DILAT na dilat ang mga mata ni Kiko nang marinig ang balita ni Kabo. Sa apat na magkabarkada, si Kiko ang pinakamahilig at ang may higit na kaalaman tungkol sa mga hayop.
"Paano ho nila nalamang nasa loob ng katawan ng mga unggoy ang drugs, Kabo Leon?" tanong ni Kiko.
"Ini-X-ray nila. Meron silang nakitang mga black spots sa loob ng katawan ng ilang tsonggo. Bale sampung unggoy pala lahat ang nakumpiska."
"Kawawa naman 'yung mga unggoy. Pati sila dinadamay sa kalokohan," naiinis na wika ni Jo.
"Mga Pakistani kamo ang nagpasok sa mga matsing, Kabo. Ibig sabihin ba'y galing sa Pakistan ang mga hayop?" tanong ni Mang Mike na huminto sa pagkain.
"Oo, Sir, kaya lang hindi ro'n nagmula. Nang i-trace ng Customs ang ruta ng kargamento, sa Nigeria raw nag-originate ang mga tsonggo. Tapos ay dinala sa Pakistan at ngayon nga'y dito sa 'tin," sagot ng pulis.
"Nag-stop-over lang ba ang kargo rito?" tanong uli ng mamamahayag.
"Hindi, sir. Ayon sa pinsan ko dito ang destination ng mga hayop."
"Bakit gusto mong malaman kung saan papunta ang mga unggoy, Daddy?" singit ni Gino.
"Madalas kasing ginagawang transshipment point lang ng epektos ang Pilipinas papunta sa ibang bansa. Pero sa kasong ito, mukhang narito sa atin ang buyer ng mga iyon," ani Mang Mike sa panganay na anak.
"Ano raw ho ang sabi ng mga Pakistani na gagawin nila sa unggoy?" ani Boging na muling naglalagay ng pansit luglog sa plato nito.
"Aba, noong una, mga stuff animals lang daw ang cargo nila. Tapos, biglang nag-iba ng istorya. Mga alaga raw nila ang mga iyon," natatawang pahayag ni Kabo.
"Sampung matsing? Ano sila may-ari ng zoo o kaya'y circus?" hindi makapaniwalang sabi ni Jo.
"Alam n'yo naman ang naaaresto. Kahit ano sasabihin makalusot lang. Akala kasi nila dahil iba't ibang klase ang mga tsonggo na ipinasok nila puwede nang dahilan 'yon," ani Kabo.
"Bakit ho, Kabo, hindi ba pangkaraniwang unggoy ang mga iyon?" interesadong tanong ni Kiko.
"Hindi. Sabi ng pinsan ko e limang klaseng matsing daw pero isa lang ang kilala nila. Tuwang-tuwang nga silang lahat na paglaruan 'yon dahil maamo."
"Chimpanzee ho siguro, 'no?" tanong ni Kiko habang umiinom. Mapaglaro ang ganoong klaseng tsonggo.
Sumubo muna si Kabo Leon bago tumugon. "Hindi, Kiko... gorilya."
Muntik nang masamid si Kiko sa narinig. "Gorilya!?"
"Oo, pero bata pa. Halos two feet pa lang nga raw ang laki e. Interesado kang makita 'yon, ano Kiko?" sabi ng pulis dahil alam nito ang hilig ng binatilyo.
Subalit sa malaking pagtataka at gulat ng lahat, biglang tumayo si Kiko at parang tulirong nagtatakbo palabas sa salas.
"May nasabi ba 'kong masama?" nagaalalang baling ni Kabo Leon sa mga kaharap sa mesa.
"Wala ho," paniniyak ni Gino ngunit bakas din ang labis na pagtataka sa mukha nito.
Susundan na sana ni Gino ang kaibigan nang humahangos na bumalik sa komedor si Kiko. May dala na itong nakabuklat na libro.
"M-Mang Mike! H-Hindi ho ddrugs ang ipinapasok nila!" halos magkandautal sa kasabikang sabi ni Kiko.
"Sandali, Kiko," mahinahong sagot ng lalaki. "Dahan-dahan. Huminga ka muna nang malalim bago ka magpatuloy... O ngayon. Ano bang gusto mong sabihin?"
"Wala hong drugs sa loob ng mga unggoy! Hindi ho droga ang ini-smuggle ng mga Pakistani," ulit ni Kiko.
Takang nagkatinginan ang lahat. Iniisip kung paano nalaman ni Kiko ang pinagsasabi niya. Nakahalata ang binatilyo. Nagpaliwanag siya.
"Kinuha ko ho sa bag ko 'tong libro kaya ako nagtatakbo sa salas. Tungkol po sa endangered species 'to. At ayon ho rito... ang gorilya ay kasama sa listahan ng mga hayop na nanganganib na maging extinct."
Iniharap ni Kiko sa mga kausap ang nakabukang aklat na may larawan ng mga gorilya.
"E bakit mo nasabing walang drugs sa loob ng mga matsing?" nagtatakang tanong pa rin ni Kabo Leon.
"Hindi ho kasi nila isusugal ang buhay ng gorilya. Sabi ho rito sa libro na mahal ang bentahan ng gorilya sa wildlife black market."
"May punto ka, Kiko," tumatangong sangayon ni Mang Mike. "Karaniwang unggoy lang sana ang ginamit nila kung taguan lang ng droga ang kailangan."
"Nasaan na raw ho ang mga unggoy?" singit ni Gino.
"Malamang ay nai-turn-over na sa Wildlife Bureau. 'Yon ang S.O.P. sa kaso ng mga nakukumpiskang hayop," sagot ng pulis.
"Baka nasa Protected Areas and Wildlife Bureau sa Quezon City ang mga 'yon," hula ni Kiko.
"Sa Ninoy Aquino Park?" tanong ni Jo.
"Oo. May maliit na zoo ro'n ang Wildlife Bureau. Puntahan natin!" sabik na yaya ni Kiko.
Bumaling sa mga magulang si Gino. "Puwede ba kaming pumunta? Wala ho ba kayong ipagagawa?"
Saglit na nagtinginan ang mag-asawa bago nagsalita si Aling Linda. "Sige. Huwag lang magpapagabi, ha?"
Magulong nagtayuan ang apat na sabay-sabay na nagsasalita. Ngunit bago tuluyang lumisan ang grupo ay nagpasalamat sila kay Kabo Leon sa ibinalita nito.
Walang kamalay-malay ang apat na kabataan na magiging isang bagong hamon sa kakayahan ng B1 Gang ang kasong ito ng mga tsonggo.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife Detectives
AvventuraGorilya sa Maynila? Ang akala ng mga alagad ng batas ay simpleng kaso lamang ng drug smuggling ang kanilang nadiskubre sa Ninoy Aquino International Airport. Sino ba nga naman ang maghihinala na ang mga ipinasok na unggoy na kinabibilangan ng isang...