ni Mike Rodrigo. "Nakalagay dito ang mga nakuha nating impormasyon kahapon, Kiko," masayang sabi nito sa katabi matapos nilang basahin ang kabuuan ng ulat. Ikinuwento nila sa mamamahayag ang tungkol sa lakad nila sa PAWB.
"Alam mo, Bogs, tama ang isinulat ni Mang Mike. Na hindi titigil ang panghuhuli sa mga hayop ---kahit pa endangered na ang mga ito--- hanggang mayroong bumibili," sang-ayon ni Kiko nang biglang tumunog ang beeper niya.
"Si Gino," sabi ni Kiko sa katabi. Binasa niya ang mensahe. "Mauna na raw tayo, Bogs. Ayaw sumama ni Jo dahil natatakot sa magiging resulta. Baka raw mapaiyak ito sa awa kay Gorio. Hihintayin na lang daw nila tayo sa clubhouse."
Kahit hindi aminin ng dalawang binatilyo, hindi nila makakaila na may kaba ring naglalaro sa dibdib nila. Para bang iyong nararamdaman nila kapag kukuha ng final exams. Kahit paano'y nangangamba sila na baka nga masama ang resulta ng blood test nina Gorio.
"Tara na...," mahinang yaya ni Kiko kay Boging.
"ANG TAGAL naman nila," naiinip na sabi ni Jo. Paikut-ikot sa paglalakad ang dalagita sa clubhouse ng B1 Gang sa bakuran ng mga Rodrigo. "Kuya, i-beep mo uli si Kiko."
"Hindi puwede. Ginagamit pa rin ni Daddy ang phone. Saka darating na sila," alo ni Gino sa kapatid.
Upang huwag mabagot, ibinaling ni Jo ang pansin sa souvenir cabinet ng B1 Gang. Dito nila inilalagay ang mga alaala ng bawat kasong nalulutas nila.
Naroon ang isang piraso ng ngipin ng buwaya, lumang payneta, maskara, braille watch at iba pa. Hanggang sa madako ang paningin nito sa isang malaking balahibo ng ibon. Balahibo iyon ng Philippine Eagle, ni Pag-Asa. Naalala tuloy ni Jo ang kanilang ginawa noon para sa mga agila.
"Hellloooo!" putol ng tinig sa isipan ni Jo. Bigla itong napapihit. Kilala nito ang bating iyon ni Boging.
Kapwa nakangiti ang mga binatilyo nang pumasok sa clubhouse.
"Negative ang test!" balita agad ni Kiko.
"Yeesss!" masayang bulalas ng magkapatid.
"Ano raw ang mangyayari kina Gorio?" Si Gino.
"Baka i-turn-over sa Manila Zoo. Pero wala pang tiyak na plano," sagot ni Kiko nang may narinig silang sasakyan na tumigil sa harap ng kabahayan.
Sinilip ng barkada ang dumating. Isang taksi ang nakahinto. At nagulat sila nang may bumabang foreigner.
Mukhang Amerikana. Naka-T-shirt ito, nakamaong na pantalon at hiking shoes. May bitbit iyong itim na bag; iyong tipong case ng video camera. May camera ring nakasukbit sa leeg ng babae. Pero hindi instamatic; mukhang pangprofessional dahil may zoom lens.
Pinindot ng matangkad na babaeng may blondeng buhok ang door bell. Lumabas si Mrs. Rodrigo. Sa pag-oobserba nina Gino, mukhang inaasahan na ni Aling Linda ang dumating dahil mabilis iyong pinatuloy.
Na-intriga sina Gino at Jo. Nagkatinginan naman sina Kiko at Boging. Sa hitsura pa lamang ng dumating ay hindi mapagkakailang journalist iyon. At tiyak nilang si Mang Mike ang pakay ng banyagang bisita.
Tahimik na nagkaunawaan ang barkada. Tulad ng palagi nilang ginagawa, tatambay uli sila sa salas. Upang makaasang marinig ang usapan ng ama at ng bisita nito.
Sama-samang nagtuloy sa kabahayan ang apat. Naupo sina Gino at Kiko sa sofa at tig-isang naghagilap ng babasahin.
Mabilis namang ikinabit ni Jo ang play station at kunwari'y naglalaro sila ni Boging. Pero huwag ka, ang hina naman ng volume ng telebisyon.
"Jo, hinaan mo pa," bulong ni Gino na nakadikit ang tainga sa dingding. "Hindi ko maintindihan ang usapan."
"I-mute mo na lang," habol ni Boging sa dalagitang may hawak ng remote control nang biglang bumukas ang pinto ng opisina.
Si Mang Mike! Mabilis na umarteng may ginagawa ang apat upang huwag mabuko.
"Sabi ko na nga ba't narito kayo," tatawa-tawang wika ng lalaki. "Pumasok kayong apat dito sa opisina at may ipapakilala ako sa inyo."
Nagkatinginan ang mga kabataan. Napakamot ng ulo. Matapos nilang maghirap umarte, eto't papapasukin din pala sila sa loob.
"Kids, this is Miss Alana Joice," pakilala sa kanila ni Mang Mike nang makapasok sila sa tanggapan.
"Hello," bati ni Alana. "Fine-looking lads, you are."
Napakunut-noo ang mga kabataan. "Ano raw?" tahasang sabi ni Boging. Hindi kasi nila naintindihan ang sinabi ng babae dahil sa kakaibang punto niyon.
Natawa si Alana sa reaksiyon ng apat. "Sorry. I keep forgetting you speak American English here. I'm from England, you see, that's why I talk different."
"England? That's where Prince Charles and Princess Diana come from," sabi ni Jo.
Tumango si Alana.
"And Sherlock Holmes," dagdag ni Kiko.
"And James Bond," habol ni Gino.
"Smart kids, you have here," ani Alana sa lalaki.
"Naparito si Ms. Joice dahil sa inilabas nating artikulo kahapon sa dyaryo. Interesado siya sa kaso nina Gorio," paliwanag ni Mang Mike sa mga bata.
"Are you a photojournalist?" baling ni Gino sa babae.
"Hmmm... not quite. Although I depend a lot on my camera and journalistic skills. But most of the time, I do detective work," sagot ni Alana.
"You're an investigator?" hula ni Jo.
"Mostly. You see, I belong to a private organization called Environment Investigation Agency or EIA. Our main task is doing investigative reporting about illegal wildlife trading. So we like to call ourselves, wildlife detectives."
"Wildlife detectives," ulit ni Kiko. "Okey 'yon a!"
"Papunta talaga sa Hong Kong si Ms. Joice dahil mayroon silang expose ro'ntungkol sa mga tigre," singit ni Mang Mike.
"Stop-over lang ang plano niya rito nang mabasa niya ang tungkol kina Gorio."
"Ano ho ngayon ang sadya niya rito?" ani Boging.
"Gusto raw niyang gumawa ng maiksing backgrounder ukol sa wildlife trading sa Pilipinas. The problem is, she can only stay until tomorrow. Is that right, Ms. Joice?" baling ni Mang Mike sa bisita.
"Yup. Another problem is that I'm English. And I know Filipinos are more at ease with Americans which makes my doing solo undercover work here terribly difficult. Specially in such a short time," dagdag ni Alana.
"Kaya gusto niyang makahanap ng makakatulong," tumatango sa pagsang-ayong sabi ni Mang Mike.
"Buti naman ho at dito siya nagpunta. Tiyak na matutulungan n'yo siya, Mang Mike,"ani Kiko.
"Iyon ang una naming usapan. Pero nangbanggitin kong katulong ko kayong mangalapng impormasyon sa kaso ni Gorio e meronsiyang ibang naisip."
"Ano ho?" halos sabay at sabik na tanongng apat.
"Baka raw gusto ninyong maging junior wildlife detectives ng EIA?"
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife Detectives
AdventureGorilya sa Maynila? Ang akala ng mga alagad ng batas ay simpleng kaso lamang ng drug smuggling ang kanilang nadiskubre sa Ninoy Aquino International Airport. Sino ba nga naman ang maghihinala na ang mga ipinasok na unggoy na kinabibilangan ng isang...