SA TAGILIRAN ng bodega nagtuloy sina Boging at Jo.
Puro nakasampay na labada ang sumalubong sa kanila. Sa tingin ni Jo ay tila mga banderang iba't-ibang kulay ang mga damit na kumakaway sa kanila.
Tila muog o kastilyo naman ang bakod ng bodega na lumalait sa kakayahan nila. Wala silang makitang madadaanan.
Nagtuloy ang dalawa sa likuran. Doo'y may nakita silang mga matataas na puno ng bayabas.
"Bogs, abot ang sanga ng punong 'yon sa itaas ng pader," nakaturong sabi ni Jo. Malago rin ang puno. Maikukubli sila ng mga dahon.
"Puwede sana nating akyatin kaya lang baka mahirapan ka e," puna ni Jo na hinimas pa sa likod ang kasama na tila nakikiramay.
"Pero okey lang, Bogs. At least, sinubukan mong maghanap ng madadaanan."
"Ako?" turo ni Boging sa sarili. "Baka ikaw 'kamo ang hindi makaakyat!" sabi niyon na sinundan ng malabaliw na halakhak.
"Ginagawa mo pa 'kong dahilan, ha!" "Hoy! Hindi porke't babae ako e tatalunin mo 'ko sa lahat ng bagay," sabi ni Jo na nagsimula nang umakyat sa puno ng bayabas.
"A, ganoon!" kagat na naman ni Boging sa hamon ni Jo. Umakyat din si taba.
Nag-unahan ang dalawa. Hanggang sa marating nila ang itaas ng puno. Humihingal na naupo sila sa sanga upang sandaling makapagpahinga. Nang biglang lumagutok iyon. Namilog ang mga mata nina Boging at Jo.
"Bogs, doon ka sa kabilang sanga at baka mabali 'to sa bigat natin," sabi ni Jo.
Maingat na lumipat si Boging. Sa kalooban niyo'y nagsisimulang mabuhay ang kaba. Nilabanan iyon ni taba. Ano, patatalo siya sa babae!
Mula sa itaas ay natanaw nila ang looban ng bodega. Saka lamang nila nakita na malayo pa pala ang bodega mula sa pader. May 20 piye pa ang distansiya; bale mahigit pa sa 15-foot line sa basketball.
Iginagala nina Jo at Boging ang kanilang mata sa looban nang may pumitadang silbato mula sa harapan ng bodega.
Tumingin si Boging sa kanyang relo. "Alas-tres na. Breaktime nila."
"Ito na ang pagkakataon natin, Bogs. Siguro'y 10 minutes ang recess nila," sabi ni Jo. "Ayun o! May nakaparadang truck sa tabi ng bakod. Puwede tayong tumuntong sa bubong ng truck para makababa sa loob. Anong palagay mo?"
Hindi sumagot si Boging. Malayo sa kinaroroonan nila ang nakahimpil na truck. Ibig sabihin, kailangan nilang manulay sa pader para marating ang truck.
Napansin ni Jo ang pag-aalinlangan ng kasama. "Pero kung aminado kang mali nga ang kutob mo e di umuwi na tayo," patay-maling sabi ni Jo.
"Excuse me! Aaminin ko'ng mali ako kung talagang mali ako. Pero this time, tama ako," matigas pa ring sabi ni taba.
"Sabi mo e. Tena!" mabilis na yaya ng dalagita.
Nagpasimulang umusad si Jo sa kinauupuang sanga. Unti-unting lumapit siya sa pader.
Ngayon ay nakahalata na si taba. Masyadong mabilis ang pagsang-ayon ni Jo. Pero wala na iyong magagawa. Napasubo na ang pagkalalaki niyon.
Nang makarating si Jo sa dulo ay tumuntong siya sa tuktok ng pader at maingat na bumitaw sa sanga ng bayabas. Idinipa ni Jo ang mga braso bago siya nagpasimulang manulay sa pader. Animo gymnast sa beam balance ang dalagita. Diretso ang tingin upang hindi malula sa mataas na kinaroroonan.
Pigil ang hiningang pinagmasdan ni Boging ang pagtulay ng kaibigan. Ligtas namang narating ni Jo ang nakaparadang truck. Dahan-dahang bumaba ang dalagita mula sa pader at tumuntong sa ibabaw ng bubong ng sasakyan.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife Detectives
AventuraGorilya sa Maynila? Ang akala ng mga alagad ng batas ay simpleng kaso lamang ng drug smuggling ang kanilang nadiskubre sa Ninoy Aquino International Airport. Sino ba nga naman ang maghihinala na ang mga ipinasok na unggoy na kinabibilangan ng isang...