KABANATA 18: STAKE-OUT SA BODEGA

190 6 2
                                    

ALAS-SAIS pa lamang ng umaga ay nasa pintuan na ng Ninoy Aquino Park sina Gino, Jo at Kiko.

Kaya lang, sarado ang gate ng PAWB. Walang pinapapasok. Maraming pulis sa loob. Nag-iimbestiga pa siguro sa crime scene. 

Marami ring tao sa labas. Mga reporters ng radyo, may mga TV crew at siyempre pa, sandamukal na usisero.

Nakipagsiksikan ang tatlong kabataan upang makalapit sa gate. Dala ni Gino ang videocam nila.

"Hindi pa puwedeng pumasok. Mamaya magbibigay ng official statement ang PAWB," narinig nilang sabi ng isang pulis sa mga reporter.

"Mga unggoy lang ba ang kinuha?!" sigaw tanong ng kilalang matabang babae na may hawak na maliit na tape recorder at mikropono.

Napangiting umiling ang pulis. "Hindi ako authorized magbigay ng statement, Ma'am Jessica. Mamaya na lang kayo magtanong sa press conference."

"Anong oras ba ang press con?" tanong naman ng isang reporter mula sa isang kilalang station sa radyo.

"Wala pang definite time, pero tiyak na mayroon. Maghintay lang muna kayo. Huwag kayong mag-alala at makakapasok kayong lahat na accredited journalist!" sagot ng pulis.

"At kayong mga 'uzi'," baling ng pulis sa mga miron, "umuwi na kayo o kaya magjogging na lang diyan sa Quezon Memorial Circle para lumuwag kami rito. Hintayin n'yo na lang mamaya sa TV ang balita."

Napatingin si Jo sa mga kasamang binatilyo. "Paano 'yan, Kuya? Hindi pala tayo papapasukin."

"Sana makita natin si Dr. Steven. Tiyak na pakikinggan tayo noon," sabi ni Kiko na tinatanaw ang looban ng Park.

Tumingin sa relo si Gino. "Mag-usap muna tayo ng gagawin natin. Saka baka nariyan na si Boging. Tena."

Bumalik sa dating lugar ang tatlo. Naroon na nga si Boging. Ngumunguya ng pandesal habang hinihintay sila.

"O ano, Bogs? Na-contact mo?" salubong agad ni Jo.

Umiling si taba. "Wala pa si Kabo Leon. Pero sabi ng nakausap ko e duty nga raw siya ngayong Linggo. Kaya lang, baka mamaya pang alas-nuwebe mag-report sa presinto... O kuha kayo," alok nito sa mga kasama na may dinukot na malaking supot ng tinapay sa backpack nito.

"Sige, wala akong gana," tanggi ni Kiko.

"Ano bang plano natin, Gino?"

"Maglakad-lakad tayo sa Memorial Circle habang nag-uusap. Mas maganda 'yon para mag-circulate ang dugo natin," sagot ni Gino na nagsimula nang humakbang.

Binaybay ng apat ang kahabaan ng bakod ng parke. "Ang baba naman ng bakod ng PAWB," makahulugang sabi ni Jo sa mga kasama habang naglalakad sila.

"Kahit na makapasok tayo, madali pa rin tayong makikita ng mga pulis dahil walang ibang kabataan sa loob, Jo. Puro matatanda ang makakapasok kaya kitang-kita tayo," pigil ni Gino sa naiisip ng kapatid.

Dahil Linggo, marami na ang nag-dyajogging at nagbibisikleta sa Quezon Circle. Naisip nilang huwag nang tumawid ng kalye.

Naupo sa tabing daan sina Jo, Kiko at Boging. Nakaharap sila sa mataas na monumento at nakatalikod sa PAWB.

"Nadagdagan ang dapat nating gawin," panimula ni Gino na pabalik-balik na naglalakad sa tabing kalye habang nag-iisip.

Sinusundan ng mga mata ng tatlo ang paglalakad ni Gino.

"Una ay ang bodega ni Mr. Wong... At ngayon, ang pagkawala ni Gorio."

"Bakit ba hindi natin naisip na baka nakawin ang mga unggoy? Sa halagang $200,000 ni Gorio meron talagang magkakainteres," puna ni Boging.

"Hindi kaya ang dalawang Pakistani ang nagnakaw uli sa mga unggoy nila?" wika ng dalagita.

"Magandang tanong 'yon, Jo. At tiyak kong masasagot iyan sa press con mamaya," sagot ni Gino.

"At ang gorilya ni Mr. Wong," paalalang singit ni Kiko. "'Di ba't ngayon daw pupunta sa bodega ang buyer no'n?"

"Sus, ano ba 'to?!" naiinis na bulalas ni Boging na iwinawagayway ang hawak na huling piraso ng pandesal na may kagat na.

"Akala ko ba rare na ang gorilya, Kiko? E bakit bigla yatang nagdagsaan dito sa Pilipinas ang mga gorilya?"

Biglang napahinto sa paglalakad si Gino sa sinabi ni Boging. Dilat na dilat naman ang mga mata ni Kiko.

"Bakit, Kuya?" naramdaman ni Jo na may sumusundot sa isipan ng kapatid.

"Tama ka, Boging! Ang galing mo talaga," si Kiko ang sumagot sa tanong ng dalagita.

"Thank you. Thank you," sagot ni taba. Tumayo ito at nag-bow pa. Pagkatapos ay muling humarap sa kaibigan. "Saan nga pala ako tama, Kiko?"

"Te-thank you, thank you ka tapos hindi mo pala alam kung bakit ka tama. Baka gusto mong tamaan ka sa 'kin!" kantiyaw ni Jo.

Nagkatawanan ang grupo.

"O seryoso na uli," sabi ni Gino na humarap sa grupo. "May punto ka, Boging. Masyadong maliit ang probability na may dalawang gorilya sa Maynila. 'Di ba't sabi ni Dr. Steven na si Gorio pa lang ang unang gorilyang alam nilang narito sa atin? Tapos ngayon biglang dalawa na?"

Nakuha ni Boging ang tinutumbok ni Gino. "Ang ibig mong sabihin... ang gorilya ni Mr. Wong at si Gorio ay iisa? Na si Mr. Wong ang nagnakaw kagabi sa mga unggoy?"

"Shhhh! Baka may makarinig sa 'yo," saway agad ni Kiko sa kaibigan. "Theory pa lang natin iyon, Bogs."

"Na kailangan nating mapatunayan kung mali o hindi," dagdag ni Jo.

"Pero malakas ang kutob kong si Gorio nga ang gorilyang ibebenta ni Mr. Wong," sabi ni Gino.

"Ako rin!" habol ni tabatsoy na sabay tingin kay Jo.

"Kailangang mabantayan agad natin ang bodega," sabi ni Gino na muling naupo sa tabing kalye. "Kailangang mai-record natin ang mga taong papasok o lalabas sa bodega. Pati na rin ang mga sasakyan."

"Oo. Mag-stake-out tayo. Gamitin natin ang videocam para may ebidensiya tayo sa mga pumapasok sa bodega," sang-ayon ni Kiko.

"Paano na ang press con? Tiyak na may mahalagang sasabihin doon," tanong ni Jo.

Muling tumayo si Gino. Kunot ang noo sa pag-iisip. Naglakad-lakad ang binatilyo. Nang bumalik ay may liwanag na sa mukha.

"Magdalawang grupo tayo. Boging at Kiko, pumunta na kayo sa bodega ni Mr. Wong. Alam mo naman ang papunta ro'n, Bogs. Dalhin n'yo ang videocam at mag-set-up na kayo ng surveillance. Maiiwan kami ni Jo. Susunod agad kami sa inyo pagkatapos ng press con."

Nagtayuan na ang apat. Iniabot ni Gino kay Kiko ang videocam. "Ingat kayo, ha," bilin nito sa mga kaibigan.

"Kung may bagong development, i-beep mo lang sa amin, ha, Gino?" habol ni Kiko bago sila tuluyang lumakad ni Boging.

Inihatid ng tingin ng magkapatid ang mga kaibigan. Nang mawala na sa kanilang paningin ang dalawa ay saka bumaling sa katabi si Jo.

"Kuya, paano tayo makaka-attend sa press con? 'Di ba't sabi mo kanina mahirap tayong makalusot dahil puro matatanda ang naroon?"

"Mahihirapan kung tayong dalawa. Pero kung ikaw lang, Jo, may pag-asang makalusot," mahiwagang sabi ni Gino sa katabi. Nakangiti pa ito sa iniisip.

"Ano ba talaga ang balak mo, Kuya?" sabik na ring tanong ni Jo habang naglalakad sila pabalik sa gate ng Ninoy Aquino Park.

"Ganito, Jo, ang gagawin mo..." Ibinulong ni Gino ang naiisip na plano sa kapatid. Unti-unti namang napapangiti ang dalagita sa naririnig.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife DetectivesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon